KABANATA 16
Dahil sa mga nangyayari nagiging paranoid na 'ko. Sino ba namang hindi 'di ba? Sarili kong mga magulang hindi ko mapagkatiwalaan. Sarili kong mga magulang, hindi ko maintindihan.
Pagkatapos naming kumain, pasilip-silip ako sa labas ng kwarto namin. Pinakikiramdaman ko kung ano'ng nangyayari sa ibaba. Maliban sa mga tunog dulot ng ginagawang paglalagay ni Dad ng mga tabla sa bintana wala na akong ibang kakaibang narinig.
Nakatayo ako sa may bintana, nagbabakasakaling makasagap ng signal para makapag-search sa internet nang kahit na ano tungkol sa mga spirits or black magic. Kahit ano papatulan ko na makahanap lang ng solusyon sa problema ng pamilya ko. Nakataas 'yung kanang kamay ko na hawak 'yung cellphone at tumitingkayad pa ako, pero wala talaga. Walang signal.
"Gwen, Enzo."
"Si Ate Rose," bulong ni Enzo kasabay nang pagtayo niya mula sa kama.
Sinenyasan ko siya na maupo uli at ako na ang magbubukas ng pintuan. "Ate Rose?"
"Ako nga."
Binuksan ko 'yung pinto at nakita ko si Ate Rose na mukhang balisa.
"Si Enzo?" sumilip siya sa loob ng kwarto. "Enzo, tara dito." Sinenyasan pa niya si Enzo na lumapit.
"Bakit Ate Rose?" tanong ko. Nagsimula na akong kabahan. Parang masama 'yung kutob ko. Parang may mangyayaring hindi maganda.
"Pinapatawag kayo ng Mommy mo. Bumaba na kayo." Aalis na sana siya pero pinigilan ko.
"Sandali lang Ate. Huwag ka munang umalis. May gustong malaman si Enzo mula sa 'yo."
Lumapit si Enzo sa 'min pero nanatili siya sa likuran ko. "Ate Rose, totoo bang wala na si Hunter? Si Mommy ba ang may kasalanan?"
"H-ha?" Tumawa siya pero alam kong pilit. "Anong kalokohan 'yan? W-walang ganon. Walang nangyaring ganon."
Hindi ako makapaniwala sa isinagot niya. Nagsisinungaling siya. Halata sa pautal-utal niyang pagsasalita. Hindi rin niya magawang tumingin sa amin nang diretso.
"Ate, ikaw ang naglibing kay Hunter. Huwag mong sabihin na nakalimutan mo agad 'yun."
"Gwen, huwag kang ganyan. Bumaba na lang kayo, bago pa 'ko mapagalitan ng Mommy niyo." Akma siyang aalis na naman nang hawakan ko siya sa braso. Bigla siyang napa-aray. Pagtingin ko sa braso niya may pasa.
"Saan galing 'yan Ate? Mukhang bago lang." Pang-uusisa ko.
"W-wala." Hindi ko na siya napigilan nang tuluyan na siyang umalis. Nang pababa na siya nang hagdan, nagsalita pa siya uli. "Bumaba na kayo. Please." Ano 'tong nakikita ko sa mga mata niya? Takot?
"Ate, ano ba talagang totoo?" Naguguluhang tanong ni Enzo sa 'kin.
"I swear nagsasabi ako nang totoo. Pakiramdam ko, tinatakot ni Mommy si Ate Rose para hindi siya magsalita. Pansin mo ba, nauutal siya kanina?"
"Ano 'yun?" Napasilip sa labas ng kwarto si Enzo.
"Ha?"
"Shhh.." Itinapat pa niya 'yung hintuturo niya sa tapat ng labi niya. "Parang may narinig akong tumahol." At tama nga siya, dahil may narinig din ako na parang nanggagaling sa ibaba. "Si Hunter!" Nagtatakbo palabas ng kwarto si Enzo, pababa ng bahay.
"Sandali lang Enzo!" Sigaw ko habang patakbong nakasunod sa kanya.
"Hunter!" Sigaw niya nang makita niya ang tutang hawak ni Mommy. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Kahawig na kahawig ni Hunter 'yung aso. Pati 'yung pwesto ng dark spots sa mukha, buntot at likod pareho. Tuwang-tuwa siya habang kinukuha niya 'yung tuta mula kay Mommy.
BINABASA MO ANG
INANG
ParanormalDahil sa pagkamatay ng lola ni Gwen, kinailangan nilang umuwi ng probinsya. Sa pag-uwi nilang ito maraming kababalaghan at sikreto ng kanilang pamilya ang mabubunyag.