KABANATA 19
Umaga na. Ang sakit ng ulo ko dahil hindi na uli ako nakatulog pagkatapos kong marinig 'yung mga sinabi ni Mommy kagabi. Pababa ako ng hagdan nang marinig kong umiiyak si Enzo. Dali-dali akong bumaba para puntahan ang kapatid ko. Nakita ko siya sa sala at nakatayo sa sulok habang nakatutok sa kanya ang hawak na baril ni Dad.
"Naglalaro lang naman tayo, bakit ka umiiyak?"
Sa labis na takot nakita ko ang unti-unting pagkabasa ng suot na shorts ni Enzo hanggang sa umagos na papunta sa sahig ang ihi niya.
"Dad stop this! Please! Bitawan niyo na 'yan!" Humarang ako sa pagitan nila.
Pumasok sa sala galing sa labas sina Mommy at Ate Rose. Napatakip ng bibig si Ate Rose nang makita ang nakatutok pa ring baril sa amin ni Enzo.
"Mommy, awatin niyo naman si Dad. Please. Maawa naman kayo kay Enzo."
"Why? Naglalaro lang naman sila 'di ba? Lagi naman nilang ginagawa 'to."
"Tama ang Mommy niyo. Laro lang 'to. 'Di ba Enzo?" Inilagay ni Dad ang isang daliri sa gatilyo ng baril. Parang aatakihin na 'ko sa puso sa sobrang bilis ng tibok nito. Nakita ko na naman ang paguhit ng nakakakilabot na ngiti sa mukha ni Dad. Ganito ang mukha niya nang paputukan niya ng baril si Mang Rudy. Pigil ang hininga ko. "Boo!" Napapikit ako sa biglaang pagsigaw ni Dad. Bigla silang tumawa nang malakas ni Mommy. Unti-unti kong idinilat ang mga mata ko. Hindi na nakatutok sa 'min ang baril. Halos maubo na si Dad sa labis na pagtawa sa 'min.
"Kids, you should have seen your faces! Nakakatawa talaga!" sabi ni Mommy.
Nagbingi-bingihan na lang ako. Kunwari wala akong narinig. Inakay ko palayo sa kanila si Enzo at dinala sa banyo. Dinalhan siya ng damit ni Ate Rose para makapagpalit. Naupo na lang ako sa may kusina para malapit sa banyo at hinintay na matapos mag-ayos si Enzo. Paglabas niya ng banyo, hihikbi-hikbi pa rin siya, nakahukot ang likod habang mabagal na naglalakad at yakap ang sarili.
Madali akong tumayo at lumapit kay Enzo. Hinawakan ko ang kamay niya, "Tara na sa taas. Huwag mo na lang sila tingnan." Umakyat kami ng hagdan. Diretso ang tingin kahit naririnig namin ang kwentuhan at tawanan ng mga magulang namin.
"Kids, ayaw niyo na maglaro?" tanong ni Dad. Hindi namin siya pinansin. Tuloy pa rin kami sa paglalakad. "Kids?" muling tanong ni Dad kaya napatigil si Enzo. Nanginginig ang kamay niyang hawak ko.
"Just walk. Don't mind them," sabi ko.
"Sir, meryenda po?" Nang marinig ko si Ate Rose, hinatak ko na si Enzo, papanik. Dahil kay Ate Rose nawala sa amin ang atensyon nina Dad.
Nang makapasok kami sa kwarto bigla na lang bumuhos ang luha ni Enzo. Takot na takot talaga siya at halos manginig na ang buong katawan niya. Yumakap siya sa'kin nang mahigpit. Inalalayan ko siya hanggang sa makaupo siya sa kama. "Enzo. Listen to me. You have to be brave. Huwag ka mag-alala. Kakampi mo 'ko. Hindi kita iiwan at hindi ko hahayaan na masaktan ka nila o nino man. Simula ngayon, dito ka na uli sa kwarto ko matulog. Mamaya ipapakuha ko kay Ate Rose 'yung mga gamit mo para dalhin dito." Tumango siya kahit na umiiyak pa rin. "Kailangan nating magmadali. Kailangan nating makaalis dito. Hihingi tayo ng tulong. 'Yung cellphone mo, nasa 'yo ba?"
"N-nasa kwarto nina Mommy."
"Sa'n exactly? Para madali ko mahanap."
"Sa loob ng cabinet. Sa ilalim ng mga nakatuping tuwalya. Doon ko nilalagay para 'di makuha ni Mommy sa 'kin. Palagi niya kasi ako pinagagalitan tuwing hawak ko 'yung phone."
"Okay. Kukunin ko 'yung phone. Dito ka na lang. Huwag kang aalis. I-lock mo 'yung pinto. Hintayin mo 'ko makabalik. Kakatok ako nang limang beses para alam mo na ako ang nasa pinto. Okay?"
BINABASA MO ANG
INANG
ParanormalDahil sa pagkamatay ng lola ni Gwen, kinailangan nilang umuwi ng probinsya. Sa pag-uwi nilang ito maraming kababalaghan at sikreto ng kanilang pamilya ang mabubunyag.