[Nigh 7 Part 2]
"SINONG NAGLAGAY NITO SAKIN?!" Naghihisterikang sigaw ni Nico.
Nanlalaki ang mga matang napatingin ang mga kasama sa kaniya. Ang ila'y naestatwa at natulala, nanlulumo sa kanilang nakikita. Agad namang nanghina ang tuhod ni Risha at napatukod ang kamay sa kalapit na upuan. Nangyari ang kanilang kinatatakutan. Na sa oras na sila'y umidlip man lang, isang nakagigimbal na pangyayari ang muling bubungad sa kanilang paggising.
Nanginginig ang mga kamay ni Nico habang hawak sa kanang kamay ang puting rosas na dahilan ng kaniyang pagsigaw. Puno ng takot ang mga mata nito at nagsimulang umalog ang kanyang balikat. Ngunit agad na nalipat ang atensyon ng lahat sa malakas na pagtawa ni Allan. Kunot ang mga noong pinanood lamang nila itong humahalakhak na tila mayroong magandang nangyari. Unti-unti itong napaluhod habang pahina nang pahina ang kanyang pagtawa. Mas lalong nadagdagan ang bigat sa kanilang puso nang ihagis nito sa kanilang harapan ang isa pang puting rosas.
"Allan..." Tanging bulalas ni Ciara dahil sa pagkabigla.
Isang malakas na paghagulgol ang muli nilang narinig mula kay Risha na puno rin ng takot. Tuluyan na itong napasalampak sa sahig at ang buong katawan niya'y tuluyan na ring nanghina. Kuyom ang kaliwa nitong kamay habang walang tigil sa malakas na pag-iyak. Agad naman itong nilapitan at pinakalma nina Blane at Skye habang naka-alalay lamang sina Laira at Ciara sa likuran.
"Ayoko pang mamatay! Ayoko pang mamatay!" Hagulgol niya. Hinagod naman ni Skye ang likod ni Risha habang pinupunasan naman ni Blane ang mukha nito.
"Shhh. Kumalma ka. Makakaalis tayo ng buhay dito." Pagpapatahan ni Skye na sinabayan ng tango ni Blane.
Napailing nalang si Risha habang hindi pa rin matigil sa pag-iyak. Dahan-dahan nitong inangat ang naka-kuyom niyang kaliwang kamay saka ito unti-unting binuksan. Napasinghap ang apat na babae at agad na nangilid ang luha sa kanilang mga mata. Maging si Risha'y nakatanggap din ng puting rosas na natagpuan niyang nakasilid sa bulsa ng kanyang pantalon. Kumpara sa natanggap ni Allan at Nico, mas maliit ang bulalak nito.
Hindi pa man nakababawi ang lahat sa sunod-sunod na pangyayari ng umagang iyon, ang mga salitang binitawan ni Ion ay tuluyang nagpahina sa lahat.
"Sht, Jeyd! Ikaw din?! What the pck?!" Rinig nilang bulalas ni Ion.
Awtomatikong napabaling ng tingin ang lahat sa walang kibong si Jeyd habang tulala sa hawak nitong bulaklak. Gayunpaman, batid sa dalaga ang takot dahil sa nanginginig nitong mga kamay.
"Oh my God..." Nangangatal na bulalas din ni Blane habang tuloy-tuloy na dumadaloy ang luha sa kanyang mga mata.
"G-guys... Ayoko... Ayoko pang mamatay!" Walang tigil sa paghagulgol na wika ni Risha. Humigpit ang kapit niya sa dalawang kaibigan na hindi rin matigil sa pag-papatahan sa kanya.
Nagkatinginan ang lahat liban na lamang sa apat na nakatanggap ng bulalak, bakas sa kanilang mata ang pag-aalala gayundin ang takot na unti-unting lumalamon muli sa kanilang buong katawan sa katotohanang unti-unti na rin silang nababawasan. Iisa lamang ang tanong sa kanilang isipan, "Dito na ba matatapos ang lahat?"
* * *
"Hindi ko inaasahan na apat sa atin ang makatatanggap ng bulaklak... Sa parehong araw at parehong oras." Nanlulumong wika ni Skye.
"Ano nang gagawin natin?" Mahinang tanong ni Blane saka isa-isang tiningnan ang mga kaibigan.
"Sabay-sabay kayong nakatanggap... Ibig sabihin ba, sabay- sabay din kayong...?" Konklusyon ni Ion na hindi na itinuloy pa ang naiisip.
BINABASA MO ANG
White Rose ✔
ParanormalGhost Hunter's o mas kilalang "Ghounters", ang grupong kinabibilangan ni Ciara Corpuz na binubuo ng labing limang miyembro. Ang babaeng may kakayahang makaramdam ng mga espirito at kaluluwa. Sa hindi inaasahan, nagsimula ang kanilang kalbaryo nang m...