KABANATA 15
"Ate! Ate!" Halos hugutin ko 'yung hininga ko nang magising ako. Ang bilis ng paghinga ko at butil-butil ang pawis ko. "Ate binangungot ka," umiiyak si Enzo sa harapan ko. "Para kang si Mommy kanina."
Inilibot ko ang mga mata ko sa buong paligid. Umaga na. Tumingin ako sa salamin. Walang multong nakadagan sa akin. Pinakinggan ko ang paligid. Maliban sa iyak ni Enzo, tilaok ng manok lang ang narinig ko. Panaginip lang ang lahat. Isang masamang panaginip. Ganito rin kaya ang laman ng mga panaginip ni Mommy kaya ganun na lang ang pagsigaw niya sa tuwing binabangungot siya? Hindi ko siya masisisi. Talaga namang nakakatakot. Para kasing totoo.
"Ano 'yun?" tanong ko kay Enzo, nang may marinig akong nagpupukpok sa ibaba.
"Hindi ko rin alam," sagot niya kaya bumaba na kami at nadatnan namin si Dad na may ipinapakong mahabang tabla sa bintana.
"Dad? What are you doing?" tanong ko.
Saglit lang siyang lumingon sa 'min. "Para siguradong wala nang makakapasok."
"I'm on the top of the world lookin' down on creation..." Napatingin ako sa may kusina. Nandoon si Mommy. Masayang kumakanta habang nagluluto. 'Yung kamay niyang may benda pa ang pinanghahawak niya sa sandok na ipinanghahalo niya sa loob ng malaking kaldero na hindi ko alam kung ano ang laman.
"Enzo, pakikuha nga 'yung cellphone ko sa taas. Nakalimutan ko."
"Ikaw na lang Ate. Naiihi na 'ko," sabi niya habang nagkakamot ng tagiliran at naglalakad na papunta sa direksyon ng banyo. Hindi ko naman talaga nakalimutan 'yung cellphone ko dahil kasalukuyan itong nasa bulsa ng shorts ko. Gusto ko lang na wala siya kapag tiningnan ko kung ano 'yung laman ng kaldero. Baka hindi ko kasi maitago 'yung reaksyon ko kapag may nakita na naman akong hindi dapat na nandoon.
"Mommy, ano pong niluluto n'yo?" tanong ko habang palapit sa kanya.
Tiningnan niya 'ko at saka ngumiti bago nagsalita, "Sopas. Paborito mo 'to 'di ba? Tikman mo." Sumandok siya mula sa loob ng kaldero at inilapit sa labi ko. Halos humaba naman ang leeg ko sa pagsilip sa loob ng kaldero at mabuti na lang at sopas talaga ang laman nito. Hindi ko nga lang magawang buksan ang bibig ko para tikman 'yung luto niya hanggang hindi ko nasisigurado na walang ibang halo 'yun.
Mula kasi nang mangyari 'yung incident kay Hunter, si Ate Rose na lagi ang nagluluto nang lahat ng kinakain namin, since hindi naman kaya ni Mommy na magkikilos nang dahil sa lagay ng kamay niya kaya kampante ako. I love my Mom and I love her cooking not until makita ko na pinakuluan niya 'yung aso namin. Kaya kahit mukhang masarap 'yung sopas na niluto niya, hindi ko magawang kainin.
"Mamaya na lang po."
Nawala 'yung ngiti sa mukha niya. "Iniisip mo bang may nilagay ako rito?! Iniisip mo bang lalasunin ko kayo?!" Pahampas niyang ibinaba 'yung sandok sa lababo. Kulang na lang, mabasag 'yung tiles sa lakas nang pagkakahampas.
Umiling ako, nangingilid na 'yung luha ko. Natatakot ako sa ikinikilos ni Mommy. Hinihintay kong lumapit si Dad sa 'min. For sure narinig niya 'yung ginawa ni Mommy, pero lumipas ang ilang segundo, wala akong narinig mula kay Dad. Hindi man lang siya lumapit para magtanong kung ano'ng nangyayari. Naririnig ko pa naman 'yung pagpukpok niya ng mga pako sa mga tablang inilalagay niya sa bintana kaya alam kong nasa loob pa rin siya ng bahay. Malapit lang siya sa 'min pero hindi ko alam kung bakit wala man lang siyang reaksyon. Dahan-dahan kong ipinihit 'yung ulo ko papunta sa kanan. "D-dad?"
Mabilis na hinawakan ni Mommy 'yung mukha ko at ihinarap akong muli sa kanya. "Kailangan mo ng tulong? Bakit? May ginagawa ba 'kong masama?"
Umiling ako. Tuluyan nang pumatak ang mga luha ko.
BINABASA MO ANG
INANG
ParanormalDahil sa pagkamatay ng lola ni Gwen, kinailangan nilang umuwi ng probinsya. Sa pag-uwi nilang ito maraming kababalaghan at sikreto ng kanilang pamilya ang mabubunyag.