LXXXIV

3.1K 310 11
                                    

Juliet

Nanatili akong nakadapa sa kama habang hinahayaang tumulo ang luha ko sa unan.

Buong gabi lang akong nakatingin sa kawalan habang blanko ang isipan. Wala na akong gana bumangon. Kung puwede nga lang ay ayaw ko na ring gumising. Ilang oras na akong nakahiga habang nakatingin sa kawalan pero pakiramdam ko parang habang buhay na akong nakakaramdam ng ganitong emptiness sa pagkatao ko. Ni hindi na ako makaramdam ng lungkot sa lahat ng nangyari o galit o anumang emosyon. Gusto ko nalang matapos ang lahat.

Nang mataas na ang sikat ng araw ay narinig kong may kumatok sa pintuan ng kuwarto ko at narinig si Adelina. Ilang beses pa siyang kumatok pero hindi ako sumagot at nanatiling nakahiga. Ilang sandali pa'y narinig kong bumukas ang pinto.

"Binibini?" mahinang tawag niya at sinilip ako. Mukhang nagulat siya nang makitang nakadilat ako.

"Nakahain na po ang almusal sa baba. Nandito rin po si Ginoong Angelito at sasalo sa inyong mag-agahan." sabi niya pero iniba ko nalang ang direksyon ng tingin ko atsaka inayos ang pagkakakumot sa akin ng kumot ko.

"A-Ayos lang po ba kayo, binibini? Masama ba ang iyong pakiramdam?" tanong ni Adelina. Tumalikod nalang ako sa kaniya at sumisiksik sa kabilang side ng kama.

"Gusto kong mapag-isa." sagot ko at mukhang naintindihan naman niya kaya lumabas na rin siya.

Ilang oras ulit ang lumipas na hindi man lang ako nakaidlip kahit ilang segundo ay narinig ko na namang bumukas ang pinto. Naramdaman kong lumubog nang kaunti ang kama ko sa kabilang banda pero hindi na ako nag-abalang lumingon dahil amoy palang ay alam ko nang si Ina 'to.

"Juliet, my dear?" tawag niya pero nanatili akong nakatalikod sa kaniya.

"Is there a problem?" tanong niya pero hindi ako sumagot.

Hindi ko na rin alam kung ano ang problema. Lahat ba ng nangyayari o ako mismo? Hindi ko na alam kung anong iisipin, hindi ko na alam kung anong gagawin.

Nanatili akong walang imik. Wala talaga akong gana makipag-usap kahit na kanino. Wala akong gana gumawa ng kahit ano. Ilang minuto ring nanatili si Ina sa tabi ko bago sumuko. Hinawakan niya ang ulo ko atsaka hinalikan at lumabas na rin siya.

Ilang araw akong nagkulong sa kuwarto at bumabangon lang kapag iinom o kakain onti o may iba pang gagawin at salamat sa Diyos ay hindi naman ako kinukulit ng pamilya ko hanggang ngayon. Kakalabas lang ni Adelina pagkatapos sabihin na kailangan ko raw talagang sumama sa simbahan ngayon. Ilang araw na rin naman akong hindi lumalabas ng kuwarto ko kaya kailangan ko na rin sigurong lumabas kahit na labag talaga sa kalooban ko dahil katulad nga ng sinabi noon ni Caden, sa realidad, hindi hihinto ang mundo para lang sa akin. Kahit pa unti-unti na akong pinapatay sa loob ay kailangan kong kumilos at ituloy ang pakikipaglaro sa tadhana kahit pa pagod na pagod at sukung-suko na ako.

Nag-ayos nga ako at nagbihis atsaka bumaba. Pagkababa ko naman ay nandoon na pala silang lahat—Ama, Ina, at Caden na ngayon ko nalang yata ulit nakita. Naging sobrang abala siya sa negosyo pero alam ko na sa katunayan ay abala siya sa paghahanap sa mga relo na misyon niyang hanapin.

Nakita ko ang biglaang pagliwanag ng mukha ni Ina nang makita akong bumaba na kahit papaano ay nagpagaan din sa bigat na nararamdaman ko. Kahit pakiramdam ko walang-wala na ako sa loob, ang bigat pa rin sa pakiramdam ng lahat. Parang lahat ng masamang pangyayari ay hindi ko na maalis-alis sa utak at pagkatao ko at sa tuwing naaalala ko'y unti-unti akong inuubos.

Tahimik lang ang buong byahe namin papunta sa simbahan kaya doon palang alam mo nang may hindi tama. Pero kahit gano'n, tuloy lang ang lahat. Pagkarating sa simbahan ay sabay-sabay kaming pumasok pero naghiwa-hiwalay rin para gawin ang mga kailangan namin gawin. Hindi kami pumunta ngayon para magsimba. Pumunta kami dahil mangungumpisal si Ina at aasikasuhin naman ni Ama ang nalalapit na kasal.

Way Back To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon