Chapter 12
"I hate you!" wika ni Dulce, hinampas nang malakas sa braso si Baba. Nangingilo siya, parang naipon ang lahat ng asim sa ilalim ng panga niya. Halatang sinabi lang ng lalaki na matamis ang bunga ng punong mangga kahit alam nitong hindi. Kaya pala kahit maraming bunga ng mangga ay hindi nito kinukuha.
"Hindi bale, maganda ka pa rin naman kahit maasim ang mukha mo," wika ng lalaki. Pinisil nito ang kanyang pisngi. Nakangiwi pa rin siya. Tawa pa rin ito nang tawa.
"Nakakaasar ka, alam mo 'yon?" Napalabi siya kahit napapangiti. Kinuha niya ang isang pisngi ng manggang manibalang saka ipinahid sa mukha nito. "Nakakaasar ka talaga. Nakakaasar ka!"
Anong lakas ng tili niya nang akmang gaganti ito. Itinaas din nito malapit sa mukha niya ang buto ng mangga. Lumundag siya pababa sa sangang kinauupuan niya saka nagtutumakbo palayo. Hindi na niya maalala kung kailan siya huling nagtutumakbo at nagtitiling parang paslit.
"Ayoko na, ayoko na!" tili niya nang maggirian sila sa pagitan ng mga baka.
Mukhang nairita sa kanya ang baka at umungol. Tinangka siyang abutin ni Baba ngunit agad siyang nakatalilis patungo sa sapa. Tili pa rin siya ng tili, tawa nang tawa. Napadausdos siya sa lupa at nahulog malapit sa mababang sapa. Patakbong tinawid niya iyon, panay ang lingon kay Baba.
Ngayon ay nasa kabilang panig ito ng sapa, may dalawang dipa lang ang layo nila sa isa't isa sa kitid ng daluyan ng tubig. Mababa rin iyon—marahil dalawang dangkal lang ang pinakamalalim na bahagi; mabato rin, ngunit napakalinis ng umaagos na tubig.
Ngiting-ngiti si Baba, halatang labis itong naaaliw sa pangyayari. And then he bit his lower lip, raised both his hands, and roared. Muli na naman siyang napatili saka tumalilis ng takbo.
"Ayoko na, ayoko na, Baba! Pagod na ako! Time first. Time first!" aniya, lumikha ng letrang T gamit ang dalawang kamay. Sa puntong iyon ay malayo na sila sa sapa at sa mga baka. Sa bahaging iyon ay matataas ang mga damo at halos mukha lang nito ang nakikita niya.
Yumuko siya, sa gayon ay mas mahirapan itong makita siya. Para siyang batang nakikipagpatintero, ganoong-ganoon ang nadarama niya, parang sa isang bata. Lahat ng ito ay nalimot na niya halos. Madalas sabihin sa kanya ng kanyang ama na hindi siya marunong magsaya, na labis-labis ang pagtutok niya sa trabaho, sa pag-asenso. Kaya heto siya ngayon, lunod sa kaligayahang halos hindi na niya makilala o maalala.
Marahan siyang humakbang palayo, nakikiramdam. Hinawi niya ang mga damo sa unahan niya upang mapatili nang madama ang bisig ng lalaki sa kanyang baywang. Inangat siya nito sa ere at kahit nagpapasag siya ay hindi siya nito binitiwan. Hindi na natigil ang halakhakan nila na parang mga baliw. Dalawang taong malayong ituring na bata, hayun at parang mga paslit sa karnabal. Ipinihit siya nito. Naipatong niya ang mga kamay sa balikat ng binata, taas-baba ang dibdib. Nakulong siya sa mga bisig nito.
"Ang galing mo talaga manghuli sa ganito, 'Ba!" aniya, hinahapo, natatawa, ngiting-ngiti. Ang mga mata nitong nasisinagan ng araw ay nakapagpaalala sa kanya ng tinutunaw na ginto. Sinalat niya ang palibot noon. "You have the most beautiful eyes I have ever seen," sambit niya.
"Hingin mo, ibibigay ko sa 'yo," sambit nito, nakangiti.
"Ano?" natatawang tanong niya.
Hinaplos nito ang kanyang pisngi, matagal, hindi na nawawala ang ngiti sa labi. "Sa ngayon, kahit ano ang hingin mo sa akin, sa palagay ko ay ibibigay ko."
Umingos siya bagaman nag-init ang dibdib. "Eh, paano kung hingin ko nga, paano? Ilalagay mo sa garapon?"
He looked up, laughing. He was sunshine. He was breeze. He was... everything wonderful. Parang anumang sandali ay mayroong mga ibong mag-aawitan habang hindi mapakali sa pagkaaliw dito. Little musical notes would appear as they walked hand in hand through the tall grass. She would probably even skip! Butterflies would flutter—big, colorful ones!
BINABASA MO ANG
Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)
RomanceI submitted this manuscript to PHR on July 2013. Today, the TV version is entitled Los B*stardos (I have to use the asterisk so this doesn't get flagged). I will be posting the entire ORIGINAL manuscript here, one day at a time. Thank you!