By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
----------------------------------
"Grabe igan... nagdrama talaga ang lola mo!" sambit ni Ricky. "Pero I'm proud of you igan. Kasi, pang-best dramatic actor din ang dialogue mo! At panalo pa!!! Imagine, pasimple mo siyang minura?" dugtong pa niya sabay halakhak.
"N-natatakot ako Ricky. Baka mas matindi pa ang gagawin niya sa akin, eh."
"Huwag kang mag-alala, nandito ako igan. Ipaglalaban kita. Kung kailangang mag-strike kaming lahat ng mga crew ay gagawin namin. Abay buwesit na buwesit na rin ang mga kasamahan natin sa ugali ng amo nating babae. Mabuti kung maipagmamalaki ang pasweldo nila. Hmptt!"
"E di masesante silang lahat kung mag strike kayo?"
"Bakit? Hindi mo ba alam na sesesantehin din naman ang mga iyan kapag natapos na ang 6 months na mga kontrata nila? Hindi takot ang mga iyan,igan; gigil na gigil silang makaganti sa amo nating babae."
"Hindi natin kaya si Sophia, Ricky. Baka lalo lamang mapahamak tayo. O baka... idadamay pa niya si Marlon."
"Hindi niya magawa ang pumatay igan. Kasi, kapag ginawa niya iyan, sigurado, siya ang pagbintangan dahil alam ng lahat ang ugali niya! At kapag may nangyaring masama sa iyo, o kay sir Marlon, alam na..."
"Sana nga Ricky, hindi siya gagawa nang masama..."
Maya-maya lang, bumalik si Marlon kasama si Sophia na nag-iiyak pa rin. Ewan kung ano ang pinag-usapan nila at kung anong explanation ang ginawa ni Marlon upang ma-redeem ang pride ni Sophia.
"Tara... sa office ko tayo" ang utos ni Marlon sa amin habang si Sophia naman ay dumeretso sa kanyang mesa na hindi kami pinansin, nakasimangot ang mukha habang nag-aayos ng kanyang bag na parang aalis.
Sumunod kami ni Ricky kay Marlon. Noong nasa office na niya kami, "Sir... maniwala po kayo, si Jassim po talaga ang gumawa noong budget..."
"Alam ko Ricky..." ang sagot ni Marlon. At baling sa akin "...at salamat sa iyo, Yak!"
Napatingin naman si Ricky sa akin sa narinig niyang pagtawag sa akin ni Marlon na "Yak". Iyon bang tingin na nabigla, may pagka suspisyoso ang dating, ang kilay ay nagkasalubong na tila ang sa isip ay nagtatanong ng, "Yak??? Ano iyon??? Bakitttttt???"
Ngunit hindi ko siya pinansin. Alam ko, nadulas lang si Marlon sa kanyang pagtawag sa akin ng "Yak".
"...hindi ko akalaing kayang-kaya mong gawin ang budget, much less, matapos nang ganoon kabilis. Daig mo pa ang aming mga accounts staff sa paggawa niyan! Bilib ako sa iyo!"
"Walang anuman po, Sir Marlon." Sagot ko.
"Ang husay mo pala talaga..."
"H-hindi naman po sir."
"Ay mahusay po talaga iyan Sir. Summa cum laude po iyan sa daratng na graduation. Palaging nangunguna ang pangalan niya sa listahan ng mga honor students sa bulletin board ng unibersidad"
"Ganoon ba? Ang tali-talino mo pala, Yak!"
Muling lumingon sa akin si Ricky na ang tingin ay lalo pang naintriga.
Muli hindi ko siya pinansin. "H-hindi naman po... nasa tamang pag-aaral lang iyan."
"O sya... masyado kang humble." At baling kay Ricky, "Ricky, iwan mo muna kami ha? May pag-uusapan lang kami."
Tumalima naman si Ricky. "Yes Sir..." tinumbok ang pintuan at bago pa man lumabas, binitiwan sa akin ang isang tingin na may bahid pakamalisyoso.
Lihim ko siyang dinilaan.