Chapter 21
"Ano'ng nangyari sa paglabas ninyo ni Sir Joaquin? Naku, ikuwento mo agad sa akin, anak at ilang araw na akong sabik na sabik malaman!"
Agad na nanghina si Dulce sa sinabi ng kanyang ina. Sinundo niya ito sa bahay ng mga Cardinal upang sabay silang umuwi sa munting farm ng kanyang ama. Puno siya ng pag-asa kani-kanina lang, ngayon ay parang sumambulat na iyon, hindi pa man. Sa lahat naman ng pagkakataong matipuhan siya ni Joaquin ay ngayon pa. At kung bakit kailangan pa iyong malaman ng kanyang ina.
"Sinabi niya sa inyo?"
"Aba'y naririnig ko ang usapan nila, siyempre. Botong-boto sa 'yo si Ma'am Alba! Aba'y sa akin 'kako ay walang problema kung si Sir Joaquin ang mapupusuan mo. Sa totoo lang, anak, matagal ko nang napapansin na may gusto ka sa kanya, hindi lang ako umimik dahil 'ikako'y tila suntok sa buwan. Pero tulad ng lahat ng pangarap mo, mukhang matutupad din. Sadyang mabait ang Diyos. Hala, kuwento na! Gusto ko na ngang magtampo sa 'yong hindi mo man lang binanggit sa akin. Hinihintay kong magkuwento ka. Pero heto at sinundo mo ako ngayon. Siguro'y sabik na sabik ka na ring magkuwento, ano?"
Lalo na siyang nanglata. Nanglalaki ang mga mata ng matanda, halatang masayang-masaya ito. Ang mahigit isang linggo niyang pagbuwelo ay naunsiyami. Lumunok siya. "Hindi naman po eksaktong date 'yon, Nanay. Kumain lang po kami sa labas, nagkuwentuhan saglit."
"Aba'y kung hindi pa iyon date ay ano'ng tawag doon? 'Kuu, 'wag kang maging masyadong sinauna, anak. At magtiwala ka sa nanay mo, date ang tawag doon. Hindi ko lang alam kung 'yan ang tinatawag na esklusib."
Bigla siyang napataas-kilay. "At ano naman po ang nalalaman ninyo sa exclusive dating, 'Nay? 'Wag ninyong sabihing ganoon ang sistema ninyo ni Tatay noon?"
"Aba't natural, hindi! Noon, ang ligaw ay ligaw. Sabihing magkasama kami sa trabaho ng tatay mo, talagang pumahik siya ng ligaw sa lola mo. Ganoon noon. Pero ngayon, yaman din lamang na kakilala ko na si Sir Joaquin, wala sa aking problema na lumabas kayo. Ang nabanggit nga ng Tatay mo, baka daw ngayon puwede na akong mag-resign. Nakakahiya nga naman para kay Sir Joaquin na magiging nobyo mo at ako'y naninilbihan pa rin sa kanila. At ang totoo ay pinag-iisipan ko na rin. Sa katunayan, nabanggit ko na kay Ma'am Alba. 'Kako ay baka hanggang katapusan na lang ako sa kanila."
Doon biglang lumaki ang ulo niya. Higit pa pala sa inaasahan niya ang iniisip nito at ng kanyang ama! Oo at sa isang banda ay masaya siya na magre-resign na ang kanyang ina dahil sadyang iyon ang nais niya noon pa, ngunit sa kabilang banda naman ay para siyang iniipit sa pagitan ng dalawang pader. Inaasahan nitong magkakatuluyan sila ni Joaquin! Asang-asa ito. Buong-buo na iyon tila sa kalooban nito sapagkat hindi ito magpapaalam kay Ma'am Alba kung hindi. Hindi ganoon ang kanyang ina. Sa tagal nilang pagpipilit ditong magretiro, ngayon lang ito nagsabi kay Ma'am Alba.
Help me, God. Please?
"Nanay, gusto ko naman po talagang mag-resign na kayo pero gusto ko po sanang gawin ninyo iyon hindi dahil sa amin ni Joaquin."
"'Kuu, pinag-isipan ko itong maigi. Isa pa, payo rin ni Amparing na para 'wag mailang si Joaquin, ako na mismo ang dapat magpaalam. Eh, kailan daw ba kayo lalabas ulit? Teka muna, saan ka ba dinala? Ano naman ang isinuot mo? Baka naman nagpantalon ka at hindi ka nag-bestida? Eh, ikaw pa naman kung minsan, kahit ilang ulit nang sinasabi sa 'yong bagay sa 'yo ang bestida, sige ka sa pagpapantalon. Dapat sa mga ganoong okasyon, ipakita mong dalagang-dalaga ka."
Kung marahil hindi nanghihina ang kalooban niya ay natawa na siya. Mukhang teenager pa rin ang tingin nito sa kanya para payuhan siyang magdamit sa paraang magmumukha siyang dalaga. Kung alam lang ninyo, 'Nay, na hindi na ako dalaga.
BINABASA MO ANG
Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)
RomanceI submitted this manuscript to PHR on July 2013. Today, the TV version is entitled Los B*stardos (I have to use the asterisk so this doesn't get flagged). I will be posting the entire ORIGINAL manuscript here, one day at a time. Thank you!