KABANATA 14
Gabi na at wala pa si Dad. Nakahanda ang hapunan sa mesa pero hindi pa kami makapag-umpisa dahil wala pa siya. Tahimik lang kaming apat na nakaupo habang nasa harapan namin ang lumalamig nang pagkain. Mukhang natunaw na 'yung kinain kong meryenda kanina dahil nararamdaman ko na 'yung gutom.
"Kumain na tayo. Mukhang mamaya pa darating ang Daddy niyo," walang emosyong sabi ni Mommy.
Mabilis akong sumandok ng kanin at ulam. Susubo na sana ako nang mapatingin ako kay Mommy. Paano nga pala siya kakain? Hindi niya magagamit 'yung kanan niyang kamay at mahirap namang kumain gamit ang kaliwa. Ibinaba ko 'yung hawak kong kutsara.
"Mommy tulungan na po kita," sabi ko. Tumayo ako at akma kong kukunin sa kamay niya ang hawak niyang panandok ng kanin.
"Kaya ko," sagot niya kahit na may mga kanin nang nahulog sa lamesa.
"Okay lang naman po na kayo muna 'yung kamain, tapos mamaya na po ako," pamimilit ko at sinubukan ko uli na kunin sa kanya 'yung panandok ng kanin.
Tiningnan niya ako nang masama. "Sabi nang kaya ko!"
Napatigil ako at dahan-dahan akong napaupo uli. Si Enzo at Ate Rose tahimik lang na nakatingin sa 'min. Malamang nagulat din sila sa biglaang pagsigaw ni Mommy.
Tuloy lang sa pagkuha ng pagkain si Mommy kahit na hirap na hirap siya. Ako naman, itinuloy ko na lang ang pagkain kahit na parang sa bawat subo ko hindi ko malasahan 'yung kinakain ko dahil sa kawalan ng gana nang dahil sa nangyari. Tapos nakikita ko pa si Mommy na nahuhulog 'yung pagkain sa tuwing susubo siya, paano ako gaganahan 'di ba? Susubo siya pero 'yung kalahati lang ang naipasok niya sa bibig niya dahil 'yung kalahati bumagsak uli pabalik sa plato niya. Kaya nang marinig kong may kumakatok sa pintuan at narinig ko 'yung boses ni Dad, natuwa ako. Baka sakaling kay Dad hindi na siya magalit at magpatulong na siya sa pagkain. Tatayo na sana si Ate Rose pero inunahan ko na siya, "Ako na po," sabi ko.
Binuksan ko 'yung pinto. All smile pa si Dad habang hawak ang isang supot na hindi ko alam kung ano'ng laman. Nagmano ako.
"May nangyari ba? Bakit ganyan ang mukha mo?" kunot noo at pabulong niyang tanong sa 'kin.
"Si Mommy po, ayaw magpatulong kumain," sagot ko. Mahina lang para siya lang ang makarinig.
"Ako nang bahala," tapos inabot niya sa 'kin 'yung supot. "Kakanin. Binili ko sa terminal."
"Terminal?"
"Hinatid ko sa terminal si Mang Adolfo. Pauwi na pala dapat siya sa probinsya nila nang mapadaan siya rito sa 'tin"
"Kaya po pala umalis kayo."
"Ilipat mo na 'yan sa plato. Kainin natin," utos ni Dad.
Binuksan ko 'yung supot at nakita ko 'yung box na may nakasulat na Betty's Special Sapin-sapin. Nakabili na kami roon nung bagong dating palang kami rito. Natandaan ko nga na malapit sa terminal ng bus 'yung tindahan ng mga kakanin na 'to. Inilipat ko sa plato 'yung kalahati ng sapin-sapin at saka ko inilapag sa mesa. Naupo na rin ako para ituloy ang pagkain ko. Sakto naman pag-upo ko siya namang pagtayo ni Mommy at hindi ko alam kung bakit. Naglakad siya papanik sa taas at sinundan naman siya ni Dad. Tiningnan ko 'yung plato ni Mommy at marami pa itong laman at sigurado akong hindi pa siya nabubusog dahil mas marami pang natapon na pagkain kaysa sa naisubo niya.
Hindi pa nagtatagal sina Mommy at Dad sa itaas narinig namin na nagtatalo na naman silang dalawa pero hindi ko maintindihan kung ano'ng pinagtatalunan nila ngayon.
"Ate," nangingilid ang luha ni Enzo nang tawagin niya 'ko.
"Konting misunderstanding lang 'yun. Magbabati rin sila," pilit ang ngiting sabi ko.
Hindi pa nagtatagal, nang marinig naming sumigaw si Mommy at may mga kalabog sa itaas. Tumatakbo kami papanik nang hagdan nang makasalubong namin si Dad na nagmamadali pababa at saka lumabas ng bahay. Napatigil kaming tatlo sa may hagdan, naguguluhan sa kung ano'ng nangyayari. Si Mommy bumaba rin at huminto sa may hagdan. Nakatingin din siya sa labas at parang takot na takot.
Nang pumasok uli si Dad, may hawak na siyang baril. Nagulat ako. Hindi ko alam na may baril pala siya. "Dad what's happening?"
"May nakita akong tao sa taas kanina. Pumasok sa kwarto niyo tapos tumalon palabas ng bintana."
Tumakbo si Enzo papunta kay Dad at yumakap sa may bewang nito. "Daddy natatakot po ako."
"Dad baka tama si Mang Adolfo. Hindi na tayo safe dito."
"Hanggang nandito ako, ligtas kayo. Hindi ko kayo pababayaan."
"Do it. Huwag puro salita," parang galit na sabi ni Mommy bago siya pumanik at bumalik sa kwarto nila.
Nang gabing 'yun hindi ako dalawin ng antok. Araw-araw na lang may nangyayaring hindi maganda. Noong una puro mga kababalaghan lang ang nangyayari, pero ngayon may tao nang gustong manakit sa 'min at ang malala pa, nakapasok na sa loob ng bahay namin nang hindi namin namamalayan. Ang ipinagtataka ko lang, wala kaming narinig sa labas na may tumalon mula sa bintana. Ano 'yun? Parang pusa lang? Tumalon mula sa mataas na lugar pero walang nagawang ingay? Hindi ko na alam kung ano'ng dapat isipin. Gulong-gulo ako. Tao ba ang may gawa nito o masamang espiriritu?
Sa takot na may makapasok uli sa bahay. Isinarado at ni-lock namin lahat ng mga bintana. Kahit mainit tiyaga na lang sa nag-iisang electric fan sa kwarto namin. Buti pa si Enzo ang himbing na ng tulog. Nakatagilid ako ng higa patalikod sa kanya. Hindi ko kita ang mukha niya pero dinig ko naman ang bawat paghinga niya. Parang may mahinang pito, siguro dahil sinipon na siya sa kaiiyak niya kanina.
Unti-unti na ring bumagsak ang mga mata ko sa antok nang maya-maya ay narinig kong may ibinubulong si Enzo. Nananaginip siguro siya. Hindi ko na iminulat ang mga mata ako at hindi ko na rin siya nilingon pero marahan ko siyang inalog sa may braso niya, para magising. "Enzo," sabi ko pero hindi siya nagising at tuloy pa rin siya sa pagbulong niya. Tumihaya ako at niyugyog ko siyang muli habang nakapikit pa rin ang mga mata ko. Talagang nilalamon na kasi ako nang antok, "Enzo gising," sabi ko uli.
Tuloy pa rin ang naririnig kong pagbulong nang mapansing kong parang pamilyar 'yun sa 'kin. Napadilat ako at saktong napatingin ako sa lumang tokador na may salamin sa may paanan ko. Hindi ako nakakilos sa nakita ko. 'Yung babae na nagpapakita sa 'min, kitang-kita kong nakadagan sa ibabang parte ng katawan ko. Nakayuko siya malapit sa mukha ko. Sa salamin ko lang siya nakikita kaya ganoon na lang ang takot ko. Napapikit akong muli. Naririnig ko pa rin siya. Ramdam ko ang malamig na hangin sa mukha ko. Pakiramdam ko unti-unti niyang inilalapit ang mukha niya sa 'kin, lalo pa't palakas nang palakas ang mga salitang inuusal niya na hindi ko maintindihan kung ano bang ibig sabihin. Sinubukan kong magdasal pero dahil sa labis na takot ko sa tuwing nasa gitna na ako, nakakalimutan ko na 'yung susunod na salita kaya nag-uumpisa na naman ako sa umpisa. Hindi ko na alam kung ilang beses ko bang inulit 'yun Apostle's Creed sa isip ko. Basta ang alam ko lang naririnig ko pa rin siya. Ayaw niyang tumigil. Sinubukan ko uling magdasal at mabuti na lang at natapos ko. Kasabay noon hindi ko na rin siya narinig. Idinilat ko ang mga mata ko at halos bawian ako nang ulirat nang makita ko nang malapitan ang mukha niyang nakangiti sa akin.
BINABASA MO ANG
INANG
ParanormalDahil sa pagkamatay ng lola ni Gwen, kinailangan nilang umuwi ng probinsya. Sa pag-uwi nilang ito maraming kababalaghan at sikreto ng kanilang pamilya ang mabubunyag.