Chapter 13
"Hindi ako... hindi ako... may kasalanan..."
Napabalikwas ng gising si Dulce nang marinig ang pag-ungol ni Baba. Nakatulog na siya sa pagbabantay dito. Nananakit ang leeg niya sa alanganing puwesto niya sa isang silya. Agad niyang nilapitan ang lalaki. Patuloy ito sa pagsambit noon—na hindi ito ang may kasalanan. Napukaw ang kuryosidad niya at kung walang sakit si Baba, marahil binigyan niya iyon ng oras para isipin.
But his fever had not broken yet. Inipit niya sa ilalim ng braso nito ang thermometer at natuklasang lalong tumaas ang lagnat nito.
"Baba, dadalhin na kita sa ospital, ha?" sambit niya rito, hinahaplos ang noo nito.
"Hindi ako..." patuloy nito.
Maging siya ay nabigla sa kurot sa puso niya. Wala na sa sarili si Baba, marahil ay nagdedeliryo na ito. Sa gitna ng iyon, ganoon ang mga bagay na tumatakbo sa isip nito.
Tinawagan niyang muli si Macario, sinabing dadalhin na niya sa ospital si Baba. Sinabi nito kung saan niya makikita ang susi ng sasakyan sa kamalig. Sinabi rin nitong maghihintay ito sa junction ng Candelabra at sasamahan siya nito sa ospital.
Nang makuha ang susi ay nagtungo na siya sa kamalig. Mayroong car cover ang sasakyan na nang alisin niya ay natuklasan niyang isa palang Nissan Patrol. Baba owned an SUV. Inside that almost dilapidated barn was a frikking SUV!
"Ah, shit!" sambit niya, nagmamadali nang pinindot ang alarm ng sasakyan. Hindi pa siya nakakapagmaneho ng ganoong sasakyan bagaman sanay siyang magdala ng malalaking sasakyan. Ang una niyang sasakyan ay isang pickup truck, kargahan ng mga muwebles at materyales na ginagawa niya.
Binuksan na niya ang makina at pinaandar iyon patungo sa bahay. Agad din siyang pumasok sa bahay, dinamitang pilit ang lalaki na parang kalahati na lang ng kamalayan ang normal. Mabilis siyang nag-empake ng ilang damit nito at ikinarga ang mga iyon sa sasakyan.
"'Ba, tulungan mo akong dalhin ka sa sasakyan, ha?" aniya nang ipatong sa balikat niya ang isang braso nitong ubod nang init. "Tatayo tayo, ha? One, two, three! Isa pa, isa pa. One, two, three!"
Nakailang subok siya bago niya ito maayos na naalalayan kahit ilang ulit itong muntikan nang tumimbuwang patungo sa sasakyan. Nang sa wakas ay mailagak niya ito sa backseat ay parang masarap nang matulog sa pagod niya. Ikinandado niya ang bahay at sumakay na rin sa sasakyan.
"Hang on, big man," sambit niya nang paandarin na ang four by four.
Sa buong biyahe niya pa-Candelabra ay huminto lang siya upang asikasuhin si Baba. Bumaba na nang kaunti ang lagnat nito ngunit umuungol-ungol pa rin. Iyon na ang pinakamabilis na patakbong nagawa niya buong buhay niya. Inabot siya ng anim na oras sa karaniwan ay walong oras na biyahe. Mapapabilis pa sana siya kung natatandaan lang niya ang shortcut na noon ay dinaanan ni Baba.
Agad niyang nakita si Macario sa junction at pagkasakay nito sa sasakyan ay inasikaso nito si Baba. Patuloy siya sa pagmamaneho. "Diretso lang ito, Marie?"
"Oo, Ateng. Sa dulo nitong kalsdang ito, kakaliwa ka. Tapos dire-diretso ulit."
"Kumusta siya? Kanina, bumaba-baba na ang lagnat."
"Tumaas na naman. Kailangan niya siguro ng antibiotic at anti-tetanus. Baka maimpeksiyon pa ang sugat niya."
"Candida... Siya ang... siya... ang dahilan," sambit ni Baba.
Labis siyang nabigla. Kung pagtatagniin niya ang mga sinasambit ni Baba mula kanina ay mauuwi siya sa isang konklusyon—na mayroong nangyaring hindi maganda at mayroong nag-akalang ang gumawa noon ay si Baba, gayong si Candida pala.
BINABASA MO ANG
Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)
RomanceI submitted this manuscript to PHR on July 2013. Today, the TV version is entitled Los B*stardos (I have to use the asterisk so this doesn't get flagged). I will be posting the entire ORIGINAL manuscript here, one day at a time. Thank you!