Part 9

6.1K 196 4
                                    


MAAGA nagising kinabukasan si Winnie. Iyon ay kahit hindi siya nakatulog masyado nang nagdaang gabi. Pakiramdam kasi niya maghapon siyang iniwasan ni Jeremy kahapon. Bagay na hindi maintindihan ni Winnie. Maganda naman ang mood ng binata noong bagong dating. Pero nang nasa beach na sila at nag swimsuit pa naman siya upang ipakita kay Jeremy umiwas na naman ito sa kaniya. Hanggang hapunan hindi nakita ni Winnie na tumingin sa kaniya ang binata kahit isang beses lang. Pagkatapos ng hapunan hindi rin naman niya nalapitan si Jeremy dahil nag-inuman ito at ang mga kaibigan nito kasama sina Riki, Raiven at Choi.

Napahinga ng malalim si Winnie at nagdesisyong lumabas ng mansiyon suot ang kaniyang sneakers, shorts at t-shirt. Balak niyang maglakad-lakad muna sa likod na bahagi ng mansiyon habang nag-iisip ng susunod na hakbang para magkalapit sila ni Jeremy. Ang sabi kasi ni Lauradia, sa likod daw ang daan kung gusto niyang mag-trekking sa magubat na bahagi ng isla.

Walang nakasalubong na ibang tao si Winnie hanggang makalabas siya sa backdoor sa unang palapag ng mansiyon. "Wow, sosyal," nabulalas niya nang paglabas niya ay nakita niya kung gaano kalawak ang na-develop na espasyo sa likod ng mansiyon. Ilang metro sa kanan ni Winnie ay naroon ang malaking swimming pool. Sa harap niya ay open basketball court at sa bandang kaliwa na pinakamalayo sa kaniya ay ang sumasakop ng pinakamalaking espasyo doon bukod sa swimming pool – ang tennis court.

Tennis reminds her of Jeremy. Kaya walang pagdadalawang isip na nagsimulang maglakad si Winnie patungo sa direksiyon ng tennis court. Hindi siya marunong maglaro niyon pero mula nang makilala niya si Jeremy ginusto na niya matuto. Hindi pa nga lang siya nakakahanap ng oras at ng magtuturo sa kaniya.

Malapit na siya roon nang marinig ni Winnie ang tunog ng tumatalbog na bola. Sumikdo ang puso niya dahil napagtanto niya na may tao sa tennis court. Napabilis ang lakad ni Winnie palapit sa pinanggagalingan ng tunog na iyon dahil gumagana ang radar niya na para lamang sa isang tao. Nakumpirma niya ang hinala nang makita niya sa isang panig si Jeremy na paulit-ulit na nagpapatalbog ng bola sa pader na halatang itinayo roon para sa gustong maglaro ng tennis ng mag-isa.

Huminto sa paglalakad si Winnie at pinagmasdan ang nakatalikod na si Jeremy habang naglalaro ito. Nakatennis outfit at tennis shoes pa ang binata. Basang basa na rin ito ng pawis patunay na kanina pa naglalaro doon si Jeremy.

He really loves tennis. May kumurot na sakit sa puso ni Winnie nang maalala ang na-research niya tungkol sa injury ni Jeremy na dahilan kaya hindi na sumali sa mga kompetisyon ang binata. Pumasok sa screened gate si Winnie para mas makalapit kay Jeremy. Mukhang naramdaman agad ng binata na may ibang presensiya sa tennis court dahil tumigil ito sa paghabol sa bola na tumalbog mula sa pader at lumingon sa direksyon niya.

"Winnie?" manghang bulalas ni Jeremy at biglang tumingin sa wristwatch na suot nito. "Mag-a-alas sais pa lang ng umaga. Anong ginagawa mo rito?"

"Normal sa akin na gising ako ng ganitong oras. Sa araw ako tulog. Ikaw bakit ang aga mong nandito? Mag-isa ka pa," sagot ni Winnie na naglakad pa palapit sa binata. Medyo nakaramdam siya ng tuwa na hindi tulad kahapon tinitingnan na siya ni Jeremy.

Tuluyang humarap sa kaniya si Jeremy at lalong napagtanto ni Winnie kung gaano katindi ang pawis nito. "Gaano katagal ka na naglalaro mag-isa dito? Sobrang tindi ng pawis mo," sabi niya.

"Ah. An hour ago," sagot ni Jeremy. Inangat ni Jeremy ang laylayan ng t-shirt na suot nito at pinunasan ang pawis sa mukha. Umangat tuloy iyon at na-exposed ang flat na tiyan ng binata na hindi nakita ni Winnie kahapon dahil ayaw ni Jeremy makisali sa paliligo nila sa dagat. Sumikdo ang puso niya at tila may nagliparang paru-paro sa sikmura niya sa kaniyang nakikita. May six-pack abs si Jeremy!

Kinailangang ikuyom ni Winnie ang mga kamay upang pigilan ang bugso ng damdamin niyang lapitan ang binata at hawakan ito. Sa ibang pagkakataon ay hindi magpipigil si Winnie. After all, mas gusto niyang ipinapakita ang nararamdaman niya kaysa kimkimin iyon. Kaya lang, baka mailang na naman si Jeremy at hindi na naman siya pansinin maghapon kapag ginawa niya iyon. Kaya nagdesisyon si Winnie na medyo magpigil. Ngayon lang naman.

"Winnie," may pananaway na tawag ni Jeremy sa kaniya.

Napakurap si Winnie at noon lang napagtanto na titig na titig siya sa katawan ng binata. Nang mag-angat siya ng tingin nagtama ang mga mata nila ni Jeremy. Tumikhim si Winnie at ngumiti. "Nag-e-enjoy ka ba na mag-isa ka naglalaro dito?"

Nagkibit balikat si Jeremy at binitawan ang laylayan ng t-shirt. Pagkatapos nag-iwas na ng tingin sa kaniya ang binata at naglabas ng isa pang tennis ball sa bulsa ng shorts nito at humarap na sa pader. "Hindi mahalaga kung may kalaro ako o wala. I just want to hit some balls," sagot ni Jeremy.

Nagsimula na naman itong magpatalbog ng bola sa pader ng paulit-ulit. Lampas isang minuto na hindi nagsalita si Winnie at pinanood lamang ang binata. His playing form is beautiful. Hindi niya maiwasang humanga. Iyon lang, wala si Jeremy ng intensidad at puwersa na mayroon si Riki at ang iba pang professional tennis player. Bumaba ang tingin ni Winnie sa kanang tuhod ng binata at muling nakaramdam ng kirot sa puso niya.

"Kung hindi ka nagkaroon ng injury sigurado ako na nakakalaban mo si Riki sa US Open, Wimbledon at kung saan-saan pang tennis matches. Baka ikaw pa ang nasa final match noong nakaraan," sabi ni Winnie.

Hindi naabot ng raketa ni Jeremy ang bola at gulat na napalingon sa kaniya ang binata. "Paano mo nalaman – no, wait. Of course you will know. Imposibleng hindi mo malaman ang tungkol sa nakaraan ko. Isa ka pa ring news writer," pabuntong hiningang sabi ni Jeremy.

Humakbang si Winnie palapit sa binata. "Gusto ko lang malaman ang lahat ng tungkol sa iyo kasi gusto kita."

Napailing si Jeremy at pagak na natawa. "You must find me pathetic. Nagpipilit maglaro dito dahil hindi na ako puwede sa world scene."

Kumunot ang noo ni Winnie. "Of course not. Anong masama na gawin ang gusto mong gawin? You love tennis right? Patunay niyon ang pagiging manager mo sa isang tennis player para mapalapit ka pa rin sa sports na gusto mo. At noong finals, kahit seryoso ang ekspresyon sa mukha mo at sandali lang kita nakita sa telebisyon, alam ko na mas masakit para sa iyo ang pagkatalo ni Riki. I also know that it made you want to play. Kaya ka nandito ngayon hindi ba?"

Natigilan si Jeremy at matiim na napatitig kay Winnie. May kumislap na kung anong emosyon sa mga mata ng binata na nagpabilis sa tibok ng puso niya. Binuhay niyon ang pag-asa sa loob niya na baka kahit papaano lumalambot na rin ang puso ni Jeremy para sa kaniya. Subalit sandali lamang ay nag-iwas na ng tingin ang binata. May nakapang pagkadismaya si Winnie. Ngunit sandali lamang iyon dahil bigla nang nagsalitang muli si Jeremy.

"Palagi kong pagsisisihan na hindi na ako makakapaglaro sa mga competition. I love my job right now, but I will always regret not playing." Dinig nga ni Winnie ang pagsisisi sa tinig ni Jeremy. Pagkatapos ay umiling ang binata at huminga ng malalim. "Hindi ko alam kung bakit sinasabi ko ito sa iyo," tila mas sarili ang kausap na dugtong nito.

Muli humakbang palapit si Winnie sa binata. Isang metro na lamang ang layo nila sa isa't isa. "Of course you have regrets. Kung wala ka ni isang pingsisisihan at pinanghihinayangan sa sarili mo, hinid ka tao. Every human being has a weakness deep inside them," sabi ni Winnie.

CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon