KABANATA 11
Ang aga kong nagising dahil sa pagtilaok ng manok sa labas. Pagtingin ko sa gilid ko, si Enzo tulog na tulog pa rin. Bumaba ako nang kama at naglakad palabas ng kwarto. Napatingin ako sa bukas na pintuan ng kwarto nina Mommy. Si Dad nasa kama pa at tulog habang si Mommy wala na doon. Pababa ako nang hagdan nang makita ko si Mommy sa may dining table, nakaupo at tulala na naman. Hawak pa rin niya 'yung kamay niyang may sugat. Sa itsura niya mukha siyang hindi nakatulog dahil nangingitim 'yung ilalim ng mga mata niya. "Good morning," sabi ko sa kanya nang tuluyan na 'kong makababa. Hindi siya sumagot or tiningnan man lang ako. Hindi siguro maganda 'yung gising niya kaya hinayaan ko na lang. Papunta na sana ako sa banyo nang mapansin ko na kumukulo at umaapaw na 'yung pinapakuluan ni Mommy sa malaking kaldero kaya nagmadali akong tumakbo sa kusina at pinatay 'yung kalan. Natalsikan pa ako ng kumukulong tubig. Pumunta agad ako sa lababo para itapat sa tubig 'yung napasong kamay ko. Ang sakit kasi. Si Mommy hindi man lang nag-react kahit siguradong dinig naman niya 'yung mga nangyari sa kusina.
"Luto na ba?" Parang wala sa sariling tanong niya kaya napalingon ako. Nasa tabi na siya ng kalan.
"Hindi ko po alam pero umaapaw na po kasi kaya pinatay ko na po," sagot ko. Nagulat na lang ako nang hawakan ni Mommy 'yung takip ng kaldero nang wala man lang hawak na pot holder tapos inulublob niya 'yung kamay niyang may sugat sa loob ng kaldero na umuusok pa. "Mommy!" Napasigaw ako nang dahil sa ginawa niya, pero siya, wala man lang reaksyon ang mukha. Parang hindi man lang siya nasaktan kahit nakalublob sa mainit na tubig 'yung kamay niya. Pag-angat ng kamay niya mula sa loob ng kaldero, muntik na 'kong matumba at maduwal nang makita ko kung ano 'yung hawak niya. No, kung sino pala 'yung hawak niya.
***
"Ate, nakita mo si Hunter? Wala sa kwarto." Napatingin ako sa kapatid ko na pababa nang hagdan na papungas-pungas pa ng mata. Sa kwarto nga pala namin natulog si Hunter at hindi ko napansin kaninang paggising ko na wala siya.
Hindi ko alam kung sino'ng uunahin ko. Si Mommy o si Enzo. Mabilis akong tumakbo papunta sa kapatid ko. Nasa kalagitnaan na siya ng hagdan. "Ipinasyal ata ni Ate Rose," pagsisinungaling ko. Naiiyak na 'ko. Hindi ko masabi sa kanya na wala na si Hunter. "Ang aga pa. Matulog ka pa," sabi ko sa kanya habang marahan ko siyang tinutulak sa likuran niya.
Buti na lang sinunod niya 'yung sinabi ko. Pumasok siya uli sa kwarto at natulog. Ako naman dali-daling ginising si Dad at sinabi 'yung sitwasyon tungkol kay Mommy. Halos matumba pa si Dad sa pagmamadaling bumbaba. Nakita namin si Mommy nakaupo sa may dining table. Nasa harapan niya si Hunter na nakalagay sa isang malaking plato. Tinatanggalan niya ito ng mga balihibo na mabilis naman nahuhugot dahil sa ginawa niyang paglublob dito sa kumukulong tubig. Nanginginig 'yung kanang kamay ni Mommy na sobrang pula dahil sa labis na pagkalapnos. Hindi ko alam kung nararamdaman ba niya 'yung sakit at hindi niya lang pinapansin o talagang manhid siya at walang nararamdaman. Mabilis na nilapitan ni Dad si Mommy at itinayo.
"Dadalhin ko sa ospital ang Mommy mo. Gisingin mo si Rose at sabihin mong ilibing 'yung aso." Utos sa 'kin ni Dad. Hindi ko na napigilan 'yung luha ko. Iyak ako nang iyak. Pinipigilan ko lang na makagawa ng ingay dahil baka magising uli si Enzo. Kumatok ako sa kwarto ni Ate Rose at sinabi 'yung nangyari at 'yung utos ni Dad.
Hindi ko magawang tumingin nang inilalagay na ni Ate Rose sa itim na plastic bag si Hunter. Parang kahapon lang kasama namin siya, kalaro, tapos ngayon wala na siyang buhay. Hindi ko alam kung ano'ng idadahilan ko kay Enzo. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanya na wala na 'yung alaga niya na dalawang araw lang niyang nakasama. "Ate Rose, ang sasabihin natin kay Enzo, nawawala si Hunter. Na nilagay si Hunter sa cage niya tapos hindi natin napansin na nakawala pala." Mas okay na 'yun kesa malaman niyang patay na si Hunter at si Mommy ang dahilan.
BINABASA MO ANG
INANG
ParanormalDahil sa pagkamatay ng lola ni Gwen, kinailangan nilang umuwi ng probinsya. Sa pag-uwi nilang ito maraming kababalaghan at sikreto ng kanilang pamilya ang mabubunyag.