LXXXIX

3.4K 294 17
                                    

Huminga nang malalim si Niño habang nakadapa sa lupa, kasama ang mga kapwa sundalo at mga manggagawang piniling sumama sa kanilang laban para sa bayan. Hinihintay nila ngayon ang senyas ng kanilang mga kasamahan sa loob na nagpapanggap na sa panig ni Heneral Emilio Aguinaldo.

Tumatakas na ngayon pa-norte ang Señor Presidente kasama na si Heneral Gregorio del Pilar. Naubos na ni Heneral Niño Enriquez ang kaniyang mga heneral at sundalo pagkatapos ng ilang linggong puros pakikipaglaban. Ilan dito ay napatay ngunit marami rin ang piniling umanib sa batang rebolusyonaryong heneral upang tapusin na ang mapang-abusong pamumuno ng kanilang Señor Presidente at lumaban para sa kalayaan ng Inang Bayan mula sa pananakop ng mga Amerikano.

Andito sila ngayon upang dakipin ang presidente. Malabong magapi nila ang puwersa mga Amerikano lalo pa't nahahati ang katapatan ng mga sundalong Pilipino kaya naman nais ni Niño na magkaisa ang lahat upang makamit ang tunay na kalayaan.

"Niño,"

Napalingon si Niño kay Fernan na tumawag sa kaniya, pati na ang ilang sundalong nakarinig sa pagtawag ng koronel na katabi lang ng kanilang heneral.

"Huwag mong pairalin ang puso mo sa ating gagawin maya-maya." Bilin ng koronel sa kaibigan.

Kilala si Niño na may mapagpatawad na puso. Hindi niya magawang magtanim ng galit kahit pa maka-ilang ulit na siyang tinangkang patayin ng kaniyang mga kapwa sundalo. Noong unti-unti nilang ginagapi ang puwersa ni Heneral Aguinaldo ay 'di niya magawang kalabitin ang gatilyo ng kaniyang baril sa oras na nagpahayag na ng pagsuko ang kalaban kaya naman marami ang piniling sumuko at umanib sa rebolusyonaryong heneral.

Ito ang katangian ni Niño Enriquez na lubos na hinahanggan at kinaiinisan ng karamihan. Magandang bagay na madaling magpatawad ang binatang ito ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mong magpatawad, wika nga ni Fernan. Ngunit kahit ilang beses pang pagsabihan ang heneral ay sadyang malambot ang puso nito para sa lahat. Nagkaroon na nga ng kasabihan ang kaniyang mga sundalo na, 'labis na kabaitan ang papatay kay Heneral Niño' na siya namang tinatawanan lang ng batang heneral tuwing naririnig niya.

Hinawakan ng heneral ang balikat ng kaibigan, tila ba sinisiguro niya rito na ayos lang ang lahat at alam niya ang kaniyang ginagawa.

"Para saan pa't nagkaroon tayo ng puso kung utak lang lagi ang mananaig?" nakangiting wika ng heneral sa kaibigan at inayos ang pagkakasuot ng kaniyang puting sumbrero.

Napailing-iling nalang si Fernan pati na Andong at iba pang mga sundalong nakarinig sa sinagot ng kanilang heneral. Hindi rin sila makapaniwala sa kanilang sarili na ito ang kanilang heneral, isang binatang may labis na pagmamahal sa bayan at kaniyang kapwa.

Sumenyas na ang kasamahan nilang nasa loob, hudyat na maaari nang lumusob ang mga sundalong nagtatago sa labas ng pansamantalang tinutuluyan ng presidente at mga sundalo nito.

Agad namang kumilos ang mga sundalo sa pangunguna ni Niño. Nang makita sila ng mga sundalo ni Aguinaldo ay agad na nagsimula ang mga palitan ng putok ng baril. Ilang sandali rin itong nagtagal bago nila ito tuluyang nagapi sa tulong ng mga sundalong matagal na nilang kakampi na nagmula sa loob.

"Heneral Del Pilar,"

Hindi nagpatinag ang batang heneral ng Señor Presidente nang tawagin ito ni Niño. Nanatili lang siyang nakatingin nang diretso kay Niño habang nakaluhod sa lapag kasama ang ilan pang mga kasamahang sundalo. Mahigit dalawang buwan lamang ang pagitan ng edad ng dalawang heneral kaya naman hindi nagkakalayo ang kanilang edad.

"Lumaban ka kasama namin, Heneral Del Pilar." wika ni Niño kaya napahilamos nalang sa kaniyang mukha si Fernan sa narinig mula sa kaibigan. Kailangan na niyang bumalik sa San Sebastian ngunit hindi niya maiwan si Niño lalo pa't alam niya ang ugali nito.

Way Back To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon