1: Ano na?

21.2K 451 14
                                    


"Ano ang natutunan mo sa nakaraang taon?"

Napatingin si Harri sa telebisyon. Napatitig siya sa talk show host na nagtatanong sa kanyang guest. Hindi niya narinig ang naging sagot ng guest dahil naglakbay na ang kanyang isipan.

How about her? Ano ba ang natutunan niya sa nakaraang taon? Sa dami ng problema niya hindi na niya naiisip iyon.

Walang magandang patutunguhan ang pagiging pakialamera.

Iyon ang natutunan niya.

Napabuntong-hinininga siya at bumalik sa pag-che-check ng kanyang email. Tiningnan niya kung may sumagot na sa mula sa mga kompanyang inapplyan niya.

Wala.

Sa dami ng in-apply-an niya, ni isa ay wala siyang natanggap na sagot.

"O, ate, ano na? May sumagot na ba?" Si Hannah, ang nakababata niyang kapatid. Kinuha nito ang remote control sa mesa at pinatay ang telebisyon.

"Wala pa nga, eh," sagot niya at muling ch-in-eck ang kanyang email.

"Huwag kang mag-alala, ate. Makakahanap ka rin ng trabaho," sagot ni Hannah. Kinuha nito ang isa pang remote control at pinatay ang air conditioner.

"Sana nga. Ang dami na nating bayarin. Kailangan ko pang mag-ipon para sa pag-aaral mo," sagot niya at nakitang pinaandar ng kapatid ang electric fan. Nagtaka siya sa ginawa ng kapatid. "Anong ginagawa mo?"

"Nagtitipid ng kuryente," natatawang sagot ni Hannah pagkatapos ay umupo sa may harapan ng nakatatandang kapatid. Kinuha nito ang magazine na nasa mesa.

Napangiti si Harri. Natutuwa siya dahil marunong magtipid ang kapatid niya pero nalulungkot din siya dahil alam niyang nahihirapan rin ang kapatid niya sa pag-adjust sa mga pagbabago sa buhay nila.

"Inapplyan mo na ba iyong job opening na nakita natin dito sa magazine?" Tanong ni Hannah habang binubuklat ang mga pahina ng magazine na hawak-hawak.

"Oo, nag-apply na ako kaninang umaga," sagot niya at isinara ang screen ng kanyang laptop. Wala na yata siyang ibang magagawa kundi ang maghintay.

"O, ano 'to?" Nakakunot ang noo ni Hannah. May itinuturo ito sa magazine. "Bago ba ang issue na ito?"

Tumango si Harri. Nagtataka siya sa nakita ng kapatid.

"Oo, bagong issue iyan sabi ni Ines. Noong isang araw niya yata iyan nabili."

Ang tinutukoy niya ang kakilala niyang nasa kabilang condo. Ang sosyal na si Ines na nagtatrabaho sa isang magazine.

Biglang natawa si Hannah. Lalong nagtaka si Harri kaya't nilapitan niya ang kapatid.

"Anong meron? May joke ba?" Tanong niya sabay tingin sa binabasa ni Hannah.

"Basahin mo. Hindi ko alam kung totoo ba ito," humahagikhik na sagot ng kapatid.

Kinuha ni Harri sa kapatid ang magazine at binasa ng malakas ang tinutukoy nito.

"Wanted: Wife for Olivier Sean La Ferrante. Interested applicants may apply in person at La Ferrante Group of Companies, 21st floor—" napatigil si Harri at sinuri ang hawak na magazine. Nagsalubong ang kanyang mga kilay. "Parang prank yata ito."

"Sino ba si Olivier? Siya ba 'yong nakilala mo sa office party ninyo noong isang taon?" Tanong ni Hannah.

Tumango lamang si Harri at muling tiningnan ang ad. Wala na siyang ibang nakitang impormasyon maliban sa binasa niya.

His Cold Cruel Heart (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon