Chapter Three

1K 33 4
                                    

“SO… what’s the score between you and my cousin? ”

Natigil sa pagsimsim ng milk tea si Yhen nang marinig ang pag-uusisa ni Cloe. Matapos magkapirmahan ng kontrata para sa Wear It!— ang international clothing line na i-e-endorse nilang magkaibigan—ay dumiretso sila ni Cloe sa SweeTea upang maglamyerda. Iyon ang paborito nilang tambayang magkakaibigan dahil bukod sa walking distance lang mula sa Rising Star office ay sarap na sarap siya sa timpla ng milk tea at iba’t-ibang flavor ng cake doon.

“Schoolmates nga kami noong college. Nasabi ko na sa’yo kanina, 'di ba?” nababagot na tugon niya. As much as possible, ayaw nang pag-usapan ni Yhen ang naging encounter nila ni Yuki kanina. Pero alam niyang imposible 'yon dahil siguradong hindi siya tatantanan ni Cloe lalo pa’t narinig nito ang sinabi ni Yuki kanina bago ito umalis. Nang bumiyahe nga sila kaninang dalawa patungong opisina ay wala itong ginawa kundi ang magtanong na pinili niyang hindi sagutin. But knowing her friend, she won’t stop until she get every piece of detail from her.

“It didn’t look like it,” naniningkit na wika nito. “Alam mo 'yon, ramdam na ramdam ko ang bigat ng tensyon kanina sa loob ng sasakyan. Hindi mo ba nakita kung paano ka tingnan ni Yuki kanina? Parang gusto ka niyang yakapin at halikan. Kabaliktaran ng sa iyo na parang gusto mo siyang patayin ng mga tingin mo. Ano ba’ng mayroon? May naging past ba kayo o—“

Natigil si Cloe sa pagsasalita kasabay nang panlalaki ng mga mata nito at pagtutop sa bibig. Napapiksi siya sa gulat nang ihampas ni Cloe sa lamesa ang mga kamay nito dahilan para mapalingon sa kanila ang ibang costumer.

“Bakit?”

“Oh my God! Oh my God! Oh my God!” tili ni Cloe habang pinapaypayan ng dalawang kamay ang mukha.

Tumaas ang isang kilay niya. “Hinaan mo nga ‘yang boses mo! May sapi ka ba?” nawi-weirdohang tanong ni Yhen sa kaibigan.

“You’re that YV! Ikaw 'yon! It stands for Yhen Verdadero!” malakas na wika ni Cloe na animo’y ang sinabi nito ang solusyon sa lahat nang nangyayaring kaguluhan sa mundo. Naitirik niya ang mga mata. Minsan ay nauuna talaga ang pagiging OA ng mga kaibigan niya bago ipaintindi sa kanya ang pinagsasasabi ng mga ito.

Tumalungkod siya sa lamesa at kunot-noong pinagmasdan ito.

“May ex-girlfriend kasi si Yuki. I don't know the story but I assumed it's ex-girlfriend. Kapag bumibisita ako sa bahay nila noon sa States kasama ang pamilya ko at nagagawi ako sa kuwarto niya, nakikita ko ang mga post-it notes na nakakalat kung saan-saan na laging may nakasulat na “I love you, YV.” Tapos laging may kasunod na ‘I miss you’ at ‘Sorry’. Ikaw 'yon! Ikaw ang ex-girlfriend niya! My God! Ang tagal na naging palaisipan sa akin 'yon. All this time, it was you!” napapasinghap na tugon nito.

Sandaling hindi nakaimik si Yhen sa ibinalita ng kaibigan. If they were in a different situation, baka nagtatatalon siya sa tuwa. But she knew Yuki better now. Hindi ang isang bagay na 'yon na ipinaalam sa kanya ni Cloe ang magiging dahilan nang paglambot niya.

“Maaaring naging maraming babae si Yuki roon, Cloe. Malay mo naman kung may iba pang YV sa buhay niya,” aniya. Her heart started hammering inside her chest as needles seemed to prick it. What the hell? Bakit parang hindi niya nagustuhan ang kanyang sinabi?

Ngumisi ang kaibigan niya, bakas ang panunudyo sa mga mata. “Hindi mo ba nahalata na may inamin ka?”

“Na?”

“Ex-girlfriend ka nga talaga ni Yuki.” It didn’t come out as a question but a statement. Naumid tuloy ang dila niya. It was too late to deny it. Kasabay nang pag-iinit ng pisngi ay nag-iwas si Yhen ng tingin. Impit na namang tumili ang magaling niyang kaibigan bago niyugyog ang magkabila niyang balikat. “Sinasabi ko na nga ba! Ano ang nangyari? Kuwentuhan mo 'ko! Bakit kayo nag-break? Sino ang nanligaw?” sunod-sunod na tanong ni Cloe.

“Lies,” maikling sagot niya kay Cloe. Kumunot ang noo nito at halatang hindi nasundan ang kanyang sinabi. “Ayaw ko nang balikan ang kung anumang nangyari sa amin ni Yuki noon.”

Girlfriends 3: Right Here, Right Now (To Be Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon