By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
-----------------------
Matagal ko nang napansin ang lalaking iyon sa burol. Marahil ay may mahigit isang taon ko na siyang napapansin doon. Ang pagkakaalam ko, isa siyang security guard na naka-assign sa isang malaking bodega ng mga kopra at abaca. Ang bodega na iyon ay pagmamay-ari ng isa sa pinakamayamang negosyante sa aming lugar. Nasa tuktok ng burol ang bodegang binabantayan niya. Sa sa dulo noon ang kalsada at sa gilid ay ang gulod.
Sa ibaba ng gulod na iyon ay ang parte ng ilog kung saan ang mga tao sa aming baranggay ay naglalaba o di kaya ay naliligo. Maganda kasi ang lugar. Kapag umaga ay natatakpan ng gulod ang sikat ng araw at sa tanghali ay may lilim ang malalaking kahoy na nasa gilid ng ilog. May isang bahagi din ng ilog kung saan hinarangan ng mga bato ang daloy ng tubig upang lumalim ang gilid na bahaging iyon na parang isang catch basin ng tubig. At mainit-init ang tubig sa parteng iyon dahil may hot spring sa mismong lugar. Kung kaya sinadya talaga nila ang paggawa ng catch basin. May ginawa rin silang parang diving spot na purong bato. Napakaganda ng lugar. Napaka presko ng tubig. Kapag ang trip mo ay mainit-init na tubig doon ka maliligo. Ngunit kung gusto mo naman ng sobrang lamig, sa mismong sentro ng daluyan ng tubig-ilog ka maliligo.
Doon ko nakita ang lalaking iyon. Kapag naglalaba kami o naliligo sa ilog, kadalasan ay nandoon siya, naglalakad sa gilid ng railing ng compound sa labas lang ng bodega. Minsan naman ay sasampa siya sa railing at panoorin ang mga naglalaba o naliligo. At ang isang hindi ko malilimutang eksena sa kanya ay noong isang beses na naligo ako kasama ang mga kaibigan. Nadayo ang tingin ko sa kinaroroonan niya. Nakatutok din pala ang tingin niya sa kinaroroonan ko. Tiningnan ko ang aking likuran. Baka kasi hindi ako ang tinitingnan niya; baka may kasama akong nasa aking likuran o di kaya ay may ibang bagay na tinitingnan siya na nakaharang ako. Ngunit wala naman. Kaya ako talaga ang kanyang tinitingnan. At dahil doon, bigla akong na-conscious sa aking galaw. Umupo na lang ako sa gilid ng ilog, paminsan-minsang tinitingnan din siya.
Doon ko na siya napansing maigi. Kahit nasa malayo siya, pansin ko ang kapogian niya. Siguro ay nasa 19 o 20 ang edad niya. Matangkad, matikas, maputi, makinis ang mukha. At sa uniporme niyang puti ang pang-itaas at kulay dark blue na pantalon, parang lalo pa itong nagpatingkad sa kanyang appeal at porma. At lalo pang naturete ang utak ko noong nginitian niya ako. Nahuli kasi niya akong palihim na tumitingin sa kanya at iyon... ngumiti siya. Ewan kung para saan iyong ngiti niyang iyon.
Ah grabe. Parang hindi ako makahinga. Pero may kumontra din naman sa aking utak at nagsabing baka hindi naman ako ang nginitian niya; na baka may nakita lamang siyang nakakatawang eksena sa ilog at napangiti siya na hindi naman sinadyang ako talaga ang pakay niyang ngitian.
Pero... wala akong paki. Basta ngumiti siyang nakatingin sa akin, kung kaya ay para sa akin ang ngiting iyon. Inangkin ko na talaga. Hanggang sa pag-uwi ko ng bahay, hanggang sa pagtulog ko, mukha niya ang aking nakikita. Kinikilig ako kapag naalala ko ang eksenang iyon.
Labing-apat na taong gulang pa lamang ako noon. At sa panahong iyon, naramdaman ko na sa sariling may kakaiba sa aking pagkatao. Mas naaattract ako sa lalaki kaysa sa babae, nagkakaroon ako ng crush sa lalaki, at nag-iinit ang aking katawan kapag nakakakita ako ng isang lalaking nakahubad o naka-brief lang. Nagkakaron din naman ako ng crush sa babae, naaadmire ko kapag may magandang mukha at katawan ang isang babae ngunit mas matindi ang atraksyon ko sa lalaki. Kapag nakakakita ako ng guwapo, para akong kinikilig.
At ang lalaking iyon sa burol ang isa sa mga taong nagpapakilig sa akin.
Syempre, pinipigilan ko ang aking sarili. Hindi ko pa naman kasi tanggap sa sarili na isa akong bakla. May mga nabasa kasi akong payo para sa mga batang kagaya kong nalilito sa kanilang pagkatao o orientation. Ang sabi ay normal lang daw sa ganitong edad na nakakaranas ng atraksyon sa kapwa lalaki. Kapag hindi pa nawala ito hanggang sa edad 23 o 25, saka na raw maaaring ma-prove na bakla nga ang isang lalaki.