Chapter 23
"'Wag kang kikilos ng masama!"
Nang marinig ni Baba ang tinig na iyon mula sa kanyang likuran ay naisip niya, Heto na. Ito na ang huli. Sa bundok na ito ako nabuhay at sa bundok na ito ako mamamatay.
Dumiin ang kamay niya sa baril, handang lumaban sa huling sandali ng buhay niya at harinawa, ang batang si Macario na hawak niya pa rin sa kamay ay makataas kahit paano.
Muling nagsalita ang tinig. "Ibaba mo na ang baril mo. Mag-isip ka. Mag-isip kang mabuti. Wala kang laban sa amin at asahan mong hindi kami mangingiming tadtarin ka ng bala. Madadamay ang bata. Bitiwan mo ang baril mo, bubuhayin ko ang bata."
Ibinagsak niya ang baril. Hindi na niya kailangang magdalawang-isip. Binalingan niya si Macario. Nakarinig siya ng yabag at may nadamang matigas na bagay sa kanyang ulo at iyon na ang huli niyang namalayan. Nang magmulat siya ng mata ay puting paligid ang nakita niya. May isang napakagandang anghel na nakatunghay sa kanya, nakangiti. Nasa langit pala siya.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" anang anghel.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata saka muling nagmulat. Pinagala niya ang mga mata sa paligid at natuklasang na mayroong suwerong nakakabit sa kanyang kamay. Nasa ospital siya, bagaman noon lang siya nakatapak sa ganoong lugar.
"Si Macario?" ang una niyang tanong sa babae. Labis siyang nababahala. Mayroong mali, hindi niya ito inaasahan. Bakit siya bubuhayin ng mga dumampot sa kanya?
"'Wag ka munang gumalaw," anang anghel. Malamyos ang tinig nito, makinis ang kutis, maamo ang mukha. Hula niya ay kasing-edad niya ito. "Nasa mabuti siyang kalagayan. Kailangan mong magpagaling."
"Sino ka?" nagawa niyang sabihin matapos muli itong pagmasdan.
"Candida ang pangalan ko. Anak ako ni Mayor Villacorte. Siguro, kilala mo siya."
Paano nagkaroon ng ganitong anak ang isang tulad ni Lucas Villacorte? Paano nagkaroon ng ganitong apo si Luis Villacorte? Ang dalawang iyon ang siyang noon pa ay magkatulong na upang hawakan sa kamay ng mga ito ang buong lalawigan. Ang mga ito ang nilalabanan ng grupo... at ang sinabi ni Ka Abel na siyang dahilan sa pagkamatay ng kanyang ina. Sukat sa naisip ay bigla niyang nakapa ang dibdib. Ipinasok niya sa bulsa ng jacket niya ang larawan ng kanyang ina. Ngunit ibang damit ang suot niya, kulay puti, manipis.
"Hinahanap mo ang gamit mo?" si Candida, nakangiti. "Nakatabi na. Pinalabhan ko sa bahay at pinatabi ko. Dadalhin dito mamaya."
Imposible ang takbo ng mga pangyayari. Hindi maaaring kinakausap siya ni Candida sa ganitong paraan. Mortal silang magkalaban. Bakit pinalabhan pa nito ang damit niya? Bakit ito nakangiti sa kanya? Higit sa lahat, ano ang ginagawa nito sa ospital na iyon?
"Ano'ng kailangan mo sa akin?" sambit niya. Bulong ng puso niyang huwag magtiwala sa anghel na ito. Kung sana lang ay ganoon kadaling gawin.
ISANG ROBOT, iyon ang naging papel ni Baba sa pribadong hukbo ng mga Villacorte. At wala siyang magawa upang kumawala. Wala siyang matatakbuhan kung saan hindi siya mahahanap ng mga ito. Iniisip din niya ang kapakanan ni Macario. Sa ngayon ay binigyan sila ng bahay na matitirhan ng mga Villacorte. Naging diretso at prangka sa kanya si Lucas nang sabihin nito:
"Ang una kong plano ay ipakita sa buong bayan na ito kung ano ang nangyayari sa mga tulad mong hindi marunong sumunod sa batas ko. Limang tulad mo, ipaparada ko sa bayan at saka kailanman ay hindi na makikita maliban sa diyaryo. Pero nag-iisa ka na lang. At naisip kong mas maganda nga siguro. Alam ng lahat kung ano ang nangyari sa mga kasamahan mo. At ikaw na huling natitira ay kailangang umalyansa sa akin."
BINABASA MO ANG
Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)
RomantikI submitted this manuscript to PHR on July 2013. Today, the TV version is entitled Los B*stardos (I have to use the asterisk so this doesn't get flagged). I will be posting the entire ORIGINAL manuscript here, one day at a time. Thank you!