XCIV

5.2K 366 69
                                    

Juliet

"Sige, ipadala mo nalang sa akin 'yung lab results. Titignan ko mamaya." At binaba ko na ang tawag.

"Ang sipag naman ng doktora nating ito!" mapang-asar na saad ni Trisha at kinurot pa ako sa tagiliran na tinawanan ko nalang.

"Mamaya na trabaho, ikaw talaga. Andito tayo para sa award mo, oh!" sabi niya at iwinagayway ang trophy na hawak ko.

"Tara, maglibot tayo. Minsan lang tayo mapunta rito sa San Sebastian kaya sulitin na natin." sabi pa niya at hinila na ako.

Nandito kami ngayon sa Museo Fernandez. Bahay ito ng dating presidente Manuel Fernandez na ibinigay niya sa publiko pagkatapos niya maging presidente upang magsilbing museo para sa lahat.

"Ang galing, 'no? Napanatili nilang maayos itong bahay sa loob ng mahabang panahon." sabi ko habang namamangha sa kagandahan ng museo.

"Hindi ba may iilan pang mga bahay ang naging museo rito sa San Sebastian?" tanong ko at mukhang natuwa naman si Trisha sa sinabi ko.

"Wow! Alam mo ang bagay na 'yon, ah?" pang-aasar niya sa akin kaya napailing-iling nalang ako. Pang-asar talaga 'to, eh.

Napahinto ako sa paglalakad nang makakita ng malaking letrato ng isang lalaking sundalo.

"Ang gwapo niya, 'no?" nasabi ni Trisha na tumabi sa akin habang pinagmamasdan ko 'yung lalaki. Inayos ko ang pagkakalagay ng pula kong pulseras atsaka pinagmasdan ang lalaki sa letrato.

"Sino siya?" tanong ko habang hindi maalis ang tingin sa lalaking nasa larawan.

"Juliet, ayan oh. Nasa baba ang pangalan niya, hindi ka ba nagbabasa?" sarkastikong sabi ni Trisha at tinuro ang pangalan ng lalaki na nasa baba lang ng larawan niya.

Koronel Fernan Nicolás Fernández y Concepción
Disyembre 4, 1874 - Nobyembre 27, 1899


"Kapatid siya ng dating presidente Manuel Fernandez. Siya ang inspirasyon ng dating presidente. Sabi nila matalino raw ang koronel at malaki ang naging ambag nito sa rebolusyon." kuwento ni Trisha.

"Malaki talaga."

Sabay kaming napalingon ni Trisha sa nagsalitang lalaki. Matangkad siya at hindi mapagkakaila ang kagwapuhan niya.

"Mawalang-galang lang pero sino ka?" tanong ni Trisha.

"Ah, ako pala si Marcus Fernandez. Ninuno ko ang nasa larawan na iyan." sagot ng lalaki kaya nanlaki ang mga mata namin sa gulat ni Trisha.

"Apo ka nito...?" Tinuro ko ang nasa larawan.

"Ni Fernan Fernandez?"

"Hindi." nakangiting sagot ni Marcus.

"Apo ako ng apo ni Mateo Fernandez, bunsong kapatid nila Fernan at Manuel Fernandez." sagot niya kaya napatangu-tango kami ni Trisha.

"Gusto niyo bang ilibot ko kayo rito?" tanong ni Marcus at pumayag naman kami ni Trisha. Pinaliwanag niya sa amin lahat ng larawan na nakasabit dito, kung kailan 'yon kinuha at kung anong kaganapan noong panahong kinuha ang mga larawan.

"Totoo bang pamilya Fernandez ang pinakamayaman noon sa San Sebastian?" tanong ni Trisha. Parang nahiya naman si Marcus sa tanong ni Trisha pero sumagot din.

"Oo. Pero nang magsimulang maglingkod ang mga ninuno ko sa bayan ay pinili nilang ibahagi ang yaman ng pamilya sa mga mahihirap."

Grabe, ang bait naman pala ng mga Fernandez.

Huminto kami sa tapat ng letrato ng isang malaking pamilya.

"Si Don Federico ang pinakamayamang tao noon sa San Sebastian, ang katabi niya ay ang kaniyang asawa na si Doña Juana." Turo ni Marcus sa isang lalaking may bigote at katabi nitong babae.

Way Back To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon