Napanguso si Winnie. "Kailan ka ba magiging honest? Hindi magandang palaging sinosolo ang naiisip at nararamdaman. Maaga ka magkaka-wrinkles," bulong niya na mukhang narinig naman ni Jeremy dahil naningkit ang mga mata ng binata at muling tumingin kay Winnie. Muli lang siyang ngumiti. Si Jeremy naman mukhang nagbago ang isip na sumagot at bumuntong hininga na lang.
"Who's that lady, Jeremy? Hindi mo ba siya ipapakilala sa amin?" sabi ng isa sa mga lalaking kausap kanina ng binata. Noon lang naging aware si Winnie sa paligid niya. Noon lang niya napansin na kausap na nina Ailyn si Riki sa isang panig at noon lang din niya tiningnan ng malapitan ang mga kausap ni Jeremy.
Tumikhim si Jeremy at humarap uli sa grupo. "This is Winnie..." Sumulyap sa kaniya ang binata at napagtanto niya na hindi nito alam ang apelyido niya. Medyo nalungkot siya ng kaunti dahil hindi iyon alam ni Jeremy kahit taon na silang magkakilala. Hindi bale na nga.
"Winnie Hizon," nakangiting salo niya sa pagpapakilala ni Jeremy.
"Bestfriend siya ng asawa ni Riki," sabi naman ni Jeremy.
Ngumiti ang mga lalaki sa grupo habang hindi naman nakaligtas kay Winnie ang panunuri sa tingin ng mga babae. Ha, mukhang target din ng mga babaeng ito si Jeremy. Sorry girls, akin lang siya.
"Bestfriend ka ng asawa ni Riki pero mukhang close din kayo ni Jeremy, ah. Magkakasama kami sa tennis club noong College," sabi ng isang lalaki.
Natutok ang atensiyon ni Winnie sa lalaki sa sinabi nito. "Talaga? Kamusta si Jeremy noong college? Hindi rin ba siya marunong ngumiti noon o nang tumanda lang siya nawalan ng sense of humor?" sabik na tanong niya.
Nagtawanan ang mga lalaki. Si Jeremy naman muling napabuntong hininga. "Yes, kahit noon ganiyan na talaga si Jeremy," nakangising sagot ng isa.
"Hindi siya ngumingiti at kahit anong lapit ng mga babae sa kaniya hindi niya pinapansin," sabi pa ng isa.
Tumamis tuloy ang ngiti ni Winnie. Ibubuka na niya ang mga labi upang magtanong pa nang tungkol sa nakaraan ni Jeremy nang biglang pumailanlang ang musika sa paligid. Bumikig sa lalamunan ni Winnie ang mga sasabihin niya nang maramdaman niyang hinawakan ni Jeremy ang isang siko niya. "Let's dance," sabi pa ng binata dahilan kaya gulat na napatingala siya rito. Hindi nakatingin kay Winnie si Jeremy subalit matapos nitong magpaalam sa mga kausap nila ay hinigit na siya ng binata palayo sa grupo at patungo sa gitna ng dance floor.
"Hindi ako nagkamali ng dinig, inaya mo talaga ako sumayaw," manghang usal ni Winnie nang nakahalo na sila sa mga pares na sumasayaw sa saliw ng musika.
Himbis na sumagot agad hinawakan ni Jeremy ang isang kamay niya habang inilapat naman nito ang isa pang kamay sa lower back niya. Bumilis ang tibok ng puso ni Winnie at tila hinalukay ang sikmura niya nang bahagya siyang higitin palapit ni Jeremy. "Kailangan kitang ilayo sa kanila bago pa kung anu-ano ang itanong mo sa kanila," pabuntong hiningang sabi ng binata.
Subalit sa mga sandaling iyon hindi na masyadong pinagtuunan ni Winnie ng pansin ang sinabi ni Jeremy. Nakatuon na ang buong kamalayan niya sa pagkakalapit ng mga katawan nila ng binata. Ipinatong ni Winnie ang malayang kamay sa balikat ni Jeremy nang magsimula siya nitong akaying gumalaw sa saliw ng musika. Pakiramdam niya lumulutang siya sa ulap. Nagsasayaw sila ni Jeremy. Si Jeremy na palaging tila gustong tumakbo palayo kapag magkasama sila; Si Jeremy na halos ayaw siyang tingnan kanina habang nasa loob sila ng sasakyan. At ang binata mismo ang nagkusang isayaw siya.
"Stop grinning like a lunatic, Winnie," mahinang saway ni Jeremy sa kaniya.
Himbis na sundin ang binata napahagikhik pa si Winnie at sumandig sa katawan ni Jeremy habang sumasayaw sila. "Sorry, hindi ko mapigilan. Masaya lang talaga ako," sagot niya.
Napatitig si Jeremy sa mukha niya at lalong tumamis ang ngiti ni Winnie. "Ano, in love ka na ba sa akin ngayon?" biro niya.
Nalukot ang mukha ng binata at nag-iwas ng tingin. "Stop kidding around," usal ni Jeremy.
Napalabi si Winnie. "Pero alam mo na ang damdamin ko sa iyo, hindi biro, Jeremy."
Hayun na naman ang binata, nagmukha na namang parang sinisilihan. "Winnie, can you just stop it? Puwede tayong maging magkaibigan kung titigil ka lang sa pagsasalita ng ganiyan," ilang na sagot ni Jeremy.
"Hindi ako titigil kasi ayokong maging kaibigan mo lang," giit ni Winnie.
Sa kamalas-malasan ay noon natapos ang musika. Huminto sa pagsayaw si Jeremy at bumitaw kay Winnie. "Come on, ihahatid kita sa lamesa na nakalaan para sa atin. Nandoon na sina Ailyn," paiwas na sagot ni Jeremy.
Hindi kumilos si Winnie kaya napabuga ng hangin ang binata at hinawakan muli ang siko niya. Pabuntong hiningang nagpaakay na lang siya sa binata. Fine. Sa susunod na nga lang uli. May next round pa, promise. At least we danced together. Progress na rin. Sa naisip ay napangiti na rin si Winnie.
Pagkalapit nila sa malaking lamesa na nakalaan sa pamilya ni Riki nakita ni Winnie na ngiting ngiti sina Ailyn, Lorie at Lauradia habang nakatingin sa kanila ni Jeremy. Mas lalo tuloy gumaan ang pakiramdam ni Winnie. Malamang nakita ng tatlong babae ang pagsasayaw nila ni Jeremy.
"Well then, excuse me. May kailangan akong kausaping mga tao," paalam ng binata na mabilis nang nakatalikod at nakalayo. Sandaling napasunod na lang si Winnie nang tingin kay Jeremy hanggang magsimulang makipag-usap ang binata sa grupo ng matatandang lalaki.
"Nakita namin iyon. Hinatak ka niya papunta sa dance floor," tudyo ni Ailyn.
Naalis ang tingin ni Winnie kay Jeremy at bumaling sa tatlong babaeng ngiting ngiti. Umupo siya sa bakanteng lamesa at ngumisi. "Effective yata ang pagpapaganda ko. Uulitin ko nga."
Nagtawanan silang apat. "Oo nga pala, samantalahin natin na tayo lang ang nasa lamesa ngayon. Pag-usapan natin ang private party. Ang sabi ni Lauradia nasabihan na niya ang staff nila ni Raiven doon," imporma ni Ailyn.
"Pagdating natin doon okay na ang lahat," sabi ni Lauradia.
"So, oras na siguro para sabihin mo sa amin kung ano ang plano na sinasabi mong kailangan mo ng tulong," sabi naman ni Lorie.
Napangisi si Winnie at sabik na inilapit ang sarili sa tatlo para sila-sila lang ang makarinig. "It's my 'Making Jeremy Fall In Love With Me Plan'!"
Saglit pa sinasabi na ni Winnie ang naisip niyang plano. Nanlaki ang mga mata ng tatlong babae.
"Winnie, baliw ka talaga?! Sigurado ka ba diyan?" manghang tanong ni Ailyn.
Sunod-sunod na tumango si Winnie. Nagtinginan ang tatlo bago sabay-sabay na napabuntong hininga.
"Sige na nga. Tutulong kami sa abot ng aming makakaya," nakangiting sabi ni Lauradia.
Matamis na napangiti si Winnie. "Salamat." Muli niyang hinanap ng tingin si Jeremy. Katulad ng dati agad na nakita niya ang binata. Buong gabi na siyang nakuntentong tingnan si Jeremy, ang lalaking mahal niya.
BINABASA MO ANG
CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)
RomanceNoon pa man in love na si Winnie kay Jeremy. Hindi niya itinatago ang nararamdaman para sa binata. Kaya lang palagi siya iniiwasan ni Jeremy. Wala tuloy nangyayaring progress sa relasyon nilang dalawa. Kaya nang malaman niya na magbabakasyon sila ng...