KABANATA 10
Kinabukasan normal naman 'yung araw namin. Si Enzo nakipaglaro kay Hunter. Si Ate Rose nagsasampay ng mga nilabhan. Si Daddy nasa likod bahay pero 'di ko alam kung ano'ng ginagawa, at si Mommy nasa garden. Pinuntahan ko si Mommy at dinatnan ko siyang tulala at hawak 'yung hose ng tubig na sige lang ang buhos at tapon ng tubig. Lunod na lunod na 'yung natuyong halaman na dinidiligan niya. Hindi ko alam kung ano'ng meron sa lupa nitong bahay ni Inang dahil katatanim lang namin nung mga halaman nung isang araw tapos ngayon tuyo at patay na agad. 'Yung mga puno nga kalbo na. Wala nang dahon kahit isa at hindi ko na alam kung tutubuan pa.
"Mommy."
Nagulat siya sa pagtawag ko sa kanya. "O, Gwen," nginitian niya 'ko, pero parang pilit. Parang may bumabagabag sa kanya. Dahil kaya sa panaginip niya kagabi o dahil pareho kami ng iniisip na minumulto kami ng mga kaluluwang 'di matahimik o baka naman nalulungkot lang siya at dinaramdam pa rin niya ang pagkawala ni Inang? Parang kahapon lang nung tulala siya habang maluha-luha at hawak 'yung picture nila ni Inang noong bata pa siya.
"Mommy mabubuhay pa po ba 'yan?" Ayokong i-open sa kanya kung ano'ng mga iniisip ko. Ayokong dumagdag sa pinagdadaanan niya ngayon kaya nagtanong na lang ako tungkol sa halaman kahit na obvious naman ang sagot sa tanong ko. Mukha namang wala nang pag-asa 'yung mga halaman. Hindi na nga dapat dinidiligan ni Mommy, dahil sayang lang 'yung tubig.
"Sana."
***
Nakatayo ako sa tapat ng pintuan ng kwarto ni Inang. Kanina pa 'ko pabalik-balik dito pero hindi naman ako pumapasok. Nauunahan kasi ako ng takot. Kahit maaga at maliwanag pa, wala namang pinipiling oras 'yung pagpapakita at pagpaparamdam dito. Pero walang magyayari sa 'kin kung tatayo lang ako sa harapan ng kwarto niya. Hindi naman nakaukit sa pinto ng kwarto ni Inang ang mga sagot sa katanungan ko kundi maaaring nasa loob ng kwarto niya. Sa mga gamit niya o kaya doon sa notebook niya na hindi ko maintindihan ang sulat.
Hinawakan ko 'yung doorknob. Bumuntong-hininga muna ako bago ko 'yun pinihit. Unti-unti binuksan ko 'yung pintuan. Sinalubong ako nang malamig na hangin. Ganito 'yung pakiramdam noong mabuksan 'yung pintuan sa morgue. Ganito 'yung lamig. Napansin ko ring may kakaibang amoy ang loob ng kwarto ni Inang kahit nalinis na ito nang ilang ulit. Bago pa nga kami pumunta rito may inutusan na si Mommy para maglinis, para hindi namin madatnang madumi. Nilinis rin uli ito ni Ate Rose. Pati nga mga pader, kinaskas niya ng sabon, kaya hindi ko alam kung bakit ganito ang amoy. Hindi maikakaila sa mga naninindig kong baliho ang takot, pero pilit kong pinanlabanan ito. Inisip ko na lang na dahil sa bukas na bintana sa kwarto ni Inang kaya ganon na malamig 'yung pumapasok na hangin. Makulimlim pa naman sa labas at mukhang uulan na naman. At 'yung naaamoy ko ay dahil sa kalumaan na nitong bahay.
Walang pinagbago 'yung ayos ng kwarto ni Inang mula nang huli ko itong makita. May malaking cabinet sa kanan na doon panigurado nagtago si Enzo. Sa tabi ng cabinet nandoon 'yung lumang kahoy na kama. Sa bandang kaliwa nandoon naman 'yung lamesa at upuan kung saan ko nakitang nakapatong noon 'yung lumang notebook ni Inang. At sa sulok sa kaliwa may lumang tokador na may malaking salamin.
Malinis 'yung lamesa. Walang nakapatong. Sinilip ko rin 'yung ilalim, pero wala naman akong nakita maliban sa nanuyo at tumigas nang bubble gum na idinikit ko dati. Sunod kong tiningnan 'yung kama. Wala nang kutson at unan 'yun dahil ipinatapon na ni Mommy, lalo na at doon namatay si Inang at tatlong araw ang lumipas bago siya nakita. Pero naaaninag pa sa kahoy 'yung bakas ng katas na naiwan doon. Mabilis kong iniwas ang mga mata ko at tiningnan na lang 'yung mga sulok, pati ilalim nito. And honestly ilang segundo ko ring kinundisyon 'yung sarili ko bago ko nagawang sumilip sa ilalim kasi kung ano-ano na 'yung na-imagine ko na pwede kong makita. Baka may paa na naman o kaya may makita akong nakasilip. Nang sumilip nga ako, nakapikit ako at unti-unti ko na lang binuksan 'yung mga mata ko para if ever may makita man ako, hindi biglaan. Buti na lang wala naman nagpakita sa 'kin at wala rin naman akong nakitang kakaiba sa ilalim ng kama, maliban sa alikabok at sapot ng gagamba. Next 'yung cabinet. Nag-sign of the cross muna ako bago ko 'yun binuksan. Wala nang lamang damit 'yung cabinet. Kinapa-kapa 'ko 'yung gilid pati 'yung ibabang part. Baka lang naman may secret compartment akong makita, o kaya baka secret switch 'yung mga hook na sabitan sa loob, pero wala at hindi naman. Gusto ko rin sanang tingnan 'yung likod nung cabinet kaso masyado siyang malaki at mabigat para sa 'kin. Hindi ko kaya. Last na tiningnan ko 'yung tokador na may salamin. Sa kwarto ko may ganitong tokador din. Sa kwarto naman nina Mommy at Ate Rose ang salamin nasa cabinet. Walang nakapatong sa ibabaw ng cabinet. Hindi ko alam kung talagang wala or ipinalinis na rin ni Mommy. May maliit na upuan na nasa gitna noon na hinila ko para tingnan ang ilalim at kapain 'yung kutson na ibabaw pero wala namang kakaiba akong nakita kaya inupuan ko na lang para hindi ako mangawit sa pagyuko habang tinitingnan 'yung laman ng mga drawers ng tokador. Isa-isa kong binuksan 'yung mga drawer pero wala ring mga laman. Kahit hair pin o kaya pardible man lang wala. Pero may napansin akong kakaiba sa isa sa mga drawer. 'Yung dalawang drawer sa kaliwa at 'yung unang drawer sa kanan malalim, samantalang 'yung huling drawer sa kanan mababaw. Malakas 'yung kutob ko na may secret compartment doon. Ang problema ko na lang ay kung paano ko 'yun bubuksan. Sinubukan kong hatakin palabas 'yung buong drawer pero may kumakalang. Kapag sinira ko kaya 'to magagalit si Mommy? At ano namang idadahilan ko sa kanya kung bakit nasira? Trip ko lang? Sinira ng anay?
BINABASA MO ANG
INANG
ParanormalDahil sa pagkamatay ng lola ni Gwen, kinailangan nilang umuwi ng probinsya. Sa pag-uwi nilang ito maraming kababalaghan at sikreto ng kanilang pamilya ang mabubunyag.