Chapter 18

1.3K 43 0
                                    

Ortega



Ang lambot ng higaan.

Iyon kaagad ang aking napansin nang magising ako. Pero gano'n na lang ang gulat ko nang ma-realize ko na hindi nga pala ganito ka-komportable ang higaan namin sa bahay ni Tita Rhea. Walang isang segundo ay napadilat ako at kamuntikan nang mag-panic nang makita ko ang puting kulay ng pader.

Doon lang nag-sink in sa akin na siguro ay nasa ospital ako. Unti-unti ay naramdaman ko ang pamamanhid ng aking braso na ngayon ay mayro'n ng nakatapal na gasa. Pagtingin ko naman sa tiyan ko ay naroon pa rin ang mantya ng tsinelas na gawa ng pagsipa sa akin ng lalaki kanina.

Sobra ang naging takot ko noong sinimulang iwasiwas ng holdaper ang patalim na hawak niya pero kahit anong utos ko ng mga oras na 'yon sa sarili ko na lumayo, hindi ko maigalaw ang katawan ko.

Kaagad naman akong napabangon nang maalala ko ang bag ko. Para tuloy nabigla ang tiyan ko dahil bigla iyong kumirot. Napahawak ako doon bago bumaba at hinagilap ang bag ko sa higaan.

"Hala, miss! Magpahinga ka muna!" pagbabawal sa akin ng isang Nurse. Nagulat ako sa kanya kaya napa-diretso ako ng tayo. Para tuloy akong nahuling gumagawa ng isang krimen dahil sa naging reaksyon ko.

"Ah, Nurse? Nakita niyo po ba ang bag ko?" tanong ko rito. Inutusan muna ako nitong maupo bago kinuha ang blood pressure ko. Nang matapos siya ay saka niya palang ako sinagot.

"May nagpunta dito kaninang tatlong babae. Siguro ka-edad mo ang dalawa tapos mas matanda sa kanila ang isa. Guardian mo raw iyon. Nag-CR lang sandali 'yong dalawa tutal ay tulog ka kanina," sagot niya sa akin. Kaagad ko namang nakilala na si Al, Firene at Tita Rhea ang mga sinasabi niyang mga babae, base sa pagde-describe niya.

"Sige po, salamat."

"Ano bang laman no'ng bag na iyon? May ginto ba do'n? Balita ko sa nagdala sayo kanina hinabol mo pa 'yong magnanakaw." Inililigpit ng nurse ang mga gamit na nasa kalapit na higaan ko habang nagtatanong siya sa akin.

"Ah, ano po, nando'n po kasi ang cellphone ko."

"Cellphone lang 'yon, pwedeng palitan."

Tumango-tango naman ako. Hindi ko naman talaga planong habulin ang magnanakaw na iyon kung cellphone lang 'yon. Pero hindi e. Nando'n lahat ng mga detalye na makapagtuturo sa kung nasaan si Mama.

"Oo nga po pala... Sino po iyong nagdala dito sa akin?" tanong ko. Hindi man lang ako nakapagpasalamat. Ni hindi ko rin natandaan ang mukha ng nagdala sa akin dahil ang huli kong naaalala ay ang pagtakbo ng holdaper matapos niyang mailaglag ang bag ko sa sobrang pagmamadali.

"Hindi ko rin maalala e. Kaka-duty ko lang kasi, hindi ako yung Nurse na nag-treat ng saksak sayo. Nakalagay lang dito sa chart," pagpapaliwanag niya sa akin. Mabuti na lang at mabait iyong mga taong nando'n sa pinangyarihan ng aksidente kanina. Kung hindi, baka nando'n pa rin ako sa gitna ng palengke at baka wala na ang cellphone ko ngayon.

"Gano'n po ba..."

"Sa susunod huwag niyong hinahabol ang mga gano'n. Pwede ka naman ng lumabas ngayon, 'yon nga lang lilinisin mong mabuti 'yang nasaksak sayo. Malalim kasi 'yong sugat."

Nagpaalam na rin ang Nurse matapos iyon. Ako naman, nagpasalamat at naghintay na dumating si Alvah at saka si Firene. Makalipas pa siguro ang limang minuto ay dumating sila. Pinagpalit nila ako ng damit sandali.

"Ikaw na babae ka!"

Amba akong sasabunutan ni Alvah pagkabalik ko pero pinigilan siya ni Fi na kinabahan sa ginawa ni Al. Natawa naman ako dahil doon.

Write Me a HeartacheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon