22 - Night 7 Part 10

33 4 0
                                    

[Night 7 Part 10]

Sama-samang pinanonood ng lahat kung paano magsimulang ma-abo ang bawat piraso ng talaarawan. Tahimik lang ang mga ito habang nakatitig sa apoy na mabilis na tinupok ang halos isandaang pirasong papel. Nang tuluyan nang maabo ang talaarawan, nagbigay ng makahulugang tingin ang bawat isa pagkatapos ay tumango, senyales na sisimulan na nilang puntahan ang sinabi ni Myra na kinaroroonan ng plorera.

Dahil hindi magawang magtiwala ng lubos nina Marco at Ion sa mga binitawang salita ni Myra, napagdesisyunan nilang sunugin na agad ang talaarawan pagkatapos sabihin nito ang kinalalagyan ng plorera. Sa paraang iyon ay makatitiyak sila na hindi na nito magagawa pang magtraydor sa kanila. Gaya ng sinabi nito, hindi ito gumawa  ng hakbang para pinigilang sunugin ang talaarawan.

Nangunguna si Ciara sa paglalakad, mabilis ang kanilang paghakbang dahil natitiyak nilang ano mang oras ay darating si Myrna upang pigilan sila. Ilang hakbang lang, mabilis nilang narating ang maliit na chapel na katabi lamang ng sala. Nang makapasok sila'y saglit na napahinto sa paglalakad si Ciara dahilan para mapahinto rin ang mga kasama sa kanyang likuran.

Agad na nanikip ang kaniyang dibdib nang mabungaran niya ang malaking krus sa gitna ng chapel, mayroon pa itong bahid ng mga natuyong dugo. Muling nagbalik sa kaniyang alaala ang nangyari sa kanila sa lugar na iyon lalo na ang pagkawala nang isa pa nilang matalik na kaibigan.

Nagtatakang napatingin sa kaniya ang tatlo na nasa kaniyang likuran kung bakit ito tumigil sa paglalakad Sinundan nila ang tingin ni Ciara hanggang sa mapunta rin ang kanilang paningin sa krus. May kirot na pumisil sa kanilang mga puso nang maalala rin ang masakit na pangyayari. Sunod-sunod silang napabuntong-hininga saka iniwas ang paningin sa krus.

Muling pinangunahan ni Ciara ang paglalakad, puno ng tapang at determinasyon ang kanilang mga puso na wakasan na ang masalimuot na pangyayari sa mga nagdaang araw hanggang sa kasalukuyan. Mabilis nilang narating ang likod ng chapel, tahimik pa rin ang lahat, tanging ang mga yapak lamang nila ang maririnig sa buong paligid.

"Sigurado ba siyang may sikretong lagusan dito?" Nag-aalinlangang wika ni Skye habang inililibot ang paningin sa masikip na pasilyo sa likod ng chapel.

"Sikreto 'yon, kaya sigurado akong mahirap hanapin 'yon." Tugon naman ni Ciara. Kinakapa nila ang dingding, nagbabakasakaling naroon ang lagusan na tinutukoy ni Myra sa kanila.

"Imposibleng dito 'yon, sa likod ng pader na 'to yung front door 'di ba? At saka dito, yung sa may bookshelves, yung reading area." Wika ni Ion.Umabante pa ito habang itinuturo ang dingding, kinukumpirma na iyon nga ang nasa likdo niyon. Agad namang napaisip ang tatlo dahil tama nga ang sinabi nito.

"Sa dulo. Kundi ako nagkakamali, Ilalim ng hagdan ang likod no'n, pwedeng magkaroon ng daan o kwarto pa ro'n." Kongklusyon ni Marco, agad na nagliwanag ang mga mata ng dalawang dalaga saka mabilis na tinakbo ang dulong bahagi ng masikip na pasilyo. Kung hindi titignang mabuti, mistulang pader lamang iyon ngunit kapag inusisa mo ito'y hindi mo aakalain na isa iyong pinto.

"Ito nga!" Masayang anunsyo ni Ciara saka itinulak ang pinto. Mabilis itong bumukas, bumungad sa kanila ang makitid na hagdan pababa, gawa rin ito sa semento. Agad na nagtayuan ang mga balahibo ni Ciara nang salubungin siya ng kakaibang lamig na nagmumula sa lagusan.

Napahakbang siya ng isa paatras at napalunok sa kaba habang pinagmamasdan ang madilim na lagusan. Mabilis namang kumilos si Ion at Marco, pinantayan nila ang kinatatayuan ng dalaga saka itinutok sa harapan ang hawak nilang flashlight.

"Ako na ang mauuna, sa likod ko kayo." Saad ni Marco saka mabilis na humakbang pababa. Napapalunok na sinundan naman ito nina Ciara at Skye, sumunod na rin si Ion.

White Rose ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon