Chapter 26
Kabado si Dulce habang naghihintay sa sala. Naglakad-lakad sa labas si Baba kasama ang kanyang mga magulang. Sa kubo raw sa taniman mag-uusap ang mga ito. Halos isang oras nang umalis ang tatlo at hindi pa rin nagbabalik. Palakad-lakad na siya sa sala, nais nang sumunod sa mga ito.
Ngunit pagtanaw niyang muli sa bintana ay nakita na niyang naglalakad palapit ang tatlo. Inaasahan niyang umiiyak na naman ang nanay ngunit mukhang kalmado ito. Nang makapasok ang tatlo sa bahay ay puno siya ng agam-agam. Ang kanyang ama ang unang nagsalita.
"Bueno, ihahatid ka namin mamaya sa farm ni Baba, anak. Gusto ko ng nanay mong makita iyong tutuluyan mo. Maganda nga at malapit ka sa amin. Makakabisita kami sa tuwing puwede."
Muntikan na siyang mapanganga. Ano ang sinabi ni Baba sa mga ito? Napatango na lang siya nang magkakasunod, walang maapuhap na salita. Ang kanyang ina ay ngumiti sa kanya, pinisil ang palad niya. "Bueno, kumain muna tayo. May ginataang bilu-bilo ako diyan."
Tumulong siya ritong maghain sa kusina at hindi niya maiwasang magtanong. "Ayos lang po ba kayo, 'Nay?"
"Anak, magkakaroon ka na rin ng anak. Magiging lola na ako. Matagal ko na itong pangarap at umaasa akong bagong yugto ito ng buhay nating lahat."
Napaluha siya. "Salamat po, 'Nay."
"O, 'wag kang iiyak at masama sa bata." Itinaas nito ang kanyang mukha. "Paborito mo itong ginataan. Siya, tawagin mo na ang tatay at asawa mo."
Pinunasan niya ang mga mata at hindi na nagtangkang itama ang sinabi nitong "asawa." Tinawag niya ang dalawang lalaki sa sala na agad tumayo at nagtungo sa kusina. Habang nagme-merienda sila ay dama niya ang pagkailang ng isa't isa. Nagpasya siyang basagin ang katahimikan. "Ano kaya ang magandang ipangalan sa bata? Kung babae, siguro maganda kung isunod sa pangalan ninyo, 'Nay."
"Aba'y walang problema sa akin, pero kung nataong lalaki, mangyaring 'wag mo nang isunod sa pangalan ng ama mo at kawawang bata."
Agad tumutol ang kanyang ama. "Aba, ang pangalan ko'y hango sa pangalang-Kastila. Hindi ka lang kasi sosyal kaya ayaw mo sa Chucho." Iyon ang tunay nitong pangalan.
"'Kuu, ikaw na mismo ang nagsabing noong bata ka'y chuu-chuu ang tawag sa iyo't kinakantiyawan kang parang tuta." Nagmuwestra ang matandang babae na animo may tuta sa ibabaw ng mesa.
Bigla siyang natawa at natawa rin si Baba. Umismid ang kanyang ina. "Eh, paano nga'y walang class ang mga kalaro ko. Eh, itong batang ito'y magiging class ito kaya ang mga kalaro ay nakakaunawa ng mga Istetsayd na pangalan."
"Asus, istetsayd daw, eh, made in Gapan ka. Istetsayd..." Lumabi ang babae. "Kakasabi mo lang na Kastila, biglang istetsayd! Ang istetsayd, eh, iyong galing sa Amerika. Kaya nga Istetsayd kasi kasing Isteyts."
"'Kuu, umarya ka na naman, Carolina," reklamo ng kanyang ama, sabay subo ng ginataan.
Nilingon niya si Baba. Nakangiti lang ito. Nais niya itong pasalamatan ngunit mamaya na, kapag nagkasolo na sila. Nagtagal pa sila sa farm ng mga magulang niya saka siya nagyayang umuwi.
"Siyanga pala," ani Baba habang nagmamaneho ito pabalik sa Casa de Labranza, "Nakausap ko na si Papa kanina. Nabanggit ko na rin sa mga magulang mo. Pupunta kami sa susunod na buwan, pagkauwi niya galing sa Amerika. Paalis siya ngayon, magpapa-check up doon."
Uminit ang dibdib niya. "That's... that's great. Is he all right though?"
"Oo. Wala naman daw problema."
"Okay lang ba sa kanya na... alam mo na."
"Nabigla siya pero mukhang masaya naman."
"Okay lang ba sa 'yo ang sinabi ko kanina kay Nanay? Na isusunod sa pangalan niya kapag babae?" aniya pagdaka. "Pero mas maganda siguro kung dalawang pangalan ang gamitin natin—Dominga Carolina."
BINABASA MO ANG
Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)
Roman d'amourI submitted this manuscript to PHR on July 2013. Today, the TV version is entitled Los B*stardos (I have to use the asterisk so this doesn't get flagged). I will be posting the entire ORIGINAL manuscript here, one day at a time. Thank you!