Chapter 5
"Putsa," sambit ni Baba, saka pinasibad ang motorsiklo upang sundan ang isang itim na van. Nakaramdam siya ng iritasyon—para sa sarili at sa babaeng napilitang sumakay sa van sa unahan.
"Dulce" ang pangalan ng babae, isang dayo. Isang babaeng dayo na ubod nang tapang. Nakakainis na tapang. Kung naging kamag-anak niya ito, marahil nakatikim na ito sa kanya ng sermon. Ang mga tulad nito ay walang lulugaran sa ganoong bayan. Lalong hindi tamang nagbiyahe ito nang nag-iisa. Hindi isang mall ang pinuntahan nito, kundi lugar na walang paglalagyan ang mga mahihina ang loob.
Nilagyan niya ng agwat ang pagsunod niya sa sasakyan, tutok sa kanyang ginagawa. Hindi ito ang unang pagkakataong mayroon siyang sinundang sasakyan. Sa dulong bahagi ng bayan tumuloy ang sasakyan. Lumiko iyon sa kanto papasok ng isang barangay, isang lugar na tiyempuhan lang pasukin ng mga sasakyan. Sa halip na patuloy na sumunod ay nilagpasan niya ang kantong iyon, at lumiko sa kasunod na eskinita.
Muli siyang napamura, nagsindi ng sigarilyo habang sakay ng motorsiklo, saka tinahak ang lubak-lubak at makitid na eskinita. Nagtataasang talahib ang nasa kaliwa at kanan niya. Hindi niya matanaw ang paligid na walang kaso sa kanya dahil wala siyang balak na makita ng sinusundan niya. Ang tagos ng eskinitang iyon ay ang munting plaza ng barangay, kung saan naroon ang maliit na rebulto ni Saint Faith of Aquitaine, kung saan nagmula ang pangalan ng bayan. Ngunit hindi na siya aabot sa plaza. Batid niyang ilang metro pa ay mapapasok na niya ang isa sa mga malalaking lupain na pag-aari ng mga Villacorte. Hindi iyon ang unang pagkakataong makakarating siya sa lugar kung saan dinadala ang mga kaaway ng pamilya.
Pagdaka ay ipinarada niya ang motor sa pagitan ng mga matataas na talahib, saka nilakad ang daan patungo sa isang sirang bakod na halos hindi na rin nakikita dahil sa makapal na damo. Ngunit saulado niya ang lugar na iyon.
Tahimik siyang nakarating sa isang punong balete. Mula roon ay tanaw ang isang maliit na bahay na tipikal para sa kanilang bayan—bahagyang nakaangat sa lupa gamit ang malalaking katawan ng puno bilang tukod; yari sa semento, kahoy, sawali; at mayroong silong. Sinauna ang estilo ng bahay. Perpekto iyon para sa pakay ng mga lalaking sakay ng van.
Mula sa bahay ay hindi siya tanaw sa kinaroroonan niya. Nauna siyang dumating sa bahaging iyon, at nakita niya nang dumating ang van. Nakita niya ang pagpapalag ng babae na binitbit ng dalawang lalaki pababa. Kahit ilang metro ang distansiya niya sa mga ito ay malinaw niyang naririnig ang tinig ng babaeng matigas ang ulo.
"I will sue you all! Itaga ninyo sa bato! I don't deserve this! I have done nothing wrong! Naiintindihan ba ninyo ako? Wala akong ginawang masama!"
Nagsalita si Gardo, ang pinakamalaki sa mga lalaki at pinuno ng grupo. "Tumahimik ka na. Pumasok ka na lang."
Sumigaw ang babae. "No! Bitiwan ninyo ako! Ngayon din! Sino ba ang nagpakuha sa akin? Iharap ninyo sa akin at kakausapin ko!"
Tumugon ang isa pang lalaki, si Rufo. "'Wag kang mainip, darating din siya."
Nagpumiglas ang babae ngunit hindi ito nakawala. "I demand that I talk to that person right now! Hindi ako papasok sa bahay na 'yan kahit anong gawin ninyo! Ang kakapal ng mukha ninyo! Kilala n'yo ba ako? Hindi ako sasama sa loob! No way! Bitiwan mo ako, pangit! Nasasaktan na ako! Ang baho mo pa! Lumayo-layo ka sa akin, please lang!"
Sa isang banda, nais mapatawa ni Baba. Sadyang matapang ang isang babaeng nakuha pang pintasan ang isang lalaking maaaring saktan ito anumang oras. Ngunit hindi iyon iang matalinong desisyon. At tama ang kanyang naging opinyon nang tumugon si Rufo, ang siyang may hawak sa babae. "Baka gusto mong matikman kita ng wala sa oras, Miss? Itong karakas kong ito, nagpapaiyak sa ligaya sa mga babae."
BINABASA MO ANG
Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)
RomanceI submitted this manuscript to PHR on July 2013. Today, the TV version is entitled Los B*stardos (I have to use the asterisk so this doesn't get flagged). I will be posting the entire ORIGINAL manuscript here, one day at a time. Thank you!