Chapter 19

4.1K 150 0
                                    


Chapter 19

Naisip ni Baba, kailangan ng ama niyang magpasalamat kay Dulce. Kung hindi dahil sa babae, hindi siya makukumbinseng tumuloy ngayon sa bahay nito. Kabado pa rin siya, ngunit sapat na ang mainit na kamay ng dalaga sa braso niya para makampante siya kahit paano.

"'Yan si Joaquin. Iyong katabi niya, si Ma'am Alba," wika ni Dulce, nakatingin sa labas ng kotse.

Pinagmasdan niya ang dalawang nasa pintuan, sa itaas ng hagdan, naghihintay sa kanila. Ayaw niya ng ganitong pakiramdam, na parang aagos ang luha niya nang ganoon na lang. Kapatid. Kaptid niya ang lalaking iyon.

"Let's go?" si Dulce.

Marahan siyang tumango at bumaba na rin sa sasakyan. Naglakad sila ni Dulce patungo sa hagdan. Ngunit hindi na niya magawang ihakbang ang mga paa. Mukhang naunawaan ni Joaquin. Bumaba ito upang salubungin siya.

Nakangiti ang lalaki. Sa loob ng ilang sandali ay nakatingin lang siya sa mukha nito. Kapatid ba nga niya itong talaga? Hindi sila magkamukha. Kamukha ito ng kanyang ama. Gayunman, ang dugo niya ay sinasabing kapatid niya ito. At hayun na naman ang mga luha niyang nagbantang pumatak.

"Dante?" sambit ng lalaki. "Kuya Dante? You look exactly like Lolo."

Kuya Dante. Banyaga sa pandinig niya ang pangalang iyon ngunit mula sa bibig nito ay parang hindi. Gayunman ay mas sanay siya sa, "Baba," aniya. "Baba na lang." Nag-aalinlangang inilahad niya ang kamay.

Tinanggap iyon ng lalaki hanggang sa bigla itong mapatawa, higitin siya at yakapin. Tinapik nito ang balikat niya sa gawing tila ba sinasabing sa pagitan ng magkapatid ay hindi sapat ang pakikipagkamay lang. Hayun at hindi na niya napigilan ang mga luha niyang kanina pa atat na bumagsak. Agad niya iyong pinahid. "Pasensiya na," aniya.

"Para saan?" ngiting-ngiti ito. Mukhang mabait si Joaquin. Magaan ang loob niya rito.

"Hindi ko rin alam, Joaquin," aniya.

"Walang magiging problema, Kuya. Baka manibago ka sa sistema ng pamilya natin pero masaya naman tayo. Halika."

Pamilya natin. Pamilya namin. Hindi magawang saklawan ng isip niya ang bagay na iyon sa ngayon. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng pamilya sa dugo, heto at biglang napakarami pala niyang kapatid. At ano ang sabi ni Joaquin kanina? Kamukha siya ng lolo nila?

Tumaas na sila sa hagdan. Si Dulce ay ngumiti sa kanya, itinaas ang kamay na ibig siyang udkuyang magpatiuna. Ipinakilala siya ni Joaquin sa ina nito. Nag-aalinlangan siya sa babae, alam na posibleng hindi maging mainit ang pagtanggap nito sa kanya, ngunit ang namamasa nitong mata at ang mainit nitong ngiti ay sinabi sa kanyang tanggap siya nito.

"Magandang gabi po. Pasensiya na," sambit niya. Ni hindi niya alam kung bakit siya hingi nang hingi ng pasensiya.

"No, hijo. Ako ang dapat humingi ng pasensiya sa 'yo. Oh, you look so much like your Lolo. Hindi ko na rin siya naabutan pero may pictures siya. At kahit black and white, ilang ulit ipinagmamalaki sa akin ng papa mong ganyang tulad sa 'yo ang kulay ng mga mata niya."

Isang paliwanag sa wakas. Noon ay naisip niyang marahil banyaga ang kanyang ama dahil sa mga mata niya. Niyaya na siya ng dalawa papasok ng bahay. Natutulog daw ang kanyang ama dahil may sakit ito, ngunit gigising din daw mayamaya para sa hapunan. Pansamantala ay sinilbihan siya ng maiinom at ipinakita sa kanya ang ilang mga larawan ng kanyang ama, ng mga kapatid niya—napakarami na napakaliliit na ng mukha sa isang group picture na mas mukhang class picture sa dami. Bilang panghuli, ilang sinaunang larawan ang ipinakita sa kanya ni Alba. Tatlong larawan lang iyon, ang kanyang lolo. At tama sina Joaquin. Kamukha niya iyon.

Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon