"SINO iyon?" marahas na bulong ni Winnie kay Ailyn habang naniningkit ang mga matang nakatingin sa mga bagong dating na kaibigan daw nina Riki at Jeremy. Lima lamang iyon; tatlong lalaki at dalawang babae. Subalit ang dahilan kaya naniningkit ang mga mata ni Winnie ay ang pinakamatangkad at payat sa dalawang babae dahil kasalukuyang kaagapay niyon sa paglalakad si Jeremy.
Hindi lang basta naglalakad ang dalawa, tila masaya pang nag-uusap. Tumatawa ang babae habang si Jeremy ay may munting ngiti sa mga labi. Oo nga at mas malawak ang ngiti ng binata kanina noong silang dalawa lamang. Subalit hindi pa rin gusto ni Winnie na may ibang babae na nakakapagpangiti ng ganoon kay Jeremy.
"Ah. Ang alam ko Megan ang pangalan niyan. Member sa Country Club kung saan miyembro din sina Riki, Jeremy at iyong mga kaibigan nila. Nakakalaro nila ng tennis. Executive din siya ng isa sa mga kumpanyang sponsor ni Riki kaya palaging ka-meeting ni Jeremy. Mukha silang close ha," ganting bulong ni Ailyn.
Napalabi si Winnie at sinulyapan ang kaibigan. "Bakit mo siya inimbitahan?"
"Hindi ko siya inimbita! Ang alam ko sila Gio lang ang pupunta. Baka si Jeremy ang tumawag sa kaniya," sagot ni Ailyn.
Parang may kumurot sa puso ni Winnie sa sinabi ng babae. Mukhang napansin iyon ni Ailyn dahil napangiwi ito. "Joke lang. Hindi naman siguro. Kaso nandiyan na iyan eh."
"Ailyn! Hello," masiglang bati ni Megan na naglakad palapit sa kanilang dalawa. Napatingin sina Winnie at Ailyn sa babae. Nakipag beso si Megan kay Ailyn at nakipagbatian. Ganoon din ang apat na bagong dating.
Si Winnie naman nakatingin kay Jeremy na lumapit rin kasama ng grupo. Tila napansin ng binata ang tingin niya dahil sumulyap ito sa kaniya. Umangat ang mga kilay ni Jeremy. "Bakit ganiyan ka makatingin?"
Naningkit ang mga mata ni Winnie at magsasalita pa lamang nang sikuhin siya ni Ailyn. "This is Winnie, bestfriend ko. Winnie, ipapakilala ko sila sa iyo," sabi pa ng kaibigan niya. Napunta tuloy sa grupo ang tingin ni Winnie. Napansin niya ang matamang tingin ni Megan kahit may ngiti sa mga labi ng babae.
"It's nice to meet you Winnie," sabi pa ni Megan. Pagkatapos bumaling na ang babae kay Jeremy. "Ibababa ko lang ang gamit ko. How about we play a game afterwards? Matagal na tayong hindi nakakapag-tennis. Ang sabi ni Gio nang tawagan ko siya kahapon may tennis court daw dito."
"Sure," mabilis na sagot ni Jeremy.
Marahas na napalingon si Winnie sa binata. Kumikislap pa ang mga mata ni Jeremy na tila nasabik. Pagkatapos ay hindi na tumingin sa kaniya ang binata na umalis na kasama sina Megan. Nanlalaki ang mga matang napasunod na lang ng tingin sina Winnie at Ailyn sa grupo.
"Magaling siya. Alam niya na kapag binanggit mo ang tennis kay Jeremy papayag agad siya. At mukhang si Gio ang umaya kay Megan," puna ni Ailyn.
Napasimangot si Winnie. "Ang daya. Dapat noon pa ako nag-aral mag tennis," maktol niya. Sigurado si Winnie may gusto ang Megan na iyon kay Jeremy. Sa ngayon lamang sa kaniya ang babae dahil marunong ito mag tennis. Paano makakatanggi sa isang tennis game si Jeremy? "Mukhang kailangan ko na talaga gawin ang orihinal kong plano," mahinang usal ni Winnie.
Natigilan si Ailyn. "Sigurado ka? Kapag hindi umayon sa plano mo ang lahat malalaman ni Jeremy at baka magalit siya sa iyo," alanganing sabi ng kaibigan niya.
Humalukipkip si Winnie. "Alam ko iyon. Kaya nga kaninang umaga, naisip ko na huwag na lang ituloy. Kasi maganda naman ang naging pag-uusap namin ni Jeremy. Tinuruan pa niya ako kung paano maglaro ng tennis. Tapos nginitian niya pa ako. Naisip ko na puwede kaming maging malapit na hindi na kailangan ang plano ko. Pero ngayon..." Napatingin si Winnie sa daang tinahak nina Jeremy at Megan. "Ayokong mapunta siya sa iba."
"Paano kung kahit matapos na ang plano mo hindi pa rin siya mahulog sa iyo?" malumanay na tanong ni Ailyn.
Napalingon si Winnie sa kaibigan niya. Seryoso ang ekspresyon sa mukha ni Ailyn. Kumabog ang dibdib ni Winnie sa kaba. "Sa tingin mo hindi siya magkakagusto sa akin?" May bumakas na simpatya sa mukha ni Ailyn at lalo lamang kinabahan si Winnie. "May alam ka ba na hindi mo sinasabi sa akin Ai?"
Napabuntong hininga si Ailyn at kumapit sa braso ni Winnie. "Nasabi sa akin ni Riki dati na constant date ni Jeremy ang Megan na iyon noon pa. Hindi daw napunta sa seryosong relasyon pero madalas daw lumabas ang dalawang iyon noon. Ang sabi ni Riki bukod daw sa Megan na iyon wala nang tumagal na babae sa buhay ni Jeremy," malumanay na paliwanag ng kaibigan niya.
Hindi nakahuma si Winnie at napakagat labi dahil parang may lumamutak sa puso niya sa nalaman niyang iyon. Isa iyong bahagi ng buhay ni Jeremy na hindi niya na-research dahil masyadong pribado. At ngayon parang nagsisisi si Winnie na nalaman niya iyon. Naalog kasi ng kaunti ang kompiyansa niya sa sarili.
"Winnie?" nag-aalalang untag ni Ailyn.
Hinamig ni Winnie ang sarili at pilit na ngumiti. "Okay lang ako. May pag-asa pa ako kasi hindi pa seryoso ang relasyon nilang dalawa. At kapag nalaman ko na wala talagang pag-asa na magustuhan ako ni Jeremy... I will give up on him," sabi niya. Sumikip ang puso niya sa huli niyang sinabi subalit pilit niya iyong binalewala.
Ilang sandaling mataman siyang pinagmasdan ni Ailyn bago bahagyang ngumiti ang babae. "May tiwala ako sa mga desisyon mo sa buhay. Tara na bumalik na tayo sa mansiyon." Tumango si Winnie at umagapay sa paglalakad ni Ailyn.

BINABASA MO ANG
CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)
RomanceNoon pa man in love na si Winnie kay Jeremy. Hindi niya itinatago ang nararamdaman para sa binata. Kaya lang palagi siya iniiwasan ni Jeremy. Wala tuloy nangyayaring progress sa relasyon nilang dalawa. Kaya nang malaman niya na magbabakasyon sila ng...