14 - Night 7 Part 3

39 6 0
                                    

[Night 7 Part 3]

"AAAAHHHHHH!!!" Sigaw nilang dalawa nang tuluyan niyang mabitawan si Jeyd kasabay ng pagkawalan niya ng balanse, maging siya'y napasama nang mahulog ito. Ngunit agad niya ring naramdaman ang mahigpit na kapit sa kanyang pulsuhan kaya naman hindi siya tuluyang nahulog.

Tinanaw niya si Jeyd at agad na napapikit nang makita ang sitwasyon nito. Humahagulgol na nilapitan ng mga kaibigan nila na nasa ibaba at hindi magkamayaw kung hahawakan ba ito o hindi. Tagos ang tatlong kawayan sa kanyang katawan, mabilis na kumalat ang dugo sa kanyang damit at ang mga mata niya'y unti-unting pumikit.

"Jeeeyyyddd!!!" Sigaw ni Ciara nang makita itong pumikit. Mahina na ang mga patak ng ulan kaya naman kitang-kita na ang mga nangyayari mula sa ibaba.

"Kumapit kang mabuti!" Sigaw ni Marco at inabot sa kanya ang tela na agad niya namang kinuha at dahan-dahang bumaba.

"K-kasalanan ko 'to... S-sorry... Hindi ko siya hinawakan nang mabuti..." Umiiyak na wika ni Ciara nang makababa na.


"Naaayyy!!!" Hagulgol ni Risha habang pinagmamasdan ang kaibigang wala ng buhay na kanya ring nanay-nanayan sa grupo.

"Tara na! Kailangan na nating makaalis agad dito!" Sigaw ni Marco nang makababa na rin kasama sina Nico at Ion na iika-ika sa paglalakad.

Labag man sa kanilang kalooban na iwanan ang bangkay ng kanilang mga kaibigan sa mansyon, wala na rin silang magawa dahil sarili nilang buhay ang nakataya sa oras na hindi sila tuluyang makaalis sa mansyon. Sa huling pagkakataon, muling napasulyap si Ciara sa mansyon bago sila tuluyang tumakbo paalis. Hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang pigura ng isang babae, na nakadungaw sa malaking bintana sa ibaba at diretsong nakatingin at nakangiti sa kaniya. Si Myra.

Palaisipan sa kaniya kung bakit sila tinulungan nito na makalabas. Ngunit sa pagkakataong ito, malaki ang pasasalamat niya rito dahil makakauwi na sila ng ligtas. Gayunpaman, malaki ang lungkot at bigat sa kanyang puso dahil sa mga kaibigang nasawi dahil hindi nila makakasama pa ang mga ito sa pag-uwi.

Mabilis nilang tinatahak ang madilim na kagubatan, umaasang mahahanap nila nang agaran ang daan palabas. Muling pumatak ang ulan mula sa kalangitan dahilan para umusbong ang kaba at kawalan ng pag-asa sa kanilang sistema. Tila ba naibalik sa kanilang alaala ang gabi kung kailan tinatahak din nila ang daan sa masukal na kagubatan ang lugar na kanilang hinahanap kung saan natagpuan nila nang gabing iyon ang mansyon habang malakas din ang ulan.

Isa-isang pinasadahan ng tingin ni Ciara ang pitong kaibigan na iisa ang nakarehistro sa kanilang mukha, kawalan ng pag-asa. Hindi pa rin matigil sa paghagulgol si Risha na inaalalayan nina Blane at Laira. Napapikit na lamang siya nang mariin dahil sa kanilang labin-limang magkakaibigang nakarating sa mansyon, walo na lamang ang natira at nakalabas ng buhay.

Kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha, ang paglitaw ng mga alaala nila sa kanyang isip. Ang magkasintahang sina Rex at Cindy na laging nilalanggam sa kanilang lambingan, Si Prince na prinsipe ng kahanginan, Ang reklamador na si Aira at ang kasintahang nitong si Allan na puro kasungitan ang ibinibigay sa kanya, si Jeyd na seryoso at panay ang pagsasalita ng ingles at si Noel na hari ng kahanginan at puro kagwapuhan niya ang bukambibig ngunit siya rin ang dahilan kung bakit madalas nakangiti ang lahat.

Napahinto ang lahat nang mapatigil si Ciara sa mabilis nilang paglalakad, hindi na niya napigilan pa ang pagiging emosyonal habang inaalala ang mga kaibigang namayapa na.

Agad naman siyang nilapitan ni Skye at hinagod ang likod nito. Tuluyan na ring nahawa ang lahat at hindi na napigilan pa ang kanilang mga luha sa pagbagsak liban kay Marco at Ion na nakatungo lamang.

White Rose ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon