Chapter 1

32.5K 353 35
                                    

Chapter 1

"'Nay, kumusta?"

Magandang ngiti ang isinalubong ni Dulce sa kanyang ina. Mula sa ginagayat nitong patatas ay agad itong napatingin sa kanya. Tumayo ito, saka siya niyakap, bagaman ang mga kamay nito ay hindi sumasayad sa kanyang damit.

"Diyos ko, ang anak ko, sadyang napakaganda. Didith, Amparing! Madali kayo, nandito si Sese!" Iyon ang palayaw nito sa kanya. Isa ito sa naunang kawaksi sa tahanang iyon ni Alba Cardinal, donyang itinuturing ng lahat. Ito rin ang itinuturing na "asawang legal" ni Dante Cardinal, kahit pa alam ng ilang mga matatagal nang naninilbihan sa bahay na iyon na hindi kasal ang dalawa.

Sa katunayan, dalagang-dalaga pa rin sa papel si Alba. Hindi rin "Cardinal" ang nakasulat sa legal nitong mga dokumento. Si Dante naman ay binatang-binata pa rin sa gulang nitong pitumpu, kahit ang bilang ng mga anak nito, ayon sa huling balita niya sa kanyang ina, ay umabot na sa limampu't siyam. Iyon ay ang mga nagpakilalang anak pa lang. Natitiyak niyang marami pang mga anak ang hindi pa nagpapakilala.

Makulay ang buhay ni Dante Cardinal. Nagmula sa pamilya ng mga haciendero, si Dante ay pumalaot sa mundo ng showbusiness noong panahong black and white pa lang ang pinilakang tabing. Sa mga kabataan ngayon, ang pangalan nito ay hindi na masyadong matunog. Mas matunog na ngayon ang pangalan ng ilang anak nitong sumunod sa yapak nitong maging artista.

Ilang taong nag-artista si Dante, isang action star. Nauwi ito sa pagnenegosyo at mula roon ay bumuo ng isang kompanya na sa ngayon ay isa na sa pinakamalaki sa buong Asya. Dapat lang marahil sapagkat mula sa kompanyang iyon kumukuha ng pantustos sa lahat ng mga anak nito. Bawat isang supling ni Dante Cardinal ay mayroong nakukuhang dibidente mula sa malaking kompanya.

Hindi na kailangang sabihing napakaraming babaeng nagdaan sa buhay ng matanda. Noong bata siya at naroon sa bahay na iyon dahil tumutulong siya sa kanyang ina, madalas na naririnig niyang usap-usapan na mayroon daw anting-anting sa mga babae si Dante. Makulay ang mga kuwentong naririnig niya noong bata pa siya at parati na ay may pagkamangha siya sa tuwing titingin siya sa amo ng kanyang ina.

Sapagkat sa tahanang iyon, bagaman bukas sa kaalaman ng lahat na maraming babae si Ginoong Dante, nanatili ang paghanga rito ng lahat dahil sa kabaitan nitong taglay. Para bang lahat ng tao ay kaibigan nito. Wala itong isang batalyong bodyguard kahit mayaman ito. Parati na ay kasama lang nito ang isang driver, isang alalay, at isang bodyguard.

"Nasaan?" si Nanay Amparing, kasing-edad ng kanyang ina at mas matagal nang naninilbihan sa tahanang iyon.

"Aba'y lalo nang gumanda itong si Sese!" si Ate Didith, higit na bata sa dalawa ngunit may labing-limang taon na ring naninilbihan sa bahay na iyon. "Hindi na talaga bagay tawaging Seseng Uhugin!"

Napatawa siya kahit noong bata siya ay ayaw na ayaw niyang marinig iyon. Ilang ulit siyang muntikan nang mapaluha kapag tinatawag siyang uhugin ng mga ito dahil masasakitin siya noon, parating may sipon.

"Ay, bakit mo naman tatawaging ututin, eh, kagandang bata? Puwede kang sumali sa Binibining Pilipinas, Sese!"

"'Kuu, paanong sasali, eh, matanda na?" ang kanyang ina. Minsan din nitong sinabi sa kanya ang bagay na iyon. Morena siya, mahaba ang buhok, matangkad. Maraming nagsasabi sa kanya ng ganoon noon pa ngunit wala sa beauty contests ang mundo niya.

"Ano bang matanda, eh, nasa kalendaryo pa naman!"

"Malapit nang mawala, pero wala pa ring asawa!" muli, ang kanyang ina. Lihim na lang siyang napabuntong-hininga.

Pinagkaguluhan siya ng mga ito na para ba siyang isang artista. Aminado siya, may anim na buwan na siyang hindi nakakadalaw doon at sa loob ng panahong iyon ay may ilang pagkakataon lang niyang nadalaw ang kanyang ina sa maliit na farm na ibinigay niya rito at sa kanyang ama. Ang kanyang ama ang mas madalas niyang makita sapagkat nagretiro na ito sa paninilbihan kay Ginoong Dante bilang all-around may limang taon na ang nakakaraan. Nasa munting farm na lang ang matandang lalaki, retirado na at masaya na sa pag-aalaga ng mga tandang nito at pag-aasikaso sa farm.

Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon