Chapter 9
"Okay ka lang ba?"
Nagtaas ng mukha si Baba upang tingnan si Dulce. Hindi niya alam kung ano ang itutugon sa babae kaya tumango na lang siya nang bahagya. Mainit pa rin ang ulo niya ngunit mahirap panghawakan ang inis sa harap ng dalaga. O dalaga nga ba ito? Marahil. Ito ang tipo ng babaeng kung may asawa na ay hinding-hindi huhubarin ang singsing. Isa pa, anong klaseng asawa ang mayroon ito parapayagan itong tumulak patungo sa kung tawagin ng iba ay "No Man's Land?"
"Nurse 'yon," sambit niya mayamaya, lihim na napapailing, ang tinukoy ay si Macario.
"Si Marie?"
Napangiwi siya. Matagal na panahon na mula nang magpasya si Macario na gawing "Marie" ang palayaw nito at lahat ng tao ay iyon na ang tawag dito, maliban sa kanya. Kahit kailan ay hindi siya magiging komportableng iyon ang itawag sa lalaki. Para sa kanya, ito ay si Macario, ang batang alaga niya magmula nang mapasali ito sa grupo nila noong ito ay anim na taong gulang pa lang.
Noong panahong iyon ay labing-limang taon na siya. Iyon ang tantiya niyang edad niya, sapagkat hindi niya alam. Hanggang ngayon, hindi niya alam kung ilang taon na siya o kung ano ang totoo niyang pangalan. Ang naaalala lang niya, bata pa siya ay kasama na niya ang mga armadong kalalakihan sa itaas ng kabundukan. Bata pa lang siya ay pinahawak na siya ng mga ito ng baril. Edad labing-tatlo nang una siyang makabaril ng sundalo.
"Registered nurse si Marie?" muling tanong ni Dulce.
"Board topnotcher 'yan, third place. May alok diyan ang professor niya na mag-Amerika, tinanggihan. Umuwi dito pagkatapos mag-call center. Dalawang taon lang 'yan nag-ospital. Pumasok sa call center para raw makapag-aral ng cosmetogoly. Hindi ko inuudyukan, pero sumige pa rin. Nag-ipon nang kaunti, tapos nagtayo ng parlor dito. Sa lugar na ito. Kahit alam niyang walang kinabukasan dito."
Nang maunawaan niyang naihinga niya sa babae ang matagal na niyang saloobin na wala siyang pinagsasabihan ni isang tao ay natigilan siya. Ano ba ang mayroon sa babaeng ito na kay dali niyang nagawang sabihin ang mga iyon dito? Hindi siya ang tipo ng taong mareklamo sa buhay.
"Hindi siya magiging masaya kung hindi niya gagawin ang gusto niya," si Dulce. "Ganoon naman ang lahat ng tao, hindi ba? Paano ka magiging successful kung ang ginagawa mo ay hindi mo gusto. Pabayaan mo siya. Bata pa siya, marami pang pagkakataon."
Hindi siya umimik. Wala naman siyang magagawa dahil hindi rin siya ang tipong pipigilan si Macario sa nais nitong gawin, lalo na at kailanman ay hindi ito umapela sa kanya pagdating sa pinansiyal na aspeto ng buhay nila. May pera siya na handang ibahagi rito, lamang ay hindi niya inakalang isang parlor sa ganoong klaseng lugar ang siyang magiging hanapbuhay nito. Ngunit ayaw nitong iwan ang probinsiya. Hanggang naroon daw siya, hindi ito aalis.
Putsa, sa isip-isip niya. Naiinip na siyang dumating ang panahong maiisipan ng lalaki na hindi tamang iasa nito ang buhay sa magiging desisyon niya. May misyon siya sa kanyang pagbabalik sa Santa Fe, isang misyong hindi niya alam kung hanggang kailan magtatagal. At habang hinihintay siya nito ay nauubos ang panahon nito.
"Matagal na ba kayong magkasama?" tanong ni Dulce.
Tumango siya. Anak si Macario ng isa sa mga miyembro ng grupo. Anak sa isang babaeng mababa ang lipad. Pumanaw ang nanay nito at kinuha ito ng ama, dinala sa bundok. Habang siya noong mga panahong iyon ay tunay na miyembro na ng grupo ang turing.
Ang nagbigay sa kanya ng kanyang edad ay ang isa sa mga kasamahan sa grupo, si Ka Abel. Hindi na niya naaalala kung paano siya napasama sa mga ito, basta't ang sabi sa kanya ni Ka Abel ay nakita raw siyang gumagala-gala sa kabundukan at walang naghahanap sa kanya. Nang tanungin siya ng mga ito kung ano ang pangalan niya, ang sabi niya ay "Baba."
BINABASA MO ANG
Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)
RomanceI submitted this manuscript to PHR on July 2013. Today, the TV version is entitled Los B*stardos (I have to use the asterisk so this doesn't get flagged). I will be posting the entire ORIGINAL manuscript here, one day at a time. Thank you!