Chapter 18
Naghintay lang si Baba habang tinatawagan ni Dulce si Leticia. May kasiyahan sa puso niyang pagmasdan ang babae sa mga munting galaw nito. Wala yata siyang hindi hinahangaan dito—ang pagkilos nito, ang pananalita, ang tapang.
"I will just print it, Dulce," wika ni Leticia mula sa intercom. "Joaquin called and I told him I'm done with the photo. Ayaw niyang pakawalan ang picture. Ipapadala ko na lang sa kanya sa messenger."
"Okay. But please let me take a look at it first, all right? Pakisabay na lang sa printed photo, Tisha. Thanks," tugon ni Dulce.
May pagmamalaki siyang nakapa sa dibdib. Ang babaeng ito ang siyang nagpapasaya sa kanya ay nadarama niyang pinapasaya rin siya nito. Tanggap siya nito, malinaw iyon sa kanya. Labis-labis ang pasasalamat niya para roon at sa ngayon ay sapat na iyon. Alam niyang darating ang pagkakataong kailangan na matanggap din siya ng mga magulang nito. Iyon ang dahilan sa agam-agam niya.
Sasabihin ba ng babae sa mga magulang nito ang lahat? O mas maiging malaman ng mga iyon kung ano siya ngayon? Hindi niya alam. Ang kapasyahan ang magmumula lamang kay Dulce.
"Sino si Joaquin?" tanong niya.
"He's the boss."
"Siya pala 'yon. Siya ang nagpapahanap sa mga taong hinahanap mo?"
"Yup!"
"Bakit hindi na lang siya kumuha ng propesyonal?" muli ay tanong niya. Parang nais niyang mainis sa Joaquin na iyon, kahit nabanggit na noon sa kanya ni Dulce na maselan daw ang misyon nitong iyon.
"Sinabi ko naman sa 'yo, hindi niya gustong ipagkatiwala ito sa basta kung sino. Isa pa, ilang ulit na silang kumuha ng professional dati, pero wala ring nangyari."
Walang ideya ang Joaquin na iyon, kung ganoon—kung gaano kababasagin ang babaeng isinabak nito sa kuta ng mga leon. Ngunit kailangan niya sigurong magpasalamat sa lalaki dahil kung hindi dahil dito, hindi niya makikilala si Dulce.
Mayamaya ay pumasok na si Leticia na bahagyang tumango sa kanya. Aminado siya, hindi niya inaasahan ang naging reaksiyon niya sa mga tanong nito. Marahil dahil una ay hindi siya sanay sa mga mapag-usisang katanungan. Umaandar ang buhay niya kung saan ilag sa kanya ang mga tao at pinanatili niyang ganoon ang buhay niya sa nakaraang mga taon. Pangalawa, marahil hindi niya nagustuhan ang reaksiyon nito. Ngunit ngayong iniisip na niya, masaya siyang mayroong kaibigan si Dulce na mayroong concern dito. Normal iyon. At marahil kailangan niyang pasalamatan ang babae, lamang ay hindi niya pa rin ito gusto. Pakiramdam niya ay inuri siya nito. Marahil sa pag-andar ng panahon, matututunan niyang alisin ang ganoong pakiramdam sa sistema niya.
"Here is the enhaced photo and here's the original," wika ni Leticia kay Dulce, inabot ang dalawang larawan. Matapos tingnan ay inabot iyon sa kanya ni Dulce.
Agad niya iyong tingnan.
Parang pinisil ng higanteng kamay ang dibdib niya, hindi magawang sumagap o maglabas ng hangin. Bigla ay mayroong panginginig na nagsimula sa dibdib niya na umabot sa kanyang mga kamay. Pilit niya iyong ikinubli.
"So, do you know her? Alam kong mahirap nang makilala ang bata. Malaki na siya ngayon. Thirty-six," si Dulce.
Muli niyang pinagmasdan ang larawan. Nag-init ang mga mata niya. Huminga siya nang malalim upang pigilan ang pagbagsak ng mga luha. "Ano..." Tumikhim siya. "Anong pangalan nila?" tanong niya kahit alam niya, kahit nabanggit na ni Dulce makailang ulit. Nais niyang marinig muli. Nais niyang makatiyak. "Dominga Esperanza. The child is Dante Esperanza. Are you all right?"
BINABASA MO ANG
Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)
RomanceI submitted this manuscript to PHR on July 2013. Today, the TV version is entitled Los B*stardos (I have to use the asterisk so this doesn't get flagged). I will be posting the entire ORIGINAL manuscript here, one day at a time. Thank you!