[Night 7 Part 8]
Nahagip ng paningin ni Marco ang tuyong rosas sa bandang sulok ng pasilyo, kasalungat ito ng kinaroroonan ni Blane kaya naman hindi na siya nagulat pa na madadatnan nila itong wala ng buhay. Dilat ang mga mata nito na mababakas ang takot at wala na ang panga nito dahilan para lumaylay ang dila nito hanggang leeg. Duguan ang buong katawan at sariwa pa na umaagos ang dugo nito mula sa kaniyang panga.
"Nagagawa pa rin nilang pumatay kahit wala sa loob ng mansyon!" Humihikbing wika ni Laira.
"Anong kailangan nating gawin para matigil sila?" Baling ni Ion kay Ciara. Pinilit namang kumalma ni Ciara at pinatatag ang loob alang-alang sa mga kaibigang kaya niya pang isalba.
"Kailangan nating bumalik sa mansyon." Matabang na wika niya.
"Ano?!" Hindi makapaniwalang bulalas ni Laira. "Bakit?!"
"Kailangan nating sirain yung vase na nakita natin malapit sa hagdan at itong diary. Para matigil na ang lahat ng ito." Tugon niya.
"Kapag bumalik tayo ro'n, para narin nating inilapit ang sarili natin sa kamatayan." Katwiran ni Laira.
"Kahit hindi tayo bumalik, hinahabol pa rin tayo ni kamatayan. Ikaw na ang nagsabi, kaya pa rin nilang pumatay kahit wala sa loob ng mansyon." Depensa naman ni Ciara. Natahimik si Laira dahil malaki ang punto ng kaibigan, naiinis siya sa kanyang sarili dahil hindi nila alam ang gagawin kung paano makaliligtas sa ganoong sitwasyon na hindi tinatahak ang daan sa gitna ng buhay at kamatayan.
"Tama siya. Kailangan nating lumapit sa kamatayan at sumugal dahil naroon din ang pag-asa natin para manatiling buhay." Puno ng determinasyong sang-ayon naman ni Marco. "Lima nalang tayo. Kapag hindi tayo sumugal, walang maliligtas. Lahat tayo mamamatay." Dugtong niya.
"Ngayon, sigurado na natin kung paano talaga matitigil 'to. Wala ng dahilan para manghula. Wala ng dahilan para umatras tayo dahil alam na natin kung pa'no sila mapupuksa." Puno ng kumpyansang wika naman ni Ion. Hindi pa rin maalis ang pagtutol sa mukha ni Laira dahil batid na niyang buo na ang desisyon ng mga ito na bumalik sa mansyon.
"Skye?" Baling ni Cia sa tahimik na kaibigan, hinihingi ang desisyon nito kung sang-ayon ba siya na sumama sa pagbalik sa mansyon. Lahat ng atensyon ay nasa kaniya na rin, hinihintay ang magiging sagot nito.
"Kung iyon naman ang makabubuti para sa'tin, oo naman. Sasama ako." Sinserong wika nito na may malungkot na ngiti sa mga labi. Sinuklian din ito ng ngiti ni Cia saka naman binalingan si Laira na hindi na maipinta ang itsura.
"Alangan naman maiwan ako mag-isa sa gubat na 'to 'di ba? Ano pa nga bang magagawa ko?" Nangingilid ang mga luhang wika nito.
"Di ba sabi mo, hindi mo hahayaang mamatay ka ng hindi lumalaban?" Ngiti ni Cia kay Laira. Mabilis na tumulo ang mga luha ni Laira nang maalala ang sinabi niyang iyon mula kay Ciara. Agad naman itong nilapitan ng dalawa pang dalaga saka niyakap ng mahigpit.
"Malalagpasan din natin 'to. Makakauwi tayo." Tahimik na lumuluhang pagpapagaan ng loob ni Ciara sa kaibigan, naroon parin ang malungkot na ngiti sa kanyang labi. Patuloy naman sa paghagod si Skye sa likod ng kaibigan upang mabilis itong mapakalma at maiparamdam na hindi ito nag-iisa.
"Tara na?" Tanong ni Ciara ng bahagya itong lumayo sa kaibigan. Isang tango lang ang natanggap niya mula rito dahil hindi pa rin ito matigil sa pagluha.Muli nilang tinapunan ng tingin si Blane, hindi nila natagalang tingnan ito dahil na rin sa kanyang kalagayan. Iika-ika namang lumapit dito si Ion at lumuhod upang magpantay sila ng walang buhay na si Blane. Nanginginig ang mga kamay niyang pinadaan ito sa noo ng kaibigan pababa sa mga mata nito upang maipikit ang mga mata ng kaibigan. Nang pumikit na ito, dahan-dahan niya itong pinahiga ng maayos sa sahig. Tahimik na lumuluha nalang ang tatlo pa habang nakatingin sa malayo samantalang malungkot na pinanonood lamang ni Marco ang aksyon ng kaibigan.
BINABASA MO ANG
White Rose ✔
ParanormaleGhost Hunter's o mas kilalang "Ghounters", ang grupong kinabibilangan ni Ciara Corpuz na binubuo ng labing limang miyembro. Ang babaeng may kakayahang makaramdam ng mga espirito at kaluluwa. Sa hindi inaasahan, nagsimula ang kanilang kalbaryo nang m...