HUMAMPAS ang malalaking alon sa bangka at lalong nabasa sina Jeremy at Winnie. Bukod pa sa katotohanang basang basa na sila ng ulan. Napakadilim sa paligid at napamura si Jeremy sa isip dahil nang igala niya ang tingin ay hindi niya matanaw kung nasaan ang isla ni Raiven dahil pinapalabo ng malakas na ulan, hangin at hampas ng alon ang paligid. Hindi niya alam kung saan direksiyon sila nanggaling. Katunayan nag-aalala si Jeremy na baka palayo pa sila ng palayo sa isla.
Bumaling siya kay Winnie na hindi na nakangiti. Katunayan mukhang natataranta na rin ang dalaga. "Imainobra natin ang bangka pabalik sa kung saan tayo nanggaling," sigaw ni Jeremy upang marinig siya ng dalaga.
"Okay," mabilis na sagot ni Winnie at kinuha ang sagwan. Sa kabila ng pagkataranta sa nangyayari hindi naiwasan ni Jeremy ang mamangha na marunong magsagwan si Winnie. Katunayan sa kabila ng malalakas na hampas ng alon ay naikot ng dalaga pabalik sa direksiyong pinanggalingan nila ang bangka.
Subalit ilang minuto pa lang yata ang lumilipas ay biglang namatay ang motor ng bangka. "Anong nangyari?" manghang bulalas ni Jeremy.
Lumapit si Winnie sa motor at muli iyong sinubukang buhayin subalit umubo lamang ang makina at muling namatay. Nakangiwing tumingin kay Jeremy ang dalaga. "Patay. Ubos na yata ang gasolina."
Namilog ang mga mata ni Jeremy. "Ano? Paano mo nagawang sumakay sa bangka na hindi sinisigurong hindi mamamatay ang motor?"
May bumakas na guilt sa mukha ni Winnie at napayuko. "Hindi ko naman alam na uulan ng ganito," bulong ng dalaga.
Napakapit sila sa bangka nang biglang may dumaang malaking alon at anurin ang bangka pakaliwa. Napamura si Jeremy dahil hindi niya alam kung saan sila madadala ng mga alon. Tiningnan niya si Winnie na mukhang takot na takot na at nanginginig ang mga labi. "Sorry," garalgal na usal nito.
Parang may lumamutak sa puso ni Jeremy. Umiiyak ba si Winnie? Ibubuka pa lamang ni Jeremy ang mga labi upang aluin ang dalaga nang muling humampas ang malaking alon sa kanila. Mas malaki iyon kaysa nauna at tumahip ang dibdib niya nang biglang tumagilid ang bangka. Pagkatapos nakita ni Jeremy na napabitaw si Winnie sa pagkakakapit at nahulog sa dagat.
"Hindi ako marunong lumangoy."
"Winnie!" tarantang sigaw niya. Jeremy felt as if someone is ripping his heart out of his chest. Walang pagdadalawang isip ang sumunod niyang ginawa. Tumalon siya sa dagat upang iligtas ang dalaga.
Hindi alintana ni Jeremy ang masakit na hampas ng alon at ang pananakit ng mga mata niya dahil sa maalat na tubig. Tumatahip ang dibdib niya habang hinahanap si Winnie. Agad naman niyang nakita ang dalaga na lumutang ang ulo ilang metro mula sa kaniya.
"Jeremy?" sigaw ni Winnie na nagpapalinga-linga, tila ba hinahanap rin siya. Lumulutang ang dalaga patunay na marunong ito lumangoy. Iyon ang unang beses na natuwa siyang may nagsinungaling sa kaniya.
Mabilis na lumangoy si Jeremy palapit sa dalaga hanggang makita na siya nito. She stretched out her hand to him. Walang pagdadalawang isip na hinawakan niya ang kamay ni Winnie. Mula hinampas sila ng malalaking alon at nadala na naman sila. Subalit hindi binitiwan ni Jeremy ang kamay ng dalaga.
Hanggang may matanaw si Jeremy mula sa kaliwa. Nabuhayan siya ng pag-asa. Isang isla. "Lumangoy tayo hanggang doon," sigaw niya kay Winnie. Saglit pa lumalangoy na sila palapit sa isla. Medyo nahirapan sila dahil madalas ay inaagos sila ng alon sa kabilang direksiyon subalit sa kalaunan narating din nila ang dalampasigan. Kapwa sila hinihingal nang mapahiga sila sa buhangin. Hindi nila alintana pareho ang malakas pa ring ulan at alon na tumatama sa ibabang bahagi ng katawan nila.
Nilingon ni Jeremy si Winnie na nakadapa sa tabi niya at mariing nakapikit. "Are you alright?" tanong niya.
Iminulat ni Winnie ang mga mata at sinalubong ang tingin ni Jeremy. Sa pagkagulat niya biglang tumawa ng histerikal ang dalaga. "That was crazy! Akala ko sa pelikula lang nangyayari ang nangyari sa atin," bulalas ni Winnie.
BINABASA MO ANG
CRAZY IN PINK (prince's scandal trilogy spin-off)
RomanceNoon pa man in love na si Winnie kay Jeremy. Hindi niya itinatago ang nararamdaman para sa binata. Kaya lang palagi siya iniiwasan ni Jeremy. Wala tuloy nangyayaring progress sa relasyon nilang dalawa. Kaya nang malaman niya na magbabakasyon sila ng...