KABANATA 2
Dahan-dahan kong tinignan ang braso ko at nakita ko ang maputlang kamay na nakahawak dito. Nanigas ako. Hindi ako nakagalaw at pigil ang hininga. Hindi ko magawang lumingon para tignan kung sino o ano ang nakahawak sa 'kin. Sunod noon ay may narinig akong boses na bumubulong sa kanang tainga ko, pero hindi ko naiintindihan kung ano ang sinasabi. Naninigas na ang batok ko sa takot. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Lakas loob na lang akong tumakbo palabas kahit nanginginig ako. Wala naman kasing mangyayari sa 'kin kung tatayo lang ako. Tatagal lang ang kalbaryo ko.
Malapit na ako sa bukana ng pintuan nang may biglang sumulpot sa harapan ko dahilan para mapasigaw ako nang malakas sa sobrang gulat. Napaurong ako at napasandal sa isa sa mga kama at dumikit ang braso ko sa paa ng bangkay na nakahiga roon. Sa sobrang kilabot at takot ko nagsisigaw ako. Kahit saglit lang na dumampi ang braso ko sa paa ng patay, ramdam ko ang nanunuot na lamig. Kasing lamig ng kamay na humawak sa braso ko kanina-kanina lang.
"Ma'am. Pasensya na po ma'am," sabi ng embalsamador. Siya pala 'yung biglang sumulpot kanina.
Hahawakan pa sana niya 'ko, pero mabilis kong inilayo ang kamay ko at sinabi kong ayos lang ako. Tumakbo ako palabas ng morgue habang mahigpit ang yakap sa bag ko. Nakita ko namang tumatakbo palapit sina Mommy at Daddy na alalang-alala.
"What happened?" nag-aalalang tanong ni Mommy.
"Gwen are you okay?" dagdag pa ni Dad.
Napatingin sa likuran ko si Mommy dahil kasunod ko na pala ang embalsamador. "Ano'ng ginawa mo sa anak ko?" tanong niya rito.
"Dad, Mommy, I'm okay," sabi ko agad bago pa sila gumawa ng eksena at baka awayin pa nila itong embalsamador na wala namang ginawang masama sa 'kin. "Napigtas po kasi 'tong bag ko. Nahulog 'yung mga gamit ko kaya hindi ako nakasunod sa inyo, tapos nang palabas na po ako, nagulat ako sa biglaang pagdating ni kuya," paliwanag ko. Hinawakan ko sa kamay si Mommy at naglakad na paalis, "Tara na po," sabi ko. Ayoko nang magtagal pa lalo rito.
****
Tahimik kami sa loob ng kotse. Si Dad ang nagda-drive while Mommy's beside him tapos ako mag-isa sa likod. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang nangyari. Out of nowhere bigla ko na lang natanong, "Mommy, do you believe in ghost?" 'Yung nangyari kasi kanina hindi ko alam kung totoo ba o dala lang ng sobrang takot ko dahil doon sa lugar. 'Yon ang unang beses na makaranas ako ng ganoon at sana hindi ko na muling maranasan pa.
"Gwen, sinabihan na kita kanina 'di ba? Don't ask questions like that. Kung kailan gabi na at kagagaling lang natin sa punerarya at saka ka pa nagtatanong nang ganyan. Ayoko ng mga ganyan. Kinikilabutan ako." Napahimas sa magkabilang braso niya si Mommy. "Hon, itigil mo nga muna d'yan sa may tindahan 'tong sasakyan. Magpagpag tayo d'yan. Hindi tayo galing sa burol pero mabuting nang sigurado na walang sasama sa 'tin sa bahay galing doon."
"Naniniwala ka pa sa mga ganyang pamahiin?" natatawang tanong ni Dad.
"Walang mawawala kung susundin," sagot ni Mommy.
Inihinto ni Dad ang kotse sa tapat ng bukas na maliit na sari-sari store. "May gusto kang ipabili?" tanong ni Daddy kay Mommy bago siya bumaba ng kotse.
BINABASA MO ANG
INANG
ParanormalDahil sa pagkamatay ng lola ni Gwen, kinailangan nilang umuwi ng probinsya. Sa pag-uwi nilang ito maraming kababalaghan at sikreto ng kanilang pamilya ang mabubunyag.