Part 18

7.7K 216 7
                                    


HINDI na nagawa pang tingnan muli ni Winnie si Jeremy matapos ang naging sagutan nilang dalawa. Katunayan wala siyang matingnan na kahit na sino mula nang makasakay sila ni Jeremy sa sasakyan hanggang makabalik sila sa mansiyon nina Raiven. Mukhang nakaramdam din sina Ailyn na may nangyari sa pagitan nila ni Jeremy dahil hindi rin nagtanong ang mga ito. Kahit si Raiven hindi siya sinermunan.

Pagdating sa mansiyon sinalubong sila ng mga kabarkada nina Riki na mukhang hindi alam ang tungkol sa plano ni Winnie. Halata kasing tunay ang relief sa mukha ng mga ito nang makitang ligtas sila ni Jeremy. Si Megan ay tila maiiyak pa ngang niyakap si Jeremy sa tuwa. Sa gilid ng mga mata ni Winnie nakita niyang gumanti ng yakap ang binata. Kumirot ang puso niya kahit pa sinabi ni Jeremy kagabi na magkaibigan lang ito at si Megan. Marahil dahil ngayon alam ni Winnie na maging siya ay hindi mamahalin ng binata.

Kung ganoon para saan ang mga sinabi ni Jeremy kagabi? Ano ang kahulugan ng mga halik nito? Marahil nadala lang ito ng sitwasyon. At ngayon, mas matindi ang galit ni Jeremy kaysa sa naramdaman nito kagabi. He even told her he doesn't need her love. May dahilan namang magalit ang binata. After all, niloko naman talaga niya ito. Pero ang sakit pa rin na marinig mula sa taong mahal niya na hindi nito kailangan ang magpapamahal niya.

Nag-init ang mga mata ni Winnie. Hindi siya iyakin pero hayun siya, nais pumalahaw ng iyak. Iniwas ni Winnie ang tingin kina Jeremy at mahinang nagpaalam kina Ailyn na pupunta na siya sa silid na gamit niya.

"Sasamahan na kita," mabilis na sagot ni Ailyn.

Walang lakas magprotesta si Winnie kaya tumango na lang siya. Nakita niyang nag-aalalang nagkatinginan sina Lorie at Lauradia kaya pilit na lamang niyang nginitian ang dalawa upang ipaalam na okay lang siya. Kahit ang totoo ay hindi.

Pagkapasok nila sa silid ay napaupo na kaagad sa sahig si Winnie. Niyakap niya ang mga tuhod sa dibdib at isinubsob doon ang mukha. Pagkatapos ay pinakawalan niya ang mga luha na kanina pa niya pinipigilan. "I messed up, Ai. This time, I really messed up," hikbi ni Winnie.

Lumuhod sa tabi niya si Ailyn at niyakap siya. "Narinig namin ang pinag-uusapan ninyo ni Jeremy dahil hindi mo naman napatay ang walkie-talkie. Kaya hindi kami nagtanong nang makalapit kami sa inyo. May punto si Jeremy pero sa tingin ko hindi rin tama ang paraan niya ng pagkakasabi niyon. Nag-alala lang siya masyado para sa kaligtasan ninyong dalawa. Lilipas din ang galit niya, sigurado ako," malumanay na alo ni Ailyn sa kaniya.

Marahas na umiling si Winnie at nagpatuloy sa pag-iyak. "Kahit mawala ang galit niya wala namang maiiba. Hindi pa rin niya ako mamahalin. That's why I decided to give up already. Nagamit ko na lahat ng lakas ng loob at creativity ko para mahulog siya sa akin. Wala na akong energy." Marahas na pinunasan ni Winnie ang mga luha at huminga ng malalim. "Gosh, hindi ko naisip na iiyak ako ng ganito. Wala sa karakter ko," paungol na bulalas ni Winnie.

Malungkot na ngumiti si Ailyn. "Ganiyan talaga kapag na-i-in love at nasasaktan. Normal lang iyan Winnie."

Muling napaiyak si Winnie. "This is why I don't want to be normal." Muli siyang niyakap ni Ailyn. "Gusto ko na bumalik ng maynila. Please, Ai."

"Sige, sasabihin natin kina Raiven na babalik na tayo ng maynila. Ipapahiram niya uli ang chopper sigurado ako," alo ni Ailyn.

Gumanti ng yakap si Winnie at isinubsob ang mukha sa balikat ng kaibigan niya. Alam naman niya umpisa pa lang na hindi magiging madali ang pag-ibig na iyon. Pero buo ang kompiyansa niya noon na madadaan niya sa perseverance si Jeremy. Ngayon napagtanto ni Winnie, na hindi rin pala maganda kung ipinipilit mo ang nararamdaman mo sa isang tao. Na may limitasyon ang maaari mong gawin para sa pag-ibig.

Ngayon alam na niya ang mga iyon. Alam na rin niya na kapag nagawa mo na ang lahat at hindi ka pa rin minahal ng taong mahal mo dapat sumuko ka na lang. Kaya iyon ang gagawin ni Winnie. Kahit masakit. Kahit pakiramdam niya imposible. She will give up on her feelings for Jeremy.

"ANONG problema mo?" pasigaw na tanong ni Riki kay Jeremy nang hindi naabot ng raketa niya ang tennis ball na tinira nito patungo sa kaniya. Hinihingal na napahawak si Jeremy sa mga tuhod niya. Kanina pa sila naglalaro ng tennis ni Riki at kahit siya alam niyang hindi maganda ang kondisyon niya sa araw na iyon.

Katunayan, isang linggo nang wala sa huwisyo si Jeremy. Mula noong araw na iyon sa isla ni Raiven. Aminado siya na magulo ang utak niya nang araw na iyon matapos ang nalaman niyang ginawa ni Winnie. Subalit pagdating din nila sa mansiyon, nang magpaalam ang dalaga na magtutungo na sa silid nito kasama si Ailyn at makita niyang tila iiyak na naman ito ano mang oras ay parang binuhusan ng malamig na tubig si Jeremy. Napagtanto niya na may mali rin siya. Masakit nga ang mga binitawan niyang salita. Because Winnie has been in love with her for such a long time. At lumabas na parang binalewala lamang niya ang damdamin ng dalaga. Kahit pa hinalikan na niya ito nang nagdaang gabi.

Habang nasa sarili niyang silid noon si Jeremy upang mag shower at magbihis iniisip na niya kung paano uli kakausapin ang dalaga. At nang makapagdesisyon siyang lumabas at hanapin si Winnie nalaman ni Jeremy na umalis na raw ito kasama si Ailyn sakay ng chopper. Mula noon wala na siyang balita pa tungkol sa dalaga. Ang tanging naging laman na lang ng isip ni Jeremy ay ang huling mga salitang binitiwan ni Winnie.

"I'm giving up on you now, Jeremy. Sorry uli sa ginawa ko. Pero huli na ito, pangako."

Sumikip ang dibdib niya at wala sa loob na nakuyom niya ang kamao doon. Para siyang kakapusin ng hininga at alam ni Jeremy na hindi iyon dahil sa pagod. Damnit.

"Let's stop this game, Jeremy," malakas na sabi ni Riki.

Dumeretso ng tayo si Jeremy at tumingin sa kaibigan niya na nakalapit na pala sa kaniya. "Hindi ka naman makapag-concentrate sa laro natin. Si Winnie ang iniisip mo hindi ba?" tanong ni Riki.

CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon