HAHALIKAN niya ako! Tili ni Winnie sa isip niya habang nakatitig sa mga mata ni Jeremy. Ni hindi niya namalayan na ga hibla na lamang pala ang layo ng mukha nila sa isa't isa. Abala kasi sa pag-iisip si Winnie dahil sa hindi niya inaasahang pagbuhos ng malakas na ulan.
Ito na ba ang pinakahihintay niyang sandali? Akala niya kanina, ubod na siya ng suwerte na nagawa niyang yakapin ng mahigpit si Jeremy. Akala ni Winnie, maaari na siyang himatayin na nakita niya nang malapitan ang hubad na katawan ng binata. Subalit ngayon, na nakikita niya ang kislap na iyon sa mga mata ni Jeremy, pakiramdam ni Winnie kakapusin na siya ng paghinga. Bigla ring nanuyo ang mga labi niya. She wet her lips with her tongue in anticipation. Nakita ni Winnie na bumaba sa mga labi niya ang tingin ni Jeremy at lalong nagwala ang puso niya.
Hahalikan niya talaga ako. At dahil siyempre gusto rin naman ni Winnie na mangyari iyon siya na ang kusang kumilos upang lalong magkalapit ang mga mukha nila ni Jeremy. Subalit ilang hibla na lamang ang layo ng mga labi nito sa kaniya biglang kumidlat at kumulog ng malakas. Pareho silang napaigtad. Si Jeremy tila natauhang mabilis na lumayo. Si Winnie naman ay frustrated na napapikit at napayuko.
Nawala ang mahika ng sandali. Hindi natuloy ang pinakahihintay niyang unang halik mula sa lalaking mahal niya.
Istorbo talaga ang masamang panahon na ito, gigil na naisip ni Winnie.
Tumikhim si Jeremy. "Kapag tumila ang ulan, mag-iikot ako sa isla na ito para malaman ko kung gaano tayo kalayo sa isla ni Raiven. Kapag hindi tayo nakabalik kaagad sigurado ako na gagawa sila ng paraan para hanapin tayo."
Noon napadilat si Winnie at bumalik sa huwisyo. Oo nga pala. Muntik na niyang makalimutan ang plano niya na nagkagulo-gulo dahil sa biglang pagsama ng panahon. Subalit kahit ganoon napadpad pa rin sila sa isang isla. Iyon naman talaga kasi ang plano ni Winnie; ang mapagpad sila ni Jeremy sa isang isla at magkaroon ng pagkakataong makapagsolo na hindi alam ng binata kung may tiyansang mailigtas sila. Suspension Bridge Effect ang tawag doon. Marami nang nabasa at napanood si Winnie na nahulog ang loob ng isang tao sa opposite sex kapag nasa bingit ng panganib.
Nakita na nga niya ang ebidensiya, muntik na siya halikan ni Jeremy. Mas mahaba pang oras ma-i-inlove na talaga sa kaniya ang binata. Dahil kung tama ang sinabi ni Lauradia kay Winnie tungkol sa lokasyon ng isla nito at ni Raiven, malaki ang posibilidad na wala silang dapat ipag-alala ni Jeremy. Pero siyempre hindi niya muna iyon sasabihin sa binata. Gusto niya pang mapag-solo sila kahit isang gabi lang. Baka sa susunod matuloy na ang first kiss nilang dalawa. At ang katotohanang tinangka siyang halikan ni Jeremy ay patunay na kahit papaano nahuhulog na rin ang loob nito sa kaniya. Lihim na napangiti si Winnie.
"Ako na lang ang mag-iikot mamaya sa isla," sabi niya.
Kunot noong bumaling sa kaniya si Jeremy. "No. Dito ka lang. Hindi natin alam kung ano ang mayroon sa isla na ito. Ayokong mapahamak ka."
Marahas na umiling si Winnie. "Ako ang may kasalanan kaya tayo napagpad dito. Ako ang mag-iikot."
"Winnie – "
"Please, Jeremy. Hayaan mong gawin ko ito. Ikaw na lang ang maghintay sa dalampasigan para kung sakaling may mapadaang bangka makikita nila na may tao. Magiging okay ako. Sanay ako sa mga isla," pakiusap ni Winnie. Sinalubong niya ang mga mata ni Jeremy at nagpaawa para pagbigyan siya nito. After all, hindi puwedeng malaman ni Jeremy ang katotohanan sa likod ng isla kung nasaan sila ngayon.
"Anong ibig mong sabihin na sanay ka sa isla?" takang tanong ni Jeremy.
Napakurap si Winnie dahil hindi niya inaasahang iyon ang sasabihin ni Jeremy. Kahit kailan kasi hindi nagkainteres ang lalaki na magtanong tungkol sa kaniya. Ngayon lang. "Lumaki ako sa tabing dagat. Ang laro sa aming mga bata noon ay magbangka patungo sa iba't ibang mga isla. Pero noong nag college ako sa maynila na ako tumira. Hanggang ngayon na matanda na ako," sagot ni Winnie.
Halatang nagulat si Jeremy sa inamin niya. "Kaya alam mo kung paano magpatakbo ng bangka. At sinabi mo na hindi ka marunong lumangoy kahit marunong ka naman pala."
Ngumisi si Winnie. "Kasi hindi ka sasakay kapag hindi ko iyon sinabi sa iyo. Kahit mukha kang masungit, alam ko na hindi mo matitiis ang kahit na sinong nasa bingit ng alanganin Jeremy. Kasi mabait ka."
Natigilan si Jeremy at napatitig lamang kay Winnie. May kumislap sa mga mata nito na bago pa niya mabasa ay nawala na. Bumuntong hininga si Jeremy at sumandal sa batong nasa likuran nila. "Fine. Ako ang maghihintay sa rescue natin kapag tumila na ang ulan. Basta mag-iingat ka at sumigaw ka lang kapag may nangyari. Kahit saan pang panig ka naroon, tatakbo ako para tulungan ka."
Si Winnie naman ang napatitig kay Jeremy. Naramdaman niya ang pagliliparan ng mga paru-paro sa sikmura niya. Ngumiti siya at humilig sa balikat nito. Napaigtad si Jeremy subalit hindi kumilos palayo. Lalong lumawak ang ngiti ni Winnie at ipinikit ang mga mata. Malamig sa paligid, subalit sa puso niya ay parang may mainit na kamay na humahaplos. Because this is the first time that Winnie has been this close to Jeremy. Hindi lamang sa pisikal na paraan kundi maging ang emotional at mental closeness nila sa mga sandaling iyon. Kung maaari siyang maging ganoon kalapit sa binata habambuhay, mas magiging masaya siya.
BINABASA MO ANG
CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)
RomanceNoon pa man in love na si Winnie kay Jeremy. Hindi niya itinatago ang nararamdaman para sa binata. Kaya lang palagi siya iniiwasan ni Jeremy. Wala tuloy nangyayaring progress sa relasyon nilang dalawa. Kaya nang malaman niya na magbabakasyon sila ng...