7 - Night 4

89 8 0
                                        

[Night 4]

Unti-unting nagmulat ng mga mata si Ciara. Naramdaman niya ang pananakit ng kaniyang katawan dahil nakatulog siyang nakasandal sa pinto. Nasilayan niya ang liwanag na tumatagos sa malaking bintana ng kwarto. Ang kwartong kanyang kinalalagyan ay ang kwartong kanilang unang napuntahan nang matagpuan ang mansyon na mayroong dalawang kama kung saan naiwan silang dalawa ni Marco noong gabing iyon.

Marahan siyang tumayo at muling pinihit ang hawakan ng pinto para malaman kung mabubuksan na ito. Isang malalim na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan dahil hindi pa rin ito mabuksan. Inilibot niya ang paningin sa buong kwarto, maliwanag na ang paligid dahil sa tumatagos na sinag ng araw at malinaw na nakikita na niya ang kabuuan ng silid.

'Kailangan kong makalabas dito.'

Mabilis niyang hinalungkat ang mga aparador at mga drawer para humanap ng maaaring gamitin para masira ang pinto at tuluyan na siyang makalabas ng kwarto at matulungan na rin ang iba pang mga kaibigan na nakulong din sa magkakahiwalay na silid.

Nagkalat na ang mga gamit sa paligid pero wala pa rin siyang makitang bagay na kayang sumira sa door knob. Nalipat ang kanyang paningin sa salamin na mayroong mesa at mga drawer, agad niya itong nilapitan at hindi nagdalawang-isip na halungkatin ang mga gamit sa loob niyon.

Wala siyang nakita kundi mga papel at ang nakaagaw ng kaniyang pansin ay ang isang lumang kuwaderno na mayroong bahid ng dugong natuyo.Magaspang ang pabalat nito, may parte itong kupas na mula sa kulay kape nitong kulay at ang ibang parte naman ay nangingitim na.

Ang ibang pahina nito ay malapit nang makalas dahil sa tagal ng panahon, ang malinis na mga puting pahina nito'y nanilaw na maging ang tinta na ginamit sa pansulat dito'y malapit nang mabura.

Nang buklatin niya ito, napagtanto niya na isa itong talaarawan. Awtomatikong pinasadahan niya ng tingin ang mga nakasaad doon. Unang nahagip ng kanyang mga mata ang petsa na nakasulat doon.

Mayo 18, 1904

Masaya ang lahat sa naging pagdiriwang ng pagkakahalal ni Papa bilang Pinuno ng aming lalawigan kanina. Nagkaroon ng kasiyahan sa ibaba kasama ang mga mga Amigo ni Papa at mga kasamahan nito sa politika. Ang pangamba ko para kay Mama kanina dahil sa pag-inom ng alak nila Papa ay nangyari na naman. Laging sinasaktan ni Papa ang Mama sa tuwing nalalango ito sa alak dahil sa kalasingan. Masakit sa pusong gabi-gabi naming naririnig ang hikbi ng aming Ina dahil sa walang-awa at mapanakit naming Ama. Ilang beses ko na ring pinigilan si Myrna na sugurin si Papa sa kanilang silid dahil sa matinding awa nito kay Mama at galit kay Papa, kahit papaano'y mayroon pa rin akong respeto sa Papa kahit na ganoon ang trato niya sa aming Ina.

Umaasa ako na hindi na mauulit pa ang ganitong pangyayari alang-alang sa aming pamilya.

— Myra


Hindi na sana babasahin pa ng buo ni Ciara ang nakasulat sa talaarawan dahil hindi niya ugaling magbasa ng mga pribadong sulat gaya nito, ngunit nang mahagip ng kanyang mata ang pangalang 'Myrna', sandali siyang napahinto at bahagyang napakunot ang noo.

Muling nagbalik sa kanyang ala-ala ang isang tinig na narinig niya kailan lang at ang binibigkas nitong salita ay ang pangalang  Myrna. Ibinalik niya ang tingin sa talaarawan, agad siyang naging interesadong basahin iyon. Nabuhayan siya ng loob dahil ang mga katanungnan niya tungkol sa babaeng nagngangalang 'Myrna' ay maaari nang masagot sa pamamagitan ng talaarawang iyon.

Hindi na siya nagdalawang-isip pa na basahin nang tuluyan ang kabuuan ng talaarawan dahil sa pagkakataong ito,  malakas ang kanyang kutob na ang lahat ng kasagutan ay nakasaad dito.



White Rose ✔Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon