"TAMA ako ng hinala," nausal ni Winnie sa sarili nang marating niya ang tuktok ng tila bundok na daang tinahak niya mula sa malaking bato na pinagsilungan nila ni Jeremy kanina. Tumila na ang ulan kani-kanina lang at kahit malakas pa rin ang hangin at papadilim na nagpumilit pa rin si Winnie na maglakad-lakad. Kailangan nga kasi niyang kumpirmahin ang lokasyon nila.
At ngayon nasiguro na ni Winnie na wala talaga silang dapat ipag-alala. Dahil mula sa kinatatayuan niya nakikita niya ang mansiyon nina Raiven. Mukha iyong maliit dahil masyadong malayo ang kinatatayuan niya sa bahagi ng isla kung saan nakatayo ang mansiyon. Pero at least, nasa iisang isla pa rin sila.
"Sabagay, ang sabi ni Lauradia ang islang ito lang daw ang isla sa bahaging ito ng dagat. Nagkagulo-gulo pero natupad pa rin ang plano kong dalhin dito si Jeremy kaya okay na rin," ngisi ni Winnie sa sarili. Pagkatapos nagpalinga-linga siya upang hanapin kung saan itinago ng tauhan ni Lauradia ang mga prutas at walkie-talkie na ibinilin niya. Sa batuhan niya unang hinanap ang mga iyon pero hindi niya nakita. Baka sakaling naroon ang mga iyon.
Sandali lang nakita ni Winnie ang hinahanap sa ilalim ng malaking puno na may malalaking ugat. Nakabalot ang mga iyon ng plastic kaya hindi nabasa. Hindi pinansin ni Winnie ang walkie-talkie at kumuha lang ng dalawang buko at hinog na mga mangga para may makain sila ni Jeremy. Pagkatapos ay mabilis na siyang bumalik sa dalampasigan kung saan niya iniwan ang binata.
Naabutan ni Winnie si Jeremy na nakapamaywang at nakatitig sa dagat. Hindi pa rin nito suot ang t-shirt nito. "Jeremy!" tawag niya at tumakbo palapit sa lalaki.
Lumingon si Jeremy at naglakad pasalubong sa kaniya. Bumaba ang tingin nito sa mga prutas na dala niya. "Saan mo nakita ang mga iyan?" tanong nito nang magkaharap na sila.
"Ah, may puno sa dulong bahagi ng isla. Kumuha ako para may makain at mainom tayo habang hinihintay natin ang rescue natin," mabilis na palusot ni Winnie.
Kumunot ang noo ni Jeremy. "Umakyat ka ng puno?"
Muntik na mapangiwi si Winnie. "Hindi, nahulog ang mga ito. Basta ang mahalaga may pagkain tayo, hindi ba?"
Marahang tumango si Jeremy at bumuga ng hangin. Muling tumingin sa dagat ang binata. "Wala pang napapadpad na bangka. Siguro naman hinahanap nila tayo."
Baka hindi. Kasi napag-usapan namin nina Ailyn na kinabukasan na tayo hanapin. Naisip ni Winnie. Pero baka hanapin din sila agad dahil umulan ng malakas. Hindi kasi iyon kasama sa plano ni Winnie. Dapat pala ginamit niya ang walkie-talkie para sabihing ligtas sila.
Napakurap si Winnie nang biglang sumalampak ng upo sa buhanginan si Jeremy. "Maghintay tayo dito. Hindi naman na umuulan," sabi ng binata. Inabot pa ni Jeremy ang isa niyang braso at marahan siyang hinigit paupo sa tabi nito.
Nabitawan ni Winnie ang mga bitbit niya sa harapan nila at ninamnam ang pakiramdam ng init na nagmumula sa balat ni Jeremy. Napatitig siya sa mukha ng lalaki at pakiramdam na naman ni Winnie lumolobo ang puso niya sa labis na pagmamahal. Sana nararamdaman ni Jeremy kahit kalahati lang ng nararamdaman niya para dito. Biglang naalala ni Winnie si Megan at kung gaano kasaya si Jeremy habang kausap ang babae kanina.
"Jeremy," usal niya.
Napatingin din sa kaniya si Jeremy. "Bakit?"
"Gusto mo ba ang Megan na iyon?" prangkang tanong ni Winnie.
Halatang nagulat si Jeremy at ilang sandaling napatitig lang sa mukha niya. Kung dati malamang sinungitan na siya ni Jeremy o kaya ay iiwas. Subalit ngayon hindi binawi ng binata ang tingin kahit bahagyang sumeryoso ang mukha nito. "Magkaibigan lang kami ni Megan."
"But you dated her before, right?" tanong pa ni Winnie.
Napabuga ng hangin si Jeremy. "Sinabi iyan sa iyo ni Ailyn, ano? Noon iyon. Akala namin mag wo-work kami as a couple. Pero kahit ilang date pa ang gawin namin hanggang pagkakaibigan lang ang nararamdaman namin para sa isa't isa."
"Nagsasabi ka ng totoo?" duda pa ring tanong ni Winnie.
"Oo nga. Akala mo may gusto kami sa isa't isa? Kaya pala maghapong masama ang tingin mo sa amin ni Megan."
Namilog ang mga mata ni Winnie. "Napapansin mo ako?"
Umangat ang mga kilay ni Jeremy subalit nahuli niya ang pagsilay ng amused na ngiti sa mga labi nito. "Imposibleng hindi kita mapansin. Masyadong matalim ang tingin mo. Even Megan noticed your deathly stares. Maghapon niya akong kinakantiyawan tungkol sa iyo."
Hindi maalis ni Winnie ang tingin kay Jeremy dahil lumawak na ang ngiti nito. And he is smiling because of her. Para na namang puputok sa saya ang puso niya. "Jeremy, gustong gustong gusto talaga kita, alam mo ba iyon?"
Hindi nakahuma si Jeremy. Subalit wala na ang pagkailang na palaging nakikita ni Winnie dati sa mukha nito. Ngayon mas mukhang mangha ang binata kaysa ilang. Tumingkad ang kulay ng mukha ni Jeremy at iniwas ang mukha sa kaniya. "I know," tanging sagot ng binata.
May nabuhay na pag-asa sa puso ni Winnie sa naging reaksiyon ni Jeremy. "Kahit kaunti ba, gusto mo rin ako?" lakas loob na tanong niya.
Hindi bumaling sa kaniya si Jeremy subalit nakita niyang lalong tumindi ang pamumula ng tainga at leeg ng binata. "Winnie, how can you be so straightforward?" usal nito. His tone is full of wonder rather than frustration.
Hindi na napigilan ni Winnie ang sarili. Lumiyad siya upang mapaharap siya sa mukha ni Jeremy. Mukhang nagulat si Jeremy dahil napaigtad ito at muntik nang matumba kung hindi lamang nito nailapat ang dalawang kamay sa buhanginan. Si Winnie naman nakaluhod sa harapan ng binata. Sinalubong niya ng tingin ang mga mata ni Jeremy.
"Anong masamang maging deretsa pagdating sa nararamdaman ko? Gusto ko lang maging tapat sa sarili ko at sa taong gusto ko. Kapag itinago mo ang nararamdaman mo, kapag pinigilan mo ang sarili mong maramdaman ang mga emosyong nasa puso mo dahil sa kung anu-anong dahilan, hindi ba aksaya lamang iyon ng oras? I love you and I want you to know that," seryosong litanya ni Winnie.
Muli napatitig lang sa kaniya si Jeremy. Napakagat labi si Winnie at pinutol ang eye contact nila. Bahagya siyang yumuko. "Pero siyempre gusto kong masuklian mo ang nararamdaman ko kahit kaunti. Hindi ako selfless na tao. Kapag in love ka, hindi mo maiiwasan maging selfish. Gusto ko sa akin ka lang nakatingin. Gusto ko sa akin ka lang ngumingiti. Kaya nang makita kitang masaya sa tabi ni Megan, sumama ang loob ko. Hirap na hirap ako pangitiin ka tapos siya walang kahirap hirap na nakakausap ka," nakalabing usal ni Winnie.
Noon kumilos si Jeremy. Subalit hindi inaasahan ni Winnie ang ginawa nito. Hinawakan siya ni Jeremy sa batok at hinigit palapit. Nang mag-angat siya ng tingin ilang sentimetro na lamang ang layo ng mukha nila sa isa't isa. Hanggang mangyari ang matagal nang pinaka-aasam ni Winnie. Hinalikan siya ni Jeremy sa mga labi.
Napapikit siya at tila kakapusin ng hininga sa sensasyong dulot ng halik na iyon. Magaan lamang ang pagkakalapat ng mga labi ni Jeremy sa mga labi ni Winnie. Subalit sapat na ang init ng mga labi ng binata at ang hampas ng mainit rin nitong hininga sa mukha niya upang dumaloy ang nakakakiliting kuryente sa buong katawan niya.
Hindi pa nananamnam ni Winnie ang halik na iyon ay marahan nang inilayo ni Jeremy ang mga labi nito sa kaniya. Dumilat si Winnie at nasalubong niya ang titig ni Jeremy. May masuyong emosyong kumikislap sa mga mata ng binata na nagpahigit sa hininga niya. "I get it, already," usal nito. Pagkatapos may sumilay na masuyo ring ngiti sa mga labi ni Jeremy bago nito inilapat ang noo sa noo niya. "I lost. I cannot continue resisting you."
BINABASA MO ANG
CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)
RomanceNoon pa man in love na si Winnie kay Jeremy. Hindi niya itinatago ang nararamdaman para sa binata. Kaya lang palagi siya iniiwasan ni Jeremy. Wala tuloy nangyayaring progress sa relasyon nilang dalawa. Kaya nang malaman niya na magbabakasyon sila ng...