NAG-INAT-INAT si Yhen nang matapos siya sa duty niya sa coffee shop na pinagtatrabahuhan. Nasa loob na siya ng locker room at naghahanda na para makauwi nang pumasok ang may-ari ng coffee shop na si Ate China. Kapatid ito ng malapit na kaibigan ni Yhen na si France na kaklase niya noong high school. Si France ang tumulong sa kanya para makapasok bilang part-timer sa coffee shop ng ate nito. Malapit at magiliw sa mga empleyado si Ate China at ang huli pa mismo ang nag-insist na iyon na lamang ang itawag dito.
“Yhen, your frequent customer is here,” nakangiting wika ni Ate China. “Alam na alam talaga ng isang iyon kung kailan natatapos ang shift mo. Malaki-laki na rin ang kinikita ng shop ko sa pagtambay niya dito para hintayin ka.”
“Gusto niyang i-try lahat ng flavor ng kape dito, Ate China,” natatawang sagot ni Yhen bago inilapag muna ang mga gamit upang labasin ang kaibigan niya.
“Are you sure that he’s not courting you? Or not yet?” nanunudyong tanong pa nito. Napailing-iling si Yhen. Hindi na yata mabilang ni Yhen kung pang-ilang beses nang tinanong iyon ni Ate China at ng iba pa niyang katrabaho sa kanya. Pero sa tuwina ay pinapasubalian ni Yhen ang bagay na iyon at sasabihin ng mga ito na in-denial siya. Well, wala naman siyang dapat i-deny dahil wala naman silang relasyon ni Rence. Besides, katulad nang lagi niyang binabanggit, hindi niya priority ang lovelife sa ganitong panahon.
Naging kaibigan ni Yhen si Rence dahil frequent customer ito ng Coffee Corner. At tuwina ay siya ang nag-a-accommodate kay Rence dahil tuwing hapon ito nagagawi sa shop. Nang maging magkaibigan sila ni Rence ay inalam nito ang schedule niya at lagi itong pumupunta tuwing naroon siya. At katulad ngayon, hinihintay talaga ni Rence na matapos siya sa kanyang shift upang makapagkuwentuhan sila. Hindi naman abala iyon sa kanya dahil bukod sa mabait ang binata ay masaya pa itong kausap at tila hindi nauubusan ng kuwento kahit pa tatlong beses silang magkita sa isang linggo.
“Hindi po talaga, Ate China. Friends lang,” tugon niya. Kulang na lang ay i-record na ni Yhen ang linyang iyon at iparinig na lamang sa lahat nang magtatanong kung ano ang relasyon nila ni Rence.
“Bakit? Not your type? Rence is a dream guy, Yhen. Gwapo, mabait, mayaman, at hard working,” anito. Alam na iyon ni Ate China dahil nakukwento iyon ni Yhen sa boss niya. Ngumiti siya at hindi umimik. “Ano ba ang tipo mo?”
Bumuntong-hininga si Yhen. Kapag ganitong sinusukol si Yhen ni Ate China ng mga tanong nito ay hindi ito titigil hangga’t hindi siya nagbibigay ng sagot. “Ate China, madalas talaga may standards ang babae sa pagpili nang magugustuhan nila. Dream guy. Pero sa realidad, kung ano pa ang standard na wala sa listahan nila, iyon ang pinipili nilang mahalin. Kaya hindi talaga ako nagbabase sa mga ganoon,” sagot ni Yhen. Sa panahon ngayon, mahirap nang umasa sa dream guy. Kaya nga lahat ng dream guy niya, nag-e-exist lang sa mga libro at pelikula.
“O…kay,” dahan-dahang tumango si Ate China na halatang ina-absorb pa ang mga sinabi niya. “Alright. Ito na lang, ano’ng klase ng tao ang palagay mong magugustuhan mo?” hindi sumusukong pang-iintriga ni Ate China.
Natawa siya. “Iyong katulad po ng papa ko. Iyong mamahalin ako at kayang sumugal para sa aming dalawa. Iyong kahit maging mahirap man ang lahat, hindi susuko. Iyong hindi ako ipagpapalit sa ibang bagay. Iyong mukhang matapang pero ako ang kahinaan. Iyong—“
Iyong may dimples. Iyong may singkit na mga mata. Iyong tinatanggap ang mga kahihiyan mo. Iyong mag-aalaga rin kay Pretty. Iyong hindi nagsasara ng bintana kapag naghuhubad ng pang-itaas. Iyong bago niyong kapit-bahay. Iyong half-Japanese-
What the fudge? Agad na ipinilig ni Yhen nang biglang sumingit ang isang bahagi ng utak niya at biglang lumitaw sa kanyang isip ang mukha ni Yuki.
“Iyong ano pa?” untag ni Ate China.
Alanganin siyang ngumiti. “Ayun na,” aniya dahil baka kung anu-ano na naman ang pumasok sa isip. “Friends lang kami ni Rence. At alam niya rin 'yon.”
BINABASA MO ANG
Girlfriends 3: Right Here, Right Now (To Be Published Under PHR)
RomanceFive years ago, love was not one of Yhen's priorities. Para sa kanya, darating ang bagay na iyon sa tamang oras kaya hindi niya kailangang magmadali. Mas marami pa siyang bagay na dapat pagtuunan ng pansin kaysa problemahin ang lovelife niya. She be...