Part 2

8.2K 236 20
                                    

NAPANGITI kaagad si Winnie nang makitang nasa coffee shop na si Ailyn. Ngumiti ang kaibigan niya nang makita siya at kumaway. Kahit napangasawa ni Ailyn ang isa sa pinakamayamang lalaki sa pilipinas ang ayos ng babae ay katulad pa rin noon. Pantalong maong at simpleng blouse. At habang ang ilang customer doon ay tinapunan ng kakaibang tingin si Winnie – sa suot niya sigurado siya – si Ailyn hindi ganoon ang reaksyon nang makita siya.

Agad na nagyakap silang magkaibigan nang makalapit si Winnie.

"Base sa hitsura mo kakatapos mo lang magsulat ano?" nakangiting tanong ni Ailyn nang makaupo na sila pareho at maka-order na ng kape at pagkain.

"Oo. Libre na uli ako ng ilang linggo. At ikaw, kamusta ang security agency?" tanong ni Winnie. Dati kasing bodyguard si Ailyn sa security agency na pagmamay-ari ng tiyuhin nito. Ngayon na hindi na nagtatrabahong bodyguard si Ailyn, ang babae na ang namamahala ng security agency.

"Maganda ang negosyo ngayon. Nagdagdag ako ng agents. At dahil Montemayor na ang apelyido ko ngayon, mas marami na kaming kliyente," sagot ni Ailyn. "Anyway, huwag natin pag-usapan iyan. May mas importante akong sasabihin sa iyo. Kailangan ko ang tulong mo para dito."

Biglang nasundot ang kuryosidad ni Winnie dahil halata ang pagkasabik sa tinig ni Ailyn. "Ano?"

"Gusto kong mag-organize ng welcome home party para kay Riki. Iba sa party na siguradong i-oorganisa ng mga sponsors niya rito sa maynila. Manalo o matalo man siya siguradong magaganap ang party na iyon dahil pasok siya sa finals. Gusto ko ng isa pang party na malalapit na kaibigan lang ang kasama. Parang get-together na rin. Tulungan mo ako mag organize, tutal sabi mo naman libre ka nang ilang linggo," sabi ni Ailyn.

Napaderetso ng upo si Winnie at napangiti. "Siyempre kasama si Jeremy sa mga magiging bisita tama?"

Natawa si Ailyn at tumango. "Oo naman. Hindi puwedeng hindi kasama si Jeremy. Alam ko na namimiss mo na siya," kindat pa ng kaibigan niya.

Ngumisi si Winnie. "Kung ganoon tutulungan kita. Basta tutulungan mo akong masolo si Jeremy as much as possible. Hindi pa ako sinasagot ng lalaking iyon eh." Katunayan, hindi pa nakakapagtapat ng pag-ibig si Winnie sa binata. Hindi kasi siya makahanap ng tiyempo. Pero ngayon sisiguruhin niyang magkaka-moment silang dalawa.

Gumanti ng ngisi si Ailyn. "Huwag ka mag-alala. Tutulungan kita. Suportado kita sa love life mo kasi sinuportahan mo rin ako dati eh."

"Salamat."

"Besides, talagang malaki ang posibilidad na masolo mo si Jeremy. Kasi ang plano ko, sa isla nina Raiven gawin ang party. Nakausap ko na sila ng asawa niya at pumayag sila," imporma ni Ailyn.

Si Raiven Montemayor ay panganay na kapatid ng asawa ni Ailyn na si Riki. Noong ikinasal si Raiven, niregaluhan nito ng isla ang napangasawa nitong si Lauradia.

Bigla may naisip na ideya si Winnie. May sumilay na pilyang ngiti sa kaniyang mga labi. "Tutulungan kita. Pero kapag ako naman ang humingi ng tulong sa plano ko, tutulungan mo rin ako ha? Tapos tutulungan mo ako na kumbinsihin ang iba na tulungan ako. Ayos ba?"

Umangat ang mga kilay ni Ailyn. "Anong plano?"

"Sa susunod ko na sasabihin. Hindi pa pulido eh," ngisi ni Winnie.

Ngumiwi si Ailyn. "Winnie, you're thinking of something crazy again? Nakikita ko sa ngiti mo."

Hindi nagsalita si Winnie subalit makahulugang ngumiti.

CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon