PAALAM
ELIZABETH'S POINT OF VIEW
Kasalukuyan akong nakaupo sa buhangin sa tabi ng dagat habang aking pinagmamasdan ang nagkikislapang mga bituin mula sa madilim na kalangitan.
Lumipas na ang limang buwan at hanggang ngayon, sariwa pa rin sa akin ang mga sinambit ni ginoong Leonardo noong gabing huli kaming nagkausap bago kami ipatapon ni ina rito sa malayong bayan.
"Binibini, pangako, gagawin ko ang lahat upang hindi ituloy ni ama ang kanyang hatol. Gagawin ko ang lahat para sa'yo... binibining Elizabeth. Hayaan mong ayusin ko ang lahat ng mga kaguluhang ito. Hayaan mong ako ang kumilos para sa iyo. Oras na para ikaw naman ang aking pagsilbihan dahil kahit ano pa man ang iyong sabihin, hindi ako maniniwala sa'yo. Alam kong hindi mong kayang gawin iyon at alam kong hindi mo magagawa iyon. Binibini, alam ko rin na ang lahat nang ipinakita at ginawa mo para sa akin ay hindi isang pagpapakitang tao lamang dahil nararamdaman kita... dahil nararamdaman ko iyon..." ang mga sumunod niyang sinambit ang tuluyang dumurog sa aking puso.
"... kung ang iyong kahilingan ay ang hindi na ako makita pa muli, tutuparin ko iyon para sa aking munting binibini."
Hanggang ngayon, kumikirot pa rin ang aking puso sa tuwing naaalala ko ang kanyang mga sinabi. Ang mga tinig niyang unti-unting nababasag at ang mga mapupungay na asul niyang mga mata na lumuluha dahil sa sakit na aking hinatid sa kanya.
Nang dahil sa galit ko kay Senyor Leandro, nasaktan ko ang lalaking pinakamamahal ko. Hindi naman siya dapat madamay pa rito dahil ako naman ang may kasalanan. Pinili kong mas mapalapit sa kanya at mahalin siya na dapat sa una pa lang ay hindi ko na ginawa. Kaya heto ako ngayon, nasasaktan at nangungulila sa kanya.
Hinahanap-hanap ko ang bulto ng kanyang katawan. Hinahanap-hanap ko ang mga asul niyang mga mata. Hinahanap-hanap ko ang kanyang tawa na pawang musika sa aking pandinig.
Gusto kong makita muli ang mga nakakaloko niyang mga ngisi. Gusto kong makita muli ang mga kakulitan at pagiging pasaway niya. Gusto kong maramdaman muli ang pagtaas ng aking mga balahibo sa batok sa tuwing siya ay bubulong sa aking tainga. Gusto kong makita muli ang namumula at nahihiya niyang mukha. Gusto kong maramdaman muli ang mainit niyang mga palad na dumadampi sa aking mga kamay. Gusto kong maramdaman muli ang kanyang mga braso na bumabalot sa aking baywang. Gusto ko makaramdam muli ng lumilipad na mga paro-paro sa aking tiyan. Gusto ko muling maramdaman ang mabilis na pagtibok ng aking puso dahil tila puso ko'y huminto na sa pagtibok.
Hinahanap-hanap ko ang kanyang presensya. Umaasa ako na makikita at mararamdaman ko pa iyon muli kahit malabo nang mangyari ang lahat ng iyon.
Dati, totoong nangyayari ang mga iyon pero ngayon, nabubuhay na lamang iyon bilang isang magandang alaala.
Tinupad niya ang kanyang pangako. Kahit kailan, hindi niya ako binigo sa kanyang mga salita.
Hindi na kami hahatulan pa ni Senyor Leandro ng kamatayan. Hindi ko alam kung ano ang ginawa ni ginoong Leonardo sa kanyang ama na mapabago pa ang isipan nito. Hinayaan na lamang nila kami na mamuhay rito sa malayong bayan... malayo sa kanila...
BINABASA MO ANG
Till Death Do Us Part
RomanceUNDER REVISION Ilang siglo pa ba ang darating upang sumang ayon sa amin ang kapalaran? Ilang luha pa kaya ang bibilangin sa hindi mabilang na beses na kami ay nasaktan. Ilang beses ba dapat kami muling isilang at mahimlay upang makamtan namin ang pa...