KABANATA 1

2.9K 86 4
                                    

KABANATA 1

"Magandang gabi," sabi ng lalaking sumalubong sa 'min sa punerarya. Hindi ko siya tiningnan dahil natuon ang pansin ko sa mga kabaong na naka-display at nakapalibot sa 'min. Nanindig ang mga balahibo ko kahit alam kong wala namang laman ang mga ito. Sadyang kakaiba lang talaga sa pakiramdam lalo pa't lumang-luma na 'to at madilim pa. Naninilaw at marumi ang puting pintura ng pader at marumi at gasgas na rin ang pulang sahig nito, na ramdam ko ang lagkit sa bawat hakbang ko. Kailan pa kaya nila huling nilampaso 'to? "Ako po pala ang embalsamador dito," narinig kong sabi niya.


"Ikaw lang ang nandito?" tanong ni Dad.


"Ako lang po. Wala po 'yung amo ko. Umuuwi po kasi 'yun nang maaga."


"May multo ba rito kuya?" Napaisip lang ako kung ilang bangkay na kaya ang nadala rito? Ilang bangkay na kaya ang dumaan sa mga kamay nitong si kuya?


Napatingin si Mommy sa 'kin. "Gwen, don't ask questions like that," saway niya.


"Sorry po." Curious lang naman ako, kaya natanong ko. Mabuti nang handa ako kung sakaling meron nga. Pero paano nga kaya kung meron? Ano'ng gagawin ko?


Natawa 'yung embalsamador. "Wala pa naman po akong nakita," sagot niya.


Mabilis na iniba ni Mommy ang usapan. "Kamag-anak kami ni Inang Luring. Maria Lourdes Villamarta. Dito raw siya dinala." Two day ago lang namin natanggap ang balita na namatay na si Inang, kaya nagmamadali kaming pumunta rito para maasikaso agad siya lalo pa't may kalayuan itong probinsya na ito. Ayaw ni Mommy na magtagal si Inang dito sa punerarya. Isang pulis ang tumawag kay Mommy para ipaalam sa 'min ang nangyari. Sabi ng mga pulis natagpuang patay si Inang sa loob ng kwarto niya. Wala naman daw forced entry at walang foul play at mukhang natural death ang naging sanhi ng pagkamatay niya lalo pa't may katandaan na ito. Sa tantya nila may tatlong araw na raw patay si Inang bago natagpuan. Isang bata raw na pumasok sa bakuran at umakyat sa puno ng mangga para manguha ng bunga ang nakakita sa bangkay mula sa nakabukas na bintana ng kwarto ni Inang.


"Ah 'yung matanda. Sunod na lang po kayo sa 'kin," sabi ng embalsamador.


Tiyahin ni Mommy si Inang at sa mother side ng family ko siya na lang ang natitirang kamag-anak namin. I was seven nang huli ko siyang makita. Napagalitan pa nga niya ko noon, dahil pumasok ako sa kwarto niya nang walang paalam. Grabe ang takot ko sa kanya noon kasi ang laki ng mga mata niya tapos pinandilatan pa niya 'ko. Ang lakas pa ng boses niya noon nang sabihin niya sa 'kin na lumabas ako at huwag na huwag nang papasok uli.


Hindi ko alam kung ano bang importanteng bagay ang nandoon sa kwarto niya at ganun na lang 'yung galit niya sa 'kin. Samantalang lumang notebook lang naman ang nakita ko na nakapatong sa ibabaw ng lamesita niya na naninilaw na ang mga pahina at may mga patak ng itim at pulang kandila pa. May mga nakita akong nakasulat doon sa notebook pero hindi ko naman naintindihan. Hindi ko alam kung anong language 'yun at hindi ko rin naman pinagaksayahan pang tingnan at alamin. Kung coloring book pa 'yun malamang kinuha ko agad. Ang hindi ko lang nakita nang araw na 'yun ay kung ano ang laman ng mga cabinet niya, dahil bago ko pa mabuksan ang mga 'yun, nahuli na niya 'ko na nasa loob ng kwarto niya. Nang makita niya 'ko hinawakan niya ako nang mahigpit sa braso ko at saka ako hinila palabas ng kwarto. Nang nasa labas na 'ko, ang lakas ng pagkakabalya niya sa pinto nang isarado niya. Akala ko nga matatanggal sa pagkakakabit 'yung pinto at babagsak sa 'kin. Umiiyak akong tumakbo papunta kay Mommy noon. Sinumbong ko 'yung ginawa sa 'kin ni Inang, pero imbis na kampihan ako napagsabihan pa 'ko. Tampong-tampo ako kay Mommy noon, pero nang lumaki na 'ko, na-realize ko rin naman na mali ako 'tsaka diabetic daw si Inang kaya mabilis mag-init ang ulo. Bago nga kami umuwi noon nagkasagutan pa sila ni Mommy.

INANGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon