Chapter 26

1.3K 46 0
                                    

Daughter



Ibinaba ako ng tricycle driver sa address na binigay ko sa kanya. Bago ako bumaba at magbayad ay sinigurado ko munang tama nga ang address at tumugma naman iyon sa ibinigay ko.

"Salamat po, Kuya."

"Ingat ka, hija."

Matapos iyon ay umalis na ito. Huminga ako nang malalim at tinuyo ang aking mukha na ngayon ay nanlalagkit na sa mga luha. Pinagmasdan ko ang kabuuan ng bahay. Hindi iyon kalakihan ngunit sapat siguro ang laki noon para sa isa o dalawang tao.

Hindi ako nag-alinlangang tumawag o katukin ang gate ng bahay dahil wala naman akong nakitang doorbell. Wala pa ring sumasagot kaya mas nilakasan ko pa ang boses ko kahit alam kong marami pa ang tulog sa mga oras na ito.

"Tao po! May tao po ba?" sigaw ko. May mga asong nagtahulan mula sa mga kapitbahay pero hindi ako nabahala. Ang gusto kong malaman, anong mayro'n dito at bakit ipinadala sa akin ang address na ito.

"Tao po!"

Dahan-dahang bumukas ang pinto at lumabas ang isang babae. Dahil sa dilim, hindi ko malinaw na maaninag ang babae. Anong oras na ba? Alas kwatro na ng madaling araw at ito ako, nambubulabog ng kung sino. Siguro ay naaaninag ako nito mula sa liwanag ng poste kaya dali-dali itong nagtungo sa gate. Ako naman, pilit ko pa ring tinatanaw kung sino iyon.

"Samantha? Sam!" tawag sa akin ng pamilyar na boses sa akin. Kanina ko lamang narinig ang boses na iyon pero hindi ko kaagad iyon malilimutan.

"M-Ma'am Marinel," bigkas ko sa pangalan nito. Binuksan nito ang lock ng gate gamit ang nanginginig na kamay at halata mong ninenerbyos ito.

"Jusko kang bata ka... Hindi matutuwa si Grace na ganyan ka, anak."

Inalalayan ako nito hanggang sa makapasok kami sa loob ng bahay. Studio-type ang bahay kaya naman isang buong kwarto lang ang kabuuan noon.

"Anong oras na, hija... Bakit ka lumabas?" halata pa rin ang pangamba sa boses nito. Kumuha ito ng maiinom sa kabilang sulok ng kwarto at bumalik sa akin. Kinuha ko naman iyon dahil nararamdaman kong tuyo na ang aking lalamunan mula sa walang-sawa kong pag-iyak mula kanina.

"Anong nangyari, Sam?" tanong nito sa akin. Tumitig ako sa kanya at nagsimula na namang magtubig ang aking mga mata.

"W-Wala na si Mama..." iyon kaagad ang lumabas sa bibig ko. "Wala na siya," dugtong ko pa.

"Hindi ko po alam... hindi ko alam... hindi ko alam..." Umiyak ako sa kanya. Hinila ako nito para yakapin at doon, naging komportable ang aking nararamdaman. Para na rin akong niyayakap ni Mama kahit wala siya dito. Kahit wala na siya dito... Mama...

"Masaya siya." Kahit na nakakulong ako sa mga yakap niya ay tinignan ko siya. Nakangiti siya pero mababakas doon ang lungkot, pangungulila at sakit.

"Masaya siya noong mga huling sandali niya. Naging mahirap ang lahat para sa inyong dalawa pero masaya siya, anak." Naramdaman ko ang pagpatak ng kanyang mga luha sa akin. Tahimik akong naghintay ng mga susunod niyang sasabihin.

"Sobrang bata niya noong ipinanganak ka niya. Hindi niya kinaya ang panganganak pero noong makita ka niya... ngumiti siya kahit hirap na hirap siya." Humahagulgol na sa iyak si Ma'am Marinel ngunit patuloy siya sa pagkukwento.

"Kahit nanghihina siya, tinanong niya kung maaari ka raw ba niyang makarga. She died holding you... kaya siya masaya."

Tuluyan akong yumakap sa kanya dahil para bang nai-imagine ko ang mga pangyayari habang nagku-kwento siya. Masakit para sa akin ang mga ito... pero paano pa kaya ang nararamdaman ng kausap ko?

Write Me a HeartacheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon