MALIWANAG na ang paligid nang magising si Winnie. Nakahiga pa rin siya sa katawan ni Jeremy na payapang natutulog. Napangiti siya at ilang sandaling pinagmasdan ang natutulog na mukha ni Jeremy bago maingat na umalis sa pagkakahiga sa katawan nito. Ayaw pa niyang magising ang binata dahil balak ni Winnie na bumalik sa puno kung saan nakatago ang walkie-talkie. Napagtanto kasi niya na kailangan talaga niyang kontakin sina Ailyn para malaman din niya kung anong oras darating kunwari ang kanilang rescue.
Muling napatingin si Winnie kay Jeremy nang nakatayo na siya. Bigla na naman siyang kinutkot ng guilt. Kapag nalaman ni Jeremy na pinlano niya talagang mapadpad sila sa isang isla at magkunwaring sila lang dalawa ang tao roon, ano kaya ang magiging reaksiyon nito?
Hindi niya dapat malaman. Marahas na umiling si Winnie at tinapunan ng huling tingin si Jeremy bago siya lumabas mula sa batuhan. Nag-inat siya at nilanghap ang hangin nang makalabas siya. Maaliwalas na ang langit na para bang hindi lang umulan ng malakas kahapon.
"Gusto ko pa sanang tumagal rito kaso hindi puwede," usal niya sa sarili. Pagkatapos naglakad si Winnie patungo sa magubat na bahagi ilang metro ang layo sa batuhan kung nasaan si Jeremy. Ilang minuto lang nakita na uli niya ang pataas na daan patungo sa malaking puno kung nasaan ang mga prutas at ang walkie-talkie.
Agad na kinuha ni Winnie ang walkie-talkie nang makalapit siya sa puno at binuksan iyon. Napaigtad pa siya nang tumunog iyon at marinig niya ang distorted na boses ng kung sino sa kabilang linya.
"Hello? Hello? Winnie, naririnig mo ba ako?" ani tinig sa walkie-talkie.
"Ailyn? Ikaw ba iyan?" sagot ni Winnie nang sa kabila ng choppy na linya ay makilala niya ang boses ng kaibigan.
"Oo," bakas ang relief sa tinig ni Ailyn.
"Oh, my God. Sa wakas sumagot ka na rin Winnie. Kasama mo ba si Jeremy?" tanong naman nang isa pang tinig. Hindi lang niya malaman kung si Lorie ba iyon o si Lauradia.
Lalo tuloy nakonsiyensiya si Winnie dahil pinag-alala niya ng husto ang mga kaibigan niya. "Kasama ko siya pero nasa dalampasigan siya. Ako lang ang nagpunta rito. Sorry pinag-alala ko kayo. Pero okay kami. Mabuti na lang kahit umulan ng malakas kahapon napagpad pa rin kami sa isla gaya ng plano ko. Anong oras niyo kami ililigtas?" sagot ni Winnie.
"Papunta na kami diyan. We are travelling by land dahil hindi kami sigurado kung nandiyan ba kayo o wala. In fact, malapit na kami sa lokasyon mo, Winnie. You really have a lot of explaining to do," tinig iyon ng lalaki na sigurado siyang si Raiven.
Napangiwi si Winnie. Na napalitan ng pagkataranta nang mag-angat siya ng tingin at mula sa posisyon niya ay matanaw niya ang sasakyan na bumibiyahe patungo sa direksiyon niya. Ni hindi nasabi ni Lauradia na may deretsong daan pala mula sa mansiyon patungo sa bahaging iyon ng isla! Akala niya sa magubat na bahagi lamang sa likod ng mansiyon ang daan papunta sa kung nasaan siya ngayon.
Mabilis na napatayo si Winnie. "Saka na tayo mag-usap. Babalik na ako kay Jeremy. Please, Raiven, huwag mo akong pagagalitan sa harap niya ha? Ayokong malaman niya na plano ko talagang mapadpad kami sa walang katao-taong isla para makapagsolo kaming dalawa. Hindi niya kailangan malaman ang –"
Napahinto sa pagsasalita si Winnie nang may marinig siyang kaluskos mula sa likuran niya. Mabilis na bumaling siya roon. Namilog ang mga mata ni Winnie at nabitawan niya ang walkie-talkie nang makita si Jeremy. Bakas ang magkapamangha sa mukha ng binata at nanlamig ang buong katawan ni Winnie. Dahil nakikita niya sa nanunumbat na kislap sa mga mata ni Jeremy na narinig nito ang mga sinabi niya. Sumikip ang dibdib ni Winnie at sa unang pagkakataon ay nablangko ang utak niya at hindi kaagad nakaisip ng kahit anong maaari niyang sabihin.
BINABASA MO ANG
CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)
RomanceNoon pa man in love na si Winnie kay Jeremy. Hindi niya itinatago ang nararamdaman para sa binata. Kaya lang palagi siya iniiwasan ni Jeremy. Wala tuloy nangyayaring progress sa relasyon nilang dalawa. Kaya nang malaman niya na magbabakasyon sila ng...