KABANATA 20

394 30 2
                                    

KABANATA 20

Hindi ko alam kung paano nagawang makatulog nina Ate Rose at Enzo dahil ako, 'di ko magawang pumikit dahil mga mukha pa rin ng mga bangkay na kasama namin ang nakikita ko. Mas mabuti pang tumitig na lang sa pader, sahig o kisame. Si Hunter naman tahimik lang sa loob ng kulungan niya. Hindi ko nga alam kung buhay pa dahil hindi ko pa rin naririnig na tumahol.

"Good morning!" Masayang bati ni Dad pagkabukas niya ng pintuan. Walang gana ko siyang tiningnan. Sina Ate Rose at Enzo naman nagising na pero nanatiling nakaupo sa sahig, "C'mon! Get up! Get up! Huwag makupad! Ayaw niyo bang lumabas dito?" Nang dahil sa tanong ni Dad mabilis kaming napatayo. Muntik pa akong matumba dahil sandaling nandilim ang paningin ko, dahil siguro sa biglaan kong pagtayo. Nauna kaming lumabas ni Enzo. Susunod na sana sa amin si Ate Rose pero pinahinto siya ni Dad. "Sila lang ang lalabas. Hindi ka kasama."

"Sir?" Hindi maipinta ang mukha ni Ate Rose. "Sir hindi ko po kaya mag-isa rito." Hahakbang sana palapit si Ate Rose kay Dad pero bigla inilabas ni Dad ang baril niya at itinutok kay Ate Rose. Napapikit sa takot si Ate Rose. "Huwag na matigas ang ulo kung ayaw mong palambutin ko 'yan gamit 'to." Wala kaming nagawa ni Enzo kundi umiyak.

Habang papalayo kami sa nakasarado nang pintuan ng kwarto kung saan naiwang nakakulong si Ate Rose. Dinig namin ang malakas niyang palahaw na para bang masisiraan na ng ulo. Hindi ko lubos maisip kung gaanong takot ang nararamdaman ni Ate Rose dahil mag-isa na lang siya kasama ng mga bangkay. Sunod na ikinulong ni Dad si Enzo sa kwarto ni Ate Rose habang ako sa sarili kong kwarto. Hindi man lang nila kami binigyan ng pagkakataon na makaligo o makapaglinis man lang ng katawan. Nakadikit pa rin sa amin ang mabahong amoy galing sa mga bangkay na nakasama namin magdamag. Paulit-ulit ko na lang pinunasan ng tuyong tuwalya ang buo kong katawan at halos maligo na ako ng alcohol at pabango matakpan lang ang nakasusukang amoy.

Binigyan nila ako ng agahan at tanghalian na hindi ko magawang kainin dahil sa nakasusukang amoy nito. Hindi ko alam kung anong mga sangkap ang inilagay nila parang maging ganoon 'yun kabaho. Amoy nabubulok ito at hindi ko alam kung anong klaseng karne 'yung nakita kong lumulutang sa malabong sabaw.

Habang nakakulong, wala akong inaksayang oras. Humanap ako ng bagay na pwede kong gamitin na pangtungkab sa mga tablang nakapako sa mga bintana. Wala kong ibang nakita maliban sa isang gunting. Napabuntong-hininga ako. "Mabuti na 'to kaysa wala," bulong ko sa sarili.

Kahit ano'ng gawin ko, hindi matinag 'yung mga tabla. Sadyang malalim ang pagkakapako nito sa bintana kaya ang tanging naisip ko na lang gawin ay gumawa ng butas sa pagitan ng mga tabla. Unti-unti kong kakayurin ang gilid nito hanggang sa mauka ito. Sa tuwing may maririnig akong kalabog o kaluskos sa labas, tumitigil ako. Hindi na nila ako pwedeng mahuli dahil baka ilipat nila ako ng kwarto.

Nakagawa na ako ng butas na tama lang para makita ko kung ano'ng nangyayari sa labas. Kulang pa ito. Kailangan kong makagawa ng uwang na kakasya ang mga kamay para madali kong mahila ang mga tabla. Abala ako sa ginagawa ko nang marinig ko ang tunog ng kotse namin. Sumilip ako sa labas at nakita kong palabas na ng gate ang kotse na sakay ang mga magulang ko. Hindi na sila nag-abala pa na isarado ang gate na kawayan na konti na lang ay mukhang babagsak na.

"Tulong!" Makalakas na sigaw ko, pero mukhang walang nakakarinig sa 'kin. Sa bagay ilang metro rin ang layo ng pinakamalapit na bahay sa amin. Malayo rin ang kinalalagyan nitong bahay mula sa kalsada. Nang may makita akong dalawang babae na padaan, sumigaw uli ako at ilang ulit na humingi ng tulong. Tumigil silang dalawa at tumingin sa direksyon ko, kaya lalo ko pang pinaglakasan ang sigaw ko. Parang nabuhayan ako ng loob nang humakbang papasok ng bakuran ang batang babae pero gumuho rin ito nang pigilan siya ng mas nakatatandang kasama at mabilis na hinatak palayo. Hindi ko malaman kung ano'ng mararamdaman ko. Galit, inis, kawalan ng pag-asa. Ganun na lang ba talaga ang galit ng mga tao rito sa amin para baliwalain ang paghingi namin ng tulong?

Napaupo na lang ako sa sahig at sumandal sa pader. Pilit kong pinipigilang umiyak dahil baka bumigay ako. Hindi ko alam kung ano na ang lagay nina Ate Rose at Enzo. Paano kung pinanghihinaan na rin sila ng loob. Ano na ang mangyayari sa 'min? Kailangan may matirang isa na matatag sa 'min kung gusto naming makaalis pa rito. Habang kinakalma ko ang sarili at nag-iisip ng susunod kong gagawin, may narinig akong tunog ng sasakyan. "Bumalik na sila," sabi ko sa isip ko. Mabilis akong tumayo at sumilip sa butas. Isang kulay pula na SUV ang nakita ko. Hindi 'to sa 'min. Pumasok ito sa loob ng bakuran namin at pumarada. Hindi ako makapinawala nang makita kong bumaba ang nagmamaneho nito.

Malakas kong isinigaw ang pangalan niya, "Liam!"

"Tao po? Gwen?"

"Liam! Nandito ako! Liam!" Napalingon si Liam. Parang hinahanap kung saan nanggagaling ang boses ko. "Liam! Please tulungan mo kami!"

Napatingin sa taas si Liam, "Gwen? Nasaan ka?"

Nagmamadali akong tumakbo papunta sa cabinet at kinuha 'yung color yellow ko na panyo. Isinuot ko ito sa butas para makita niya. "Liam! Nandito ako sa taas! Nakakulong ako! Please tulungan mo kami makatakas!"

"What?!"

"No more questions! Mamaya ko na ie-explain!"

Hindi ako mapakali sa kwarto habang hinihintay ko si Liam. Napatakbo ako palapit sa pintuan nang marinig ko na uli 'yung boses niya. "Gwen?"

"I'm here! I'm here!" Kinalampag ko 'yung pintuan.

"Wait! Kukuha lang ako nang pansira ng lock."

"Sa likod ng bahay. Nandoon 'yung toolbox ni Dad. Baka may makita ka na pwede gamitin."

Narinig ko ang mabilis niyang pagtakbo at pagbaba ng hagdan. Bumalik naman ako sa may bintana at nagbantay. Pabalik-balik 'yung tingin ko sa labas at sa pintuan ng kwarto ko. Nagdadasal na sana makaalis kami bago pa makabalik ang mga magulang ko.

Biglang bumukas 'yung pinto at nakita kong nakatayo doon si Liam na may hawak na malaking bolt cutter. Nang makita ko siya, hinatak ko siya agad papunta sa kwarto ni Ate Rose kung saan nakakulong si Enzo.

Napayakap sa akin si Enzo nang mabuksan na ang pintuan. Mugtong-mugto ang mga mata niya. Mukhang wala siyang ginawa maghapon kundi umiyak. "Tatakas na tayo."

"O-okay." Hihikhikbing sagot niya. Kinuha niya si Hunter at sunod naman naming pinakawalan si Ate Rose.

Nang mabuksan na 'yung pintuan kung saan nakakulong si Ate Rose, puro mura 'yung narinig kong lumabas sa bibig ni Liam. Hindi niya malaman ang gagawin. Napahawak siya sa ulo at tumalikod. Maduwal-duwal siyang tumakbo palayo sa kwarto. "Liam, ilabas mo na si Enzo. Ako nang bahala kay Ate Rose."

Tumango lang si Liam at isinama pababa si Enzo. Nilapitan ko naman si Ate Rose na tulala na nakaupo sa sulok habang kinakain 'yung binigay na tanghalian sa 'min kanina. Bigla bumaligtad ang sikmura ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa sobrang baho ng kwarto o dahil hindi ko nakayanang makita 'yung kinakain ni Ate Rose, lalo na't alam ko kung ano'ng amoy noon.

"Ate Rose. Tara na. Aalis na tayo rito," sabi ko at inalalayan ko siyang makatayo. Parang hinang-hina siya at halos hindi makalakad. Nang makalabas na kami, parang biyaya ang hatid ng nakapapasong pagtama ng tirik na araw sa balat ko. 'Yung sakit na 'yun ang nagpapaalala sa 'kin na buhay pa kami at malalagpasan namin ang pagsubok na 'to. Nakita kong nakasakay na sa likod ng SUV si Enzo. Tinulungan naman ako ni Liam na isakay si Ate Rose sa tabi ni Enzo.

Pagkasakay namin ni Liam, mabilis niyang pinatakbo ang sasakyan palayo sa impyernong bahay ni Inang. Hindi ko na nilingon ito. Diretso lang ang tingin ko sa kalsada.

Binuksan ni Liam ang bintana sa side niya. Alam kong dahil ito sa nakakapit na amoy sa damit at katawan nina Enzo at Ate Rose na nakukulob sa loob ng sasakyan. Hindi lang niya masabi nang diretso sa amin. "I'm sorry," bulong ko.

Napatingin sa akin si Liam. Puno ng tanong at pag-aalala ang mukha niya. "You don't have to say sorry. Pero gusto ko malaman kung ano bang nangyari sa inyo."



INANGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon