LXXXV

2.9K 305 23
                                    

"JULIET!!!"

Gulat na napalingon si Juliet sa sumigaw pero huli na ang lahat. Nakabitaw na siya at mahuhulog na.

Tumahimik ang lahat. Huminto ang malakas na ihip ng hangin. Huminto ang tunog ng mga relo.

Mabilis na tumakbo si Caden papunta kay Juliet na hindi makagalaw sa mga oras na iyon, nakahinto lang sa ere, at natumba sila pareho sa loob nang hilahin ni Caden ang dalaga. Pagkatumba nila'y nagpatuloy na ulit ang pagdaloy ng hangin at takbo ng oras, gayon din ang paggalaw ng mga puno sa labas.

Agad na lumingon si Juliet kay Caden upang komprontahin ito ngunit pagkakita niya sa binata ay labis siyang nagulat at nagtaka sa itsura nito. Sobrang putla ng mga labi nito't halos wala nang kulay ang kaniyang mukha. Mas nagulat pa si Juliet nang makitang tumulo ang dugo mula sa ilong ng binata kaya gagawa sana siya ng paraan upang tulungan ito ngunit hinila siya nito at hinawakan ang kaniyang mukha. Pinunasan nito ang luha niya atsaka nagsalita.

"A-Alam kong pagod ka na. Alam kong labis kang nagdurusa dahil sa pagkadawit mo sa pagpunta mo rito kaya nais kong humingi ng tawad. Patawad dahil nasasaktan ka ngayon. Patawad dahil wala ako sa tabi mo habang nagdurusa ka. Patawad dahil wala akong magawa upang pagaanin ang nararamdaman mo pero ipinapangako ko sa iyo, babalik tayo sa panahon mo at babalik ka sa normal mong buhay. Kapag nahanap ko na kahit isa sa mga relo ay ibibigay ko sa iyo ang isang kahilingan nito. Maaari mong hilingin ang kahit anong gusto mo." sabi niya at hinawakan ang kamay ng dalaga atsaka ito hinila't niyakap.

"Magtiwala ka sa akin, Juliet. Hindi kita papabayaan. Hindi na ulit kita iiwan mag-isa rito."

Hindi na napigilan ni Juliet ang mga luha niya at napahagulgol nalang ng iyak sa bisig ni Caden. Iniisip ni Juliet simula palang pagpunta niya sa panahong ito ay mag-isa siya pero ngayon ay siniguro ni Caden na hindi na siya ulit mag-iisa.

Si Niño ang naging gabay at sandalan ni Juliet sa panahong ito at ngayong wala na siya'y gagampanan ni Caden ang puwestong naiwan niya.

♤♤♤


Nakaupo lang sa may asotea ng kaniyang kuwarto si Juliet, nakatitig sa relong pagmamay-ari ni Niño. Ito ang relong naisipan pa niyang isangla noong una niyang makita dahil ginto ito at ngayon ay isa nalang itong relo na hindi umaandar, isa sa mga bagay na pinanghahawakan niya upang mapawi ang pangungulila sa nasawing heneral.

Nang umihip ang malakas na hangin ay pinakiramdaman itong mabuti ni Juliet. Malamig ang simoy nito at nakakaginhawa sa pakiramdam. Sa panahong ito'y wala pa ganoong polusyon kung kaya't nakasisiguro si Juliet na sariwang hangin itong nilalanghap niya ngayon.

Matapos iligtas ni Caden mula sa muntik nang pagpapakamatay ay nakapag-isip-isip si Juliet na hindi solusyon ang pagsuko. Maaaring nais na niyang matapos ang lahat dahil sa labis na siyang nahihirapan ngunit pagkatapos ng lahat ay napag-isipan niyang nais nalang niyang bumalik na sa kaniyang kinabibilangang panahon pagkatapos ng mga nangyari at ngayo'y malinaw na sa kaniya na hindi na niya dapat ulitin ang gano'ng bagay.

Pasalamat siya kay Caden dahil nailigtas siya nito pero kung nagkataong hindi siya nailigtas ni Caden ay wala na sana siya ngayon. Ngayon lang niya napagtanto kung gaano kahalaga ang buhay at labis niyang pinagsisisihan ang ginawa niya. Simula ngayon ay pahahalagahan na niya ang buhay niya at gagawin ang lahat para ingatan at alagaan ito.

Napalingon si Juliet sa may pinto ng asotea nang makatunog na may tao at bumungad nga naman sa kaniya si Caden.

"Ayos ka na ba?" tanong ni Juliet sa binata at napansing hindi naman na dumudugo ang ilong nito at nanumbalik naman na ang natural na kulay nito kumpara kanina.

Way Back To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon