KABANATA 18
"Bakit 'di mo na naman ni-lock 'yung pinto? Ilang beses ba kita dapat bilinan? Ang tanga-tanga mo! Inutil ka! Simpleng bagay hindi mo magawa! Paano kung may makapasok na naman dito? Paano kung pagnakawan tayo? May ibabayad ka? Kahit buhay mo kulang pa! Hampaslupa! Umalis ka sa harapan ko! Umalis ka!"
Dahil sa lakas ng sigaw ni Mommy napasilip ako sa labas ng kwarto ko. Hindi ko malunon 'yung mga sinasabi niya kay Ate Rose. Ngayon ko lang siya narinig na magsalita ng ganun. Para siyang ibang tao.
Dahil wala naman akong magagawa para kay Ate Rose, pumasok na lang uli ako sa kwarto at ini-lock ang pinto. Tatlong araw na rin akong ikinukulong ng parents ko rito. Sa umaga, maaga akong gigisingin ni Ate Rose para makaligo. Pagkatapos babalik na ako rito at mag-aabang na lang sa oras na dalhan na ako ng pagkain ni Ate Rose. Hindi ko alam kung ilang araw pa ang itatagal ko sa ganitong sitwasyon. Kating-kati na nga ang mga paa ko makaalis dito. Hindi ako mapakali na walang ginagawa habang puno ng tanong ang isip ko pagkatapos ng mga nakita ko tungkol sa buhay ni Anita; totoo man ang mga ito o hindi.
Nakahiga ako sa kama ko at malalim ang iniisip nang marinig kong may gustong magbukas ng pintuan ng kwarto ko. Nakatitig lang ako sa doorknob at naghihintay sa marinig ang boses ng isa sa pamilya ko o kay Ate Rose, pero wala. Dahan-dahan akong naglakad palapit sa pinto at binuksan ito. Sumilip ako sa labas pero wala naman tao. Tanging bukas sa pintuan lang ng kwarto nina Mommy ang nakita ko pero wala naman atang tao sa loob.
"Gwen!" Nagulat ako at napatingin sa kanan ko. Nakita ko si Mommy na kalalabas palang ng kwarto ni Inang. May hawak siyang canister ng air freshener. Nakangiti siya habang naglalakad palapit sa akin. Maaliwalas ang mukha niya. Parang kanina lang sobrang init ng ulo niya pero ngayon parang walang nangyari. Ang lapad ng ngiti niya. "Oras na ng tanghalian. Sumabay ka na sa 'min." Hinawakan pa niya ako sa kamay at inakay palabas ng kwarto. Hindi ko alam kung palabas lang ito o talagang bumalik na sa dati si Mommy. Sana 'yung huli.
Pagbaba namin, nasa dining area na silang lahat at masayang nagkwekwentuhan. Tahimik akong umupo. Nakikiramdam pa rin.
"Gwen! I'm glad you're joining us for lunch," sabi ni Dad. Hindi ko naiwasang mapakunot ang noo. Sila 'tong nagkulong sa akin sa kwarto pero parang isang sorpresa sa kanila ang pagsabay ko ngayon sa pagkain.
Matipid akong ngumiti. Nagsimula na silang kumain. Si Dad ang nagpapakain kay Mommy dahil hindi pa magaling ang kanang kamay nito. Ako naman, tahimik lang na nakatingin sa hapag. Paminsan-minsan ay sumusulyap ako kay Ate Rose pero abala siya sa pagaasikaso kay Enzo kaya hindi siya napapatingin sa gawi ko. Gusto ko pa namang alamin sa kanya kung ayos lang bang kainin ang mga pagkain na nakahain.
"Wala kang gana? Ang sarap pa naman ng ulam. Luto ni Rose 'yan," sabi ni Mommy.
Napatingin si Ate Rose sa akin. "Ako namili niyan at nagluto. Paborito mo 'yan 'di ba?" sabi niya sabay ngiti na sinundan pa ng pagtango. Doon lang napanatag ang loob ko. Sa wakas makakakain na rin nang maayos.
Ang dami kong kinuhang pagkain. Sunod-sunod ang pagsubo ko. Ilang araw din akong nagtiis sa instant noodles. Feeling ko nga magkakasakit na ako sa bato at sobrang bloated na nitong mukha ko dahil ilang pack ng noodles ang nakain ko sa loob ng tatlong araw.
"Gwen, dahan-dahan. The last time na kumain ka ng ganyan, na-empacho ka," nangingiting sabi ni Dad.
"Oh please Dad. Huwag niyo na po ipaalala. That's one of the worst days of my life."
Natawa si Enzo. "Naalala ko 'yun! Super sakit ng tiyan mo and hindi mo alam kung lalabas ka ba o papasok ng CR."
"And she even begged me na dalhin siya sa ospital," sabi ni Mommy.
BINABASA MO ANG
INANG
ParanormalDahil sa pagkamatay ng lola ni Gwen, kinailangan nilang umuwi ng probinsya. Sa pag-uwi nilang ito maraming kababalaghan at sikreto ng kanilang pamilya ang mabubunyag.