Bumilis ang tibok ng puso ni Winnie. "Ano ang ibig mong sabihin?" Patindi ng patindi ang pag-asa sa dibdib niya sa ikinikilos at sinasabi ni Jeremy.
Huminga ng malalim ang binata at muling sinalubong ng tingin ang mga mata niya. "Hindi ko alam kung paano nangyari o kung paano mo nagawa. But lately, everytime I see you, you are becoming less irritating and more... charming. Kahit anong pagtanggi ang gawin ko, palagi pa rin sa iyo napupunta ang atensiyon ko. Nang makita kitang nakikipagtawanan kina Gio, nakaramdam ako ng pagrerebelde. Dahil naisip ko dapat sa akin ka lang nakikipag-usap ng ganoon. Kahit alam ko wala akong karapatang mag-isip ng ganoon. Really, what are you doing to me, Winnie?" litanya ni Jeremy.
Napahugot ng malalim na paghinga si Winnie at ikinulong sa mga palad niya ang mukha ni Jeremy. Ngumiti siya kahit ang totoo gusto na niyang magtatalon at humalakhak sa labis na tuwa. "Anong ginagawa ko? Simple lang. I'm making you fall in love with me," puno ng pagmamahal na sagot ni Winnie.
Ilang sandaling tumitig lang sa kaniya si Jeremy bago napabuntong hininga. "But you are not my type," ungol nito.
Himbis na mainis natawa pa si Winnie. Wala naman kasing bahid ng negatibong emosyon ang pagkakasabi ni Jeremy niyon. "Huwag ka mag-alala, hindi rin talaga kita type. Originally, gusto ko ng lalaking may sense of humor at very charming."
Sumimangot si Jeremy. "Si Gio ang inilalarawan mo, alam mo ba iyon?"
Napangisi si Winnie. Kung ganoon tama si Gio nang sinabi sa kaniya noon sa beach nang sabihin niya sa lalaki na in love siya kay Jeremy. Ang sabi ni Gio kay Winnie kahapon may pag-asa daw siya kay Jeremy kasi daw nainis ang binata nang magpakita si Gio ng interes sa kaniya. Totoo pala.
"Oo nga. Pero hindi ako sa kaniya in love. Sa iyo. Pero ganoon naman yata talaga, minsan kung sino pa ang akala mo hindi mo magugustuhan sa kaniya pa nahuhulog ang loob mo. Mas gusto ko na ang ganoong klase ng pagmamahal kaysa iyong love na ibinase sa lohika. Mas exciting," sabi pa ni Winnie.
"You are a know-it-all, alam mo ba iyon?" bahagyang amused na sabi ni Jeremy.
Ngumisi si Winnie. "Alam ko."
Bahagyang natawa si Jeremy. Pagkatapos ay dumausdos ang mga kamay ng binata patungo sa mga kamay niyang nasa mukha nito. "Can I kiss you again?"
Matamis na ngumiti si Winnie at kusa nang inilapit ang mukha kay Jeremy. "Kahit ilang beses mo pa gusto," pabulong na sagot niya.
May gumuhit na ngiti sa mga labi ni Jeremy bago nito tinawid ang pagitan ng kanilang mga labi. Pumikit si Winnie at sinalubong ang halik ng binata. Mas malalim at mas mainit ang halik na iyon kaysa kanina na pakiramdam ni Winnie malulunod siya sa labis na sensasyon. Ang katawan ni Jeremy parang may magnet. Kusang humilig ang katawan niya sa katawan nito. Walang pag-aalinlangan na gumanti ng halik si Winnie. At nang pumaikot sa baywang niya ang mga braso ni Jeremy upang lalo pang paglapitin ang mga katawan niya ipinulupot naman ni Winnie ang mga braso sa batok ng binata. They kissed for a long time. Walang pakielam sa oras, walang pakielam sa lugar.
Kapwa nila habol ang paghinga nang sa wakas putulin nila ang halik. Nang tingnan ni Winnie ang mukha ni Jeremy at hindi na iyon masyadong maaninag dahil sa dilim saka lang niya napagtanto na gabi na pala. Mukhang kahit ang binata napansin na ang oras dahil sabay pa silang napalinga-linga sa paligid.
"Inabot na tayo ng gabi. Dapat yata bumalik tayo sa batuhan dahil hindi masyadong mahangin doon. Magkakasakit tayo kung magpapalipas tayo ng gabi dito," sabi ni Jeremy.
"Sige," sagot ni Winnie. Subalit wala sa kanila ang kumilos upang maghiwalay. Nagkatinginan silang dalawa at parehong napangiti. Si Jeremy ang naunang kumilos. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at bantulot na inilayo. Pagkatapos tumayo ni Jeremy ay inilahad nito ang mga kamay upang alalayan naman siyang makatayo. Ginagap ni Winnie ang mga kamay ng binata at nagpahatak patayo. Pagkatapos hawak pa rin ang kamay niya na nagsimulang maglakad si Jeremy patungo sa direksiyon ng batuhan.
Magkayakap na pinalipas nina Jeremy at Winnie ang gabi sa bahaging iyon ng isla. Nakasandig si Winnie sa dibdib ng binata at pinakinggan niya ang tibok ng puso nito. Napapangiti rin si Winnie kapag paminsan-minsan ay hinahalikan ni Jeremy ang tuktok ng ulo niya. Dahil hindi pa sila inaantok pareho nagsimulang magtanong si Winnie nang tungkol sa buhay ni Jeremy at natuwa siya nang walang pagdadalawang isip na sinagot ng binata ang lahat ng tanong niya. Sa labis na tuwa ni Winnie ay nagtanong din si Jeremy tungkol sa kaniya.
Pakiramdam ni Winnie, nasa mga sandaling iyon ang lahat ng pinangarap niyang mamagitan sa kanila ni Jeremy mula pa noong unang beses na magkita sila. Ganoon ba ka-effective ang Suspension Bridge Effect? Pero ngayon nahihiling ni Winnie na sana hindi lang dahil doon kaya hinalikan siya ni Jeremy. Na sana kahit hindi sila napadpad sa isla at akala ng binata ay nasa bingit sila ng panganib ay mahulog ang loob nito sa kaniya.
Marahas na umiling si Winnie habang nakasubsob sa dibdib ni Jeremy upang palisin ang mga alinlangan na iyon. Ngayon pa ba siya magpapadala sa negatibong isipin? Hindi puwede. Isa pa, kung panghahawakan niya ang sinabi ni Gio sa kaniya, ibig sabihin kahit papaano gusto na siya ni Jeremy bago pa man sila mapadpad sa bahaging iyon ng isla. Tama, iyon lang ang dapat niyang isipin.
"Winnie? Anong problema?" biglang tanong ni Jeremy na marahil naramdaman ang pagkabalisa niya. Mabuti na lang madilim na kaya hindi nito makikita ang mukha niya.
"Walang problema. Medyo weird lang pala matulog sa buhanginan," pabirong sagot na lang ni Winnie.
Napasinghap si Winnie nang bigla ay walang kahirap-hirap siyang nabuhat ni Jeremy pakubabaw sa katawan nito. "Then sleep like this," bulong ni Jeremy.
Nakagat ni Winnie ang ibabang labi sa labis na emosyon. Isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito. "Jeremy, I love you."
Humigpit ang yakap ni Jeremy sa kaniya. "Yeah, I know."
Mariing pumikit si Winnie. Hindi pa rin niya naririnig mula sa binata ang mga salitang nais niyang marinig. Subalit sapat na ang mahigpit na yakap nito, sapat na ang mga sinabi ni Jeremy sa kaniya, maging ang mainit na halik nito kanina. At least, ngayong gabi.
BINABASA MO ANG
CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)
RomanceNoon pa man in love na si Winnie kay Jeremy. Hindi niya itinatago ang nararamdaman para sa binata. Kaya lang palagi siya iniiwasan ni Jeremy. Wala tuloy nangyayaring progress sa relasyon nilang dalawa. Kaya nang malaman niya na magbabakasyon sila ng...