LIX

3.2K 298 10
                                    

Nakaputing uniporme si Nino. Nakayuko siya kasama ang mga kasamahang sundalong naka-asul na uniporme habang hawak-hawak ang mga mahahaba nilang baril at riple at kani-kaniya ng mga pagputok ng baril, samut-saring putok ng mga baril ang umaalingawngaw sa paligid.

Maya-maya pa'y umalingawngaw ang napakalakas na putok at humandusay si Niño sa lapag, mabilis na umaagos ang dugo mula tama niya dahilan para magmistulang pula ang puti niyang uniporme.

"Tinamaan si Niño!" sigaw ng isang sundalo sa mga kasamahan niyang nakadapa nang makita ang pagbagsak sa lapag ng heneral. Nang marinig ito ni Fernan na nasa 'di kalayuan ay agad siyang gumapang papunta sa kinaroroonan ni Niño.

"Niño!" tawag niya sa kaibigan nang makalapit siya rito. Hinawakan niya sa balikat ang binata atsaka tumingin sa tama nito.

"H-Huwag kang gagalaw. Aatras na tayo." natatarantang wika ni Fernan at sisigaw na sana sa mga kasamahan na aatras na sila nang hilahin siya ni Niño. May kinuha ang heneral sa bulsa ng kaniyang uniporme at nilagay 'yon sa dibdib ng kaibigan.

"S-Sabihihin mo... patawad... hindi a-ako nakarating."

Napatingin si Fernan sa dibdib niya kung nasaan nakalagay ang kamay ni Niño na puno ng sarili nitong dugo, may hawak na sobre at gintong relo.

Kinuha niya mula sa kamay ng kaibigan ang sobre at relo at agad na nakita ang nakasulat na 'Juliet' rito. Ipinasok niya ito sa bulsa ng puti niyang uniporme na may bakas na ng dugo ni Niño ngayon.

"Niño!" tawag ni Andong sa kaibigan nang makarating siya rito.

"Umatras na tayo, iligtas natin si Niño." sabi ni Fernan at pinagtulungan nga nilang buhatin si Niño habang nakasuporta ang ilan pang mga sundalo sa kanila.

"Tawagin niyo na agad ang manggagamot!" sigaw pa ni Fernan.

"W-Wala pong manggagamot, Koronel. Dinala nila Heneral Mascardo pagkaalis nila." sagot ng isang sundalo.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Fernan sa narinig.

Tama nga kaya siya? Tama nga kaya siyang plinano ito ng mga sakim sa kapangyarihan na nais magpatumba kay Niño?

"Ano?!" galit na tanong ni Andong habang patuloy pa rin sila sa pagbuhat kay Niño.

"Bakit nila dinala ang manggagamot?! Tayo ang nangangailangan no'n! Tayo ang nasa labanan!" galit na galit na sabi ni Andong. Hindi na sumagot ang sundalo dahil napagtanto rin niyang katangahan nga ang ginawa ng naunang heneral na nandito.

Dinala nila si Niño sa loob ng isang barong-barong at agad na naghanap ng manggagamot ang ibang mga kasamahan nila.

"J-Juliet..." sambit ni Niño habang nakatingin nang diretso kay Fernan. Lumalabas mula sa bibig nito ang sariling dugo.

Hindi niya maipaliwanag ang sakit na nadarama at hindi niya alam kung alin ang mas masakit. Ang tama niya o ang katotohanang maaaring hindi na niya muling makita pa ang dalagang kaniyang pinakamamahal.

Sa puntong ito'y nawawalan na ng pag-asa si Niño na muling makita ang kaniyang mga mahal sa buhay sa huling pagkakataon. Gayumpayan, masaya siyang nasa tabi niya ang kaniyang matatalik na kaibigang sina Fernan at Andong sa kaniyang mga huling sandali kaya't malugod na niyang tinanggap ang kamatayan. Hinayaan niyang umagos ang luha mula sa kaniyang mga mata na siyang agad na nakita ni Fernan kaya't mas humigpit ang hawak nito sa kaniya.

"Oo, i-aabot ko a-agad 'to sa kaniya. Huwag kang mag-alala, Niño. Makakarating ito sa kaniya..." sagot ni Fernan pagkalapag nila kay Niño sa papag.

Nanginginig ang buong kalamnan ni Fernan. Alam niyang gusto na agad ni Niño na makarating ang ipinapabigay nito kay Juliet pero ayaw niyang iwan si Niño, hindi sa ganitong sitwasyon at kalagayan. Tumingin si Andong kay Fernan pagkalapag nila kay Niño kaya napalingon din ito sa kaniya.

Way Back To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon