HINDI mapalis-palis ang matamis na ngiti sa mga labi ni Winnie habang nasa sasakyan sila patungo sa hotel kung saan gaganapin ang welcome party ni Riki at kung saan sila nag-check-in nina Ailyn bago sila nagtungo sa airport. Katabi kasi niya sa back seat si Jeremy. Si Ailyn kasi ang nagmamaneho kaya sa harap nakaupo si Riki. Sina Raiven at Choi naman ay may kani-kaniyang sasakyan. Kaya silang dalawa lamang ni Jeremy sa backseat.
Sinulyapan ni Winnie ang binata na nakatutok ang tingin sa labas ng bintana. Mula pa nang pumasok sila sa sasakyan nakatutok na ang tingin ni Jeremy sa labas. Nakasiksik din ito sa pinto kahit na maluwag naman sa backseat.
Iniiwasan ako, naisip ni Winnie. Sumobra yata para kay Jeremy ang ginawa niyang pagyakap dito kanina. Kasi naman, hindi niya napigilan. Iba pa rin pala talaga kapag personal mong nakikita ang taong mahal mo. Iba sa araw-araw na panonood ng video ni Jeremy. Mas guwapo ang binata sa personal. Kapag nakikita ni Winnie ang seryosong mukha ni Jeremy sa personal gustong gusto niyang hawakan ang gilid ng mga labi ng binata at iangat ang mga iyon para ngumiti ito. At kanina, hindi siya nakatiis na niyakap si Jeremy ng mahigpit. Kaya yata hindi siya tinitingnan ngayon ng binata. May pagkamahiyain kasi, hagikhik ni Winnie sa isip.
Nang hindi na nakatiis si Winnie ay umusod siya ng upo palapit kay Jeremy. Naramdaman niya nang mapaigtad ang binata nang isang pulgada na lang ang pagitan nilang dalawa. Sumilip din si Winnie sa labas ng bintana na tinitingnan ni Jeremy kaya dumikit ang katawan niya sa tagiliran ni Jeremy. Natensiyon ang buong katawan ng binata. "Ano bang tinitingnan mo sa labas?" tanong niya.
Sa gulat ni Winnie at mukhang maging ni Jeremy, biglang tumawa ng malakas si Riki at Ailyn. Sabay pa silang napatingin sa mag-asawa.
"Huwag mo masyadong kulitin si Jeremy, Winnie. Kailangan niyang maging alerto sa party mamaya. Look, he looks tired already. After the party, you can do whatever you want with him," pabirong sabi ni Riki.
Parang pumalakpak ang mga tainga ni Winnie sa sinabi ng lalaki. Napangiti siya. Mukhang kakampi rin niya si Riki. Nagtama ang mga mata nina Winnie at Ailyn sa rearview mirror. Ngumisi ang kaibigan niya kaya napangisi na rin si Winnie.
"Riki," matalim na sabi ni Jeremy. Nang tingnan ni Winnie ang mukha nito nagbabanta ang tinging ipinupukol ni Jeremy kay Riki.
"Sige na nga," sabi na lang ni Winnie. Hindi bale, sa private welcome party na pinlano nila ni Ailyn ay magkakaroon siya ng mas maraming oras kasama si Jeremy. Pilya nang nakangiti si Winnie nang bumaba ang tingin sa kaniya ni Jeremy.
"Bakit ganiyan ka makangiti?" tila kabadong tanong ni Jeremy.
Napangisi si Winnie. "Secret." Iyon lang at lumayo na siya sa binata para makapag-relax na ito. Ang kaso lalong nagmukhang hindi komportable si Jeremy at kunot ang noong nanatiling nakatingin sa kaniya. Nagkunwari na lang si Winnie na hindi napapansin iyon. Kapag kasi sinalubong niya ang tingin ni Jeremy madadaldal na naman niya ito.
TAWA ng tawa sina Lauradia at Lorie nang walang pakundangang ilahad ni Ailyn sa dalawa ang mga nangyari sa pagitan nina Winnie at Jeremy mula sa airport hanggang pabalik ng hotel.
"Sana pala sumama ako para nakita ko ang hitsura ni Jeremy. Minsan kasi hindi rin ako mapakali na palaging seryoso ang mukha ng lalaking iyon," amused na komento ni Lauradia.
Tumango-tango si Winnie. "Naiintindihan ko ang sinasabi mo. Madalas gusto kong hawakan ang mukha niya para ako na lang mismo ang magbabago ng facial expression niya. Kahit anong gawin ko hindi ko pa siya napapangiti," hinaing niya.
"At least, naapektuhan mo siya. Hindi nga lang sa paraang gusto mo. Sa ngayon," nakangiting sabi ni Ailyn.
"Kung ganoon dapat magpaganda ka ng todo ngayong gabi para sa party Winnie. Surprise attack lang ang katapat niyang si Jeremy," pilyang ngiti ni Lorie.
Napangisi si Winnie. "Masuwerte akong kayong tatlo ang naging kakampi ko."
Gumanti ng ngiti ang tatlong babae. "Ang mga masasayang babae, dapat lang na ipinapakalat ang kasiyahan nila. Iyan ang kapangyarihan ng pag-ibig," biro ni Lorie.
Si Ailyn naman ay hinatak patayo si Winnie. "Magbihis na tayo. Parating na ang hairdresser at make-up artist. Magpapaganda tayo ng husto. Lalo ka na, Winnie. Maraming babae sa party. Dapat maipakita mo sa kanila na taken na si Jeremy."
Natigilan si Winnie. Oo nga pala. Imposibleng siya lang ang may gusto kay Jeremy. Tama si Ailyn. She must stake her claim. Mas naging determinado si Winnie. "Okay. Let's do this!"
Isang oras ang nakalilipas, dumating sina Raiven at Choi upang sunduin ang apat na babae. Matapos purihin ang kani-kaniyang asawa napunta kay Winnie ang atensiyon ng magkapatid. Halata sa mukha ng dalawa ang pagkagulat.
"Whoa, is that you, Winnie?" manghang tanong ni Choi.
Tumawa sina Lorie at Ailyn. "Ayos ba?" tanong ni Ailyn.
Nag thumbs up si Choi. Si Raiven naman ay nakangiting tumango. "Well, this is not really a surprise. Pero sigurado akong may magugulat na makita kang ganiyan ang ayos, Winnie."
Napangiti na rin si Winnie. "Kung ganoon, sulit naman pala kahit pakiramdam ko nangangapal ang mukha ko sa make-up at pakiramdam ko kaunting kilos ko lang mahuhubaran na ako sa dress na suot ko," sabi niya. Tube kasi ang pink dress na pinasuot sa kaniya nina Lauradia. At wala siyang bra sa loob dahil babakat daw sa tela ng bestida. Mahaba naman ang laylayan niyon, hanggang sakong. Ang kaso ang taas naman ng slit sa isang hita niya.
"Maganda ka. Promise. Tara na," susog ni Ailyn.
Siyempre kapag sinabi ng kaibigan niya maniniwala talaga si Winnie. Kompiyansa na siya sa sarili nang magtungo sila sa pavilion ng hotel kung saan ginaganap ang welcome party ni Riki.
Marami nang tao roon. Subalit kahit ganoon, tila may natural na Global Positioning System na nakakonekta kay Jeremy na napunta agad sa binata ang tingin ni Winnie. Nakatalikod si Jeremy at abala sa pakikipag-usap sa ilang lalaki at babae sa isang panig ng pavilion subalit nakilala kaagad ni Winnie ang binata. Ilang pulgada mula kay Jeremy, nakatayo si Riki at nakikipag-usap sa mga matatandang lalaki.
"Nasaan sila?" tanong ni Choi na iginagala ang tingin sa paligid.
"Nandoon," turo ni Winnie. Sinundan kaagad ng mga ito ang itinuro ni Winnie.
"Wow. That was fast," bilib na komento ni Raiven.
Matamis na ngumiti si Winnie sa lalaki. "Kayang kaya kong makita si Jeremy kahit nasaan pa siya basta nasa iisang lugar kami."
Natawa ang mga ito bago naglakad palapit kina Riki at Jeremy. Si Winnie sa huli nakatutok ang atensiyon habang naglalakad palapit. May pakiramdam siyang naramdaman ni Jeremy ang paglapit niya dahil napaderetso ng tayo ang binata ilang metro pa lamang ang layo nila rito. Pagkatapos marahang lumingon sa direksiyon nila ang binata. Dahil titig na titig si Winnie kay Jeremy nagtama ang mga mata nila nang mapunta sa kaniya ang tingin nito. Napangiti siya nang makita ang pagkamangha sa mukha ng binata nang tila matingnan siyang mabuti.
Huminto si Winnie sa harap ni Jeremy. Tuluyan na itong tumalikod sa mga kausap nito. Tumamis ang ngiti niya. "Hindi na neon pink ang suot ko ngayon ha? Wala ka nang palusot kung bakit titig na titig ka sa akin ngayon," biro niya.
Napakurap si Jeremy at tumikhim. Lalong lumapit si Winnie sa binata. "How do I look?" nakangiti pa ring tanong niya at hinuli ang tingin nito.
Muli tumikhim lang si Jeremy at nag-iwas ng tingin. "You look okay," sabi lang nito.
BINABASA MO ANG
CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)
RomanceNoon pa man in love na si Winnie kay Jeremy. Hindi niya itinatago ang nararamdaman para sa binata. Kaya lang palagi siya iniiwasan ni Jeremy. Wala tuloy nangyayaring progress sa relasyon nilang dalawa. Kaya nang malaman niya na magbabakasyon sila ng...