NAG-INAT si Winnie hanggang mapahiga na siya sa sahig kung saan siya nakasalampak ng upo. Sa harap niya ay ang laptop niya na nakapatong sa center table. Nagkalat sa magkabilang gilid ng laptop ni Winnie ang mga papel na sinulatan niya ng maraming impormasyong nakolekta niya para sa mga artikulong isinulat niya magdamag. Sandaling ipinikit niya ang mga mata upang ipahinga ang mga iyon.
"Hay, sa wakas tapos na. Akala ko hindi ako aabot sa deadline," pabuntong hiningang bulalas ni Winnie.
Writer si Winnie para sa isang news website na nakabase sa Amerika at isang showbiz website naman sa pilipinas. Entertainment news ang sinusulat ni Winnie sa parehong website. Subalit hindi tulad ng ibang manunulat na kailangan talagang magpunta sa location o kaya ay humabol ng mga personalidad, nagagawa ni Winnie ang trabaho niya kahit nasa loob lang siya ng kaniyang apartment. Ang column kasi niya na Online Gossips ay tungkol sa mga balita na viral sa internet world. Kinukuha ni Winnie ang mga impormasyon niya sa mga video na kumakalat sa internet, sa mga pinag-uusapan sa kung anu-anong fandom forums ng mga personalidad, mga haters at kung anu-ano pa.
Maraming taon nang iyon ang trabaho ni Winnie at kada artikulo ang bayad sa kaniya. Kumportable siya sa ganoong trabaho dahil mas gusto talaga niya iyon kaysa mag opisina at makisama sa mga tao. At least, sa trabaho niya through emails at chats lang siya nakikipag-usap. Hindi sa ilag siya sa iba. Katunayan kabaligtaran ang tunay na nangyayari. Noon pa man may tendency ang ibang tao na maging ilag kay Winnie. If not uncomfortable, then they were making fun of her. Hindi niya alam kung bakit.
Oh well, wala naman siya masyadong pakielam sa iba. Kaunti lang ang taong talagang may interes siya at ang mga taong iyon ang mahalaga para sa kaniya.
Biglang dumilat si Winnie. "Kailangan ko ng makakapagpawala ng pagod ko." Ngumiti siya at bumangon. Gumapang siya patungo sa LCD television niya at binuksan iyon. Pagkatapos pinindot niya ang play button ng DVD player niya. Lately kasi isang DVD lang naman ang laman ng player na iyon. Nang lumitaw sa malaking screen ang isang tennis match agad na umatras si Winnie at itinutok ang tingin sa screen. Subalit hindi sa naglalaro sa court napunta ang atensiyon ni Winnie kung hindi sa hilera ng mga nakaupong manonood na pinakamalapit sa court. Matamis na napangiti siya nang makita ang lalaking nakaupo roon at tutok na tutok ang atensiyon sa panonood ng tennis game.
"Hay, Jeremy, kahit sa video ang guwapo guwapo mo," pabuntong hiningang bulalas ni Winnie. Kinilig siya nang maging close up ang kuha ng camera kay Jeremy. Ang mga matang iyon na kahit hindi nakangiti ay tila kay amo, those perfectly shaped nose, ang mga labi na iyon na bahagyang naka-pout na para bang inaalok ang kahit na sinong halikan ito at ang seryosong anyo. Muli siyang napabuntong hininga. Perfect.
Kahit sa kasalukuyan ay naka-mute ang video alam ni Winnie na may sinasabi ang commentator tungkol kay Jeremy. After all, ilang beses na niya napanood ang video clip na iyon.
Si Jeremy ay manager ni Riki Montemayor, isang tennis player na purong pinoy. Pride ng pilipinas si Riki Montemayor. Dalawang taon lang ang nakararaan ay nagkaroon ng pagkakataon si Winnie na makilala ng personal si Riki Montemayor. Naging bodyguard kasi ng lalaki ang matalik na kaibigan ni Winnie na si Ailyn. Matapos ang maraming pangyayari ngayon ay asawa na ni Riki ang babae. Dahil din kay Ailyn kaya nakilala ni Winnie si Jeremy.
She has been in love with him ever since. Sa simula hindi alam ni Winnie kung bakit hindi niya maialis ang tingin kay Jeremy nang una silang magkita. Kahit pa ubod ng guwapo ang binata hindi naman ito ngumingiti. Ni hindi nga pinapansin masyado ni Jeremy si Winnie. Yet, she could not deny the fluttering of her heart whenever she thinks of him. Hanggang napagtanto ni Winnie na in-love siya kay Jeremy. Hanggang ngayon, matapos ang dalawang taon ay hindi pa rin nawawala ang damdamin niya para sa binata.
Mula pa noon, palaging naiisip ni Winnie kung ano kaya ang hitsura ni Jeremy kapag ngumiti at tumawa na ito. Sa ilang beses kasi na pagkikita nila hindi pa niya nakitang ngumiti ang binata. Kaya nabuo ang desisyon ni Winnie na gawing misyon ang mapangiti si Jeremy.
Nagbago ang eksena sa screen. Ibang game na iyon at muli nahagip ng camera si Jeremy. Muli napabuntong hininga si Winnie. Ang totoo, collection of clips ang DVD na nakasalang sa player niya. Mga video na kasama si Jeremy. Si Winnie mismo ang nag-edit at nag burn niyon sa DVD. It is her precious treasure. Sa ngayon kasi sa ganoon lang niya nakikita si Jeremy. Ilang buwan na kasing nasa Amerika ang binata kasama si Riki dahil sa tennis matches ng huli. Nakaabot kasi sa finals si Riki kaya napatagal sa amerika ang dalawa.
"Pero malapit na tayong magkita. Last game na bukas. Uuwi ka na ng pilipinas at makikita na kita," kausap ni Winnie sa screen.
Biglang tumunog ang cellphone niya. Napakurap siya at iginala ang tingin sa sala ng apartment niya. Nasaan na ba ang cellphone niya? Nakalkal ni Winnie ang gadget na bihira niya gamitin sa ilalim ng unan na nasa sofa. Napangiti siya nang makita kung sino ang tumatawag.
"Hello!" masiglang bati ni Winnie.
"Sabi ko na nga ba gising ka pa," natatawang sagot ni Ailyn sa kabilang linya.
"Gising pa, talaga. Hindi gising na?" nakangising tanong ni Winnie.
"Oo. Masyado kitang kilala. Alam ko rin na bukas ang LCD TV mo at pinapanood mo na naman ang mga video clips ni Jeremy."
Natawa si Winnie at muling napatitig sa telebisyon. Gumapang siya uli upang abutin ang remote control. Pinindot niya ang paused button sa eksena na naka-close-up ang mukha ni Jeremy. "Bakit napatawag ka ng ganito kaaga?"
"Gusto mong mag-almusal sa labas kasama ako? Bigla kong na-miss ang mga panahong tumatawid ako sa apartment mo ng ganitong oras para mag kape. Saka may sasabihin ako sa iyo," sagot ni Ailyn.
Sa katabing apartment kasi ni Winnie dati nakatira si Ailyn, noong hindi pa nag-aasawa ang kaibigan niya. Ngayon nakatira na si Ailyn sa condo ni Riki. Sa pagkakaalam ni Winnie nagpapagawa na ng bahay ang lalaki na lilipatan nito at ni Ailyn.
"Sige, saan?" tanong niya. Nami-miss na rin kasi ni Winnie si Ailyn. Sa apartment building na iyon kasi, ang babae lang ang kasundo niya.
Sinabi ni Ailyn ang pangalan ng coffee shop na ilang minuto lang ang layo mula sa apartment ni Winnie. Kayang kaya niya iyong lakarin. Saglit lang nagpaalam na sila sa isa't isa. Mabilis na pinatay ni Winnie ang laptop niya. Kasunod ang telebisyon at DVD player. Tumayo siya at nag-inat at sandaling napaisip kung magpapalit ba siya ng damit o hindi. Naka maluwag na t-shirt at maong shorts lang kasi siya. Pero tinamad siya magbihis kaya inayos na lang niya ang pagkakapusod ng buhok niya, kinuha ang wallet niya, saka lumabas ng apartment.
May mga tao na sa labas ng apartment building. Sa isang panig pa nga ay mga nanay na abala sa pag-tsi-tsismisan. Napahinto sa pagsasalita ang mga babae at napatingin kay Winnie nang dumaan siya. Gusto sana niyang batiin ang grupo kung hindi lang sa makahulugang tingin ng mga ito. Nilampasan na lang niya ang grupo dahil alam niya na pag-uusapan na naman siya ng mga babaeng iyon.
Ano ang trabaho niya? Bakit siya nagkukulong lang sa apartment niya? Wala ba siyang ibang pamilya? Paano siya nabubuhay? Kabit ba siya ng kung sino? May criminal record ba siya kaya nagtatago doon?
Ganoon ang mga tanong na ilang taon nang patungkol kay Winnie. Tinatawanan lang nila iyon ni Ailyn. Naisip ni Winnie, bakit niya itatama ang mga sapantaha ng mga tao sa lugar nila? Kapag ginawa niya iyon mawawalan ng pagkakaabalahan ang mga babae doon. Kawawa naman.
BINABASA MO ANG
CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)
RomantikNoon pa man in love na si Winnie kay Jeremy. Hindi niya itinatago ang nararamdaman para sa binata. Kaya lang palagi siya iniiwasan ni Jeremy. Wala tuloy nangyayaring progress sa relasyon nilang dalawa. Kaya nang malaman niya na magbabakasyon sila ng...